Chapter XLV: At Last
Muling nagbaga ang kagustuhan ni Finn na makipagpalitan ng atake kay Aemir. Hinawakan niya nang mahigpit ang hawakan ng kanyang malaking espada. Ramdam na ramdam niya ang kapangyarihang nagmumula sa mga bituin sa loob ng kanyang soulforce. Ipinatong niya ang espada sa kanyang balikat at sinabing, “Kung hindi pa rin ito sapat, hindi ko na ipipilit ang huling pagsasanay. Kusa na akong susuko at tatanggapin na imposible talaga na mapabagsak ka.”
Ngumiti si Aemir at tumugon, “Kung gayon, sugod. Ipakita mo sa akin kung ano pa ang kaya mo, kung hanggang saan ang hangganan ng lakas ninyong lima.”
Ngumiti na lang si Finn. Dalawang kamay niyang hinawakan ang kanyang espada at pagkatapos, mabilis na naglaho ang kanyang pigura. Lumitaw siya ilang metro ang layo kay Aemir, at handa na siyang magpakawala ng atake gamit ang kanyang sandata.
BANG!
Inihampas niya ang kanyang espada. Walang kahirap-hirap na sinalo ni Aemir ang talim nito. Nagkaroon ng pagbabago sa ekspresyon ni Aemir. Hindi iyon napansin ni Finn, pero napansin iyon ni Altair.
“Tara na. Kailangan nating mabigyan ng pagkakataon si Finn na direktang matamaan si Aemir,” biglang sabi ni Altair na naging dahilan para mapalingon sa kanya sina Yuros, Yasuke at Whang.
“Bakit tayo magbibigay-daan kay Finn? Mayroon ka bang napansin, Tiyo Altair?” Kunot-noong tanong ni Yuros.
“Oo. Mapapansin n'yo rin iyon kung pagmamasdan ninyong mabuti ang ekspresyon ni Aemir habang sinasalag niya ang mga atake ngayon ni Finn,” tugon ni Altair.
Agad na bumaling ang tatlo sa nagaganap na laban. At kagaya ng sabi ni Altair, pinagmasdan nila ang ekspresyon ni Aemir. Natigilan sila at bumakas ang gulat sa kanilang ekspresyon. Hindi sila lubusang makapaniwala sa kanilang nakikita. Ngayon lang nila nakitang nagbago ang ekspresyon ni Aemir na para bang nababahala ito sa kung anong bagay.
Kalmado ito kani-kanina lamang subalit ngayon ay nakasimangot na ito at pilit na iniiwasan ang mga atake ni Finn.
“Mayroong kung anong katangian ang kapangyarihan ni Finn na ikinakabahala ni Aemir. Sa halip na salagin ang kanyang atake, iniiwasan iyon ni Aemir,” komento ni Yuros.
“Iyon ang rason kaya kailangan nating bigyan ng pagkakataon si Finn na direktang matamaan si Aemir. Sa nakikita ko, nagtatamo si Aemir ng pinsala dahil sa mga atake ni Finn kaya siya umiiwas. Hindi ko pa alam kung paano nangyayari iyon, subalit malaki ang posibilidad na may kaugnayan iyon sa kapangyarihang ginagamit ni Finn ngayon,” paglalahad ni Altair.
Sinuntok ni Whang ang kanyang palad at sinabing, “Kung gayon, magbigay-daan tayo para sa kanya. Kung siya lang ang makapagbibigay sa atin ng tagumpay sa huling pagsasanay, tutulungan natin siya para magkaroon naman tayo ng silbi.”
Umismid si Whang. Mas tumindi ang enerhiyang bumabalot sa kanyang katawan. Mas lumamig ang kanyang itim na kapangyarihan at sa isang iglap, sumugod siya patungo kay Aemir upang tulungan si Finn.
“Yasuke, Yuros. Tulungan n'yo akong igapos si Aemir gamit ang ating kapangyarihan. Sapat na ang ilang segundo para kay Finn, ako na ang bahalang magpaalam sa kanya,” pahayag ni Altair.
Hindi na rin nagpatumpik-tumpik pa sina Yuros at Yasuke. Sumugod na rin sila at tinulungan sina Finn at Whang sa pakikipaglaban.
Nakita ni Altair na tumilapon si Finn matapos siyang tadyakan ni Aemir kaya agad kumilos si Altair. Bago pa man muling sumugod si Finn, pinigilan niya muna ito upang kausapin.
“Maging alerto ka, Finn. Aabalahin namin si Aemir at bibigyan ka namin ng pagkakataon para direkta siyang matamaan ng pinakamalakas mong atake. Igagapos namin siya, at kapag nagtagumpay kami, mayroon kang ilang segundo para atakihin si Aemir,” paliwanag ni Altair. “Siguraduhin mong matatamaan mo siya. Ikaw lang ang pag-asa naming magtagumpay sa huling pagsasanay.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...