Chapter XL

4.4K 977 125
                                    

Chapter XL: Testing One's Senses

Sa huli, walang nagawa si Faino kung hindi ang makiusap kay Finn. Iniinis lang ni Finn si Faino, at alam niya iyon, subalit hindi niya mapigilang magalit dahil nabaligtad na ang sitwasyon. Sa halip na siya ang dapat na kokontrol sa lahat, si Finn ay nakagawa ng paraan para kontrolin siya. Sa kanyang estado, hindi niya pinapayagan ang kahihiyang ganito, ganoon man, wala siyang pagpipilian dahil si Finn na lang ang tanging paraan para marating niya ang mundo ng mga adventurer.

Sa binata niya na lang nakikita ang pag-asa nilang dalawa ng kanyang minamahal na si Astra.

Samantala, nagmamalaki si Finn sa kanyang ginawa. Hindi niya nagustuhan ang kahambugan ni Faino noong una, at ang ginawa niyang ito ay para lamang turuan ito ng leksyon. Kaya niyang tumanggap ng biro, subalit ang magmataas sa kanya ay ibang usapan na.

Nang hindi niya na marinig ang tinig ni Faino, iminulat na ni Finn ang kanyang mga mata. Natagpuan niya pa rin ang kanyang sarili sa ibabaw ng palad ng dambuhalang hari ng mga Guardian Spirit. Lumingon-lingon siya sa paligid, at noong mapatingin siya sa kanyang kanan, mayroon siyang napansing dalawang nagliliwanag na pigura sa kabilang kamay ng hari.

Bumaling sa kanyang direksyon ang dalawa. Ramdam ni Finn na masama ang tingin ng isa sa dalawa, ngunit nginitian niya lang ito at muli nang tumingin sa hari.

“Kahit na alam kong pipiliin ka ng pag-aari niyang bato ng tadhana, nasurpresa pa rin ako,” sabi ng hari na narinig ni Finn sa kanyang isipan. “At ngayon, balak niya pang isali ang kanyang kasintahan sa inyong kasunduan. Hindi ko alam kung suwerte ka o malas, subalit masasabi kong kapag nagkasundo kayo, malaki ang maitutulong niya sa iyong mga hinahangad.”

Hindi tumugon si Finn sa mga sinabi ng hari. Medyo naguluhan siya sa mga sinabi nitong matalinhaga. Hindi niya lubos na maunawaan kung ano ang ibig nitong sabihin, subalit napansin niya sa tono ng pananalita ng hari na hindi lang basta-bastang Guardian Spirit si Faino.

“Dahil kayo ay nagkausap na at nagkasundong papasok kayo sa kontrata, ipapaliwanag ko na sa inyo ang proseso ng kasunduan. Makinig kayong mabuti dahil sa oras na mapatakan n'yo na ng inyong dugo ang papel ng kasunduan, hindi n'yo na iyon maaaring baguhin pa kahit gustuhin n'yo pa,” paglalahad ng hari.

Agad na sumang-ayon si Finn. Seryoso siyang naghanda sa pakikinig habang wala siyang naririnig na kahit ano sa kabilang panig. Hindi niya pa rin makita ang kabuoang hitsura ng dalawa dahil sa nakasisilaw na liwanag na inilalabas ng kanilang katawan. Ganoon man, hindi niya na ito pinagtuunan ng pansin, bagkus nakinig na lang siya sa hari dahil nagsisimula na ito sa pagsasalita tungkol sa mga takda ng kasunduan.

--

Halos dalawang araw na mula nang gamitin ni Finn ang susi patungo sa mundo ng mga Guardian Spirit. Ang lahat ay pasensyadong naghihintay sa kanyang pagkakaroon ng malay, at sa kasalukuyan, bantay-sarado pa rin siya ni Porion.

Tapos na sina Whang, Altair, Yuros, at Yasuke na i-pamilyar ang kanilang sarili sa bago nilang lakas bilang Supreme Rank. Hinihintay na lang talaga nila na magising si Finn para makapagsimula na sila sa ikaapat nilang pagsasanay.

Makaraan ang ilang minuto, napatingin ang lahat nang mapansin nila ang biglang paggalaw ng binata. Nasaksihan nila ang dahan-dahang pagmulat ng mga mata nito. Napansin din nila na ang hawak-hawak nitong bolang kristal ay unti-unting nangingitim hanggang sa tuluyan na itong mabasag at maging abo.

Pagkatapos makamulat ni Finn, inilibot niya ang kanyang tingin sa kanyang paligid. Maraming mga matang nakatingin sa kanya, at doon niya lang napagtanto na tapos na sina Altair sa pagsasanay sa kanilang bagong lakas. Biglang nagbago ang kanyang ekspresyon, mula sa komplikado, tila ba humihingi ng paumanhin ang kanyang ekspresyon habang pilit siyang nakangiti at marahang kinakamot ang likod ng kanyang ulo.

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon