Chapter LXIII: Going Back
Kaharap ngayon ni Auberon ang isang elf sa kanyang opisina. Malalim itong nakayuko sa kanyang direksyon, at nakalahad ang dalawa nitong kamay na humahawak sa isang balumbon. Hindi agad tinanggap ni Auberon ang balumbon mula sa elf, pinagmasdan niya muna ito sandali at marahang nagwika, “Isang mensahero mula sa Ancient Elf Kingdom ng Great Land of Elves. Bakit bigla akong pinadalahan ng sulat ni Filvendor? Mayroon ba akong dapat na malaman? Kung mayroon, sabihin mo sa akin, ngayon din mismo.”
Nakaramdam ng matinding presyur si Marenaya--ang mensaherong babaeng elf dahil sa presensya ni Auberon. Ngayon lang siya nakaramdam ng ganito kalakas na aura, at namumutla ang presensya't aura nina Filvendor at Vishan kay Auberon. Ibig sabihin, sa nararamdaman niya, si Auberon ay higit na mas malakas kaysa sa kanilang mga pinuno--kina Filvendor at Vishan.
“Ipagpaumanhin, subalit ang aking trabaho lang bilang mensahero ay ang dalhin ang balumbon na ito at hintayin ang magiging tugon n'yo,” ani Marenaya.
Hindi na nakipagtalo pa si Auberon. Itinuon niya ang kanyang pansin sa balumbon sa ibabaw ng mga palad ni Marenaya. Nakita niya ang selyo ng Ancient Elf Kingdom sa balumbon. Hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa at binuksan niya ang balumbon upang mabasa kung ano ang nakasulat dito.
Gusto niyang malaman kung bakit bigla na lang nagpadala sa kanya ng mensahe si Filvendor ganoong wala namang rason upang makipagkomunikasyon ito sa kanya. Siglong taon na rin mula nang makita niya sina Filvendor at Vishan. Kilala niya ang mga ito, pero hindi kakampi o kaaway ng Order of the Holy Light ang Ancient Elf Kingdom. Ang dalawang malakas na puwersa ay may relasyon na kinokonsidera bilang katuwang sa mga negosyo kung saan nagpapalitan sila ng mga kayamanan at kaalaman.
Ngayon, hindi pa malinaw kay Auberon kung ano ang dahilan ni Filvendor kung bakit siya nito pinadalahan ng mensahe. At dahil nais niya nang malaman kung ano nga ba talaga ang dahilan, binasa niya agad ng tahimik ang mga nakasulat.
Hindi iyon ganoon kahaba, ngunit hindi rin iyon maikli. Inabot siya ng ilang minuto pagbabasa ng mensahe, at noong matapos siya, ibinalik niya sa pagkakarolyo ang balumbon at nagwika, “Hindi ko agad maibibigay ang tugon ko sa kasalukuyan. Masyadong importante ang mensaheng ito, at kailangan ko muna iyong pag-isipan ng mabuti. Sa ngayon, manatili ka muna sa aming teritoryo habang nag-iisip-isip ako.”
“Maaari ka nang lumabas. Sabihan mo lang ang mga light guard sa labas na gabayan ka patungo sa iyong magiging pansamantalang tutuluyan. Sabihin mo rin sa ibang light guard na ipatawag sina Aemir at Porion dahil kailangan ko silang makausap,” sabi pa ni Auberon.
Natigilan si Marenaya. Umayos siya ng tayo, at hindi siya makapaniwalang tumingin kay Auberon.
‘Hindi mo ako tauhan! Mensahero ako ng Ancient Elf Kingdom, hindi mo!’ Sa isip niya, subalit hindi niya ito mabigkas dahil nararamdaman niya pa rin ang matinding presyur na nagmumula kay Auberon.
“Makakaalis ka na, ngayon din mismo,” ani pa ni Auberon bago siya naglakad pabalik sa kanyang upuan dala-dala ang balumbon na naglalaman ng mensahe ni Filvendor.
Wala nang nagawa pa si Marenaya. Bahagya na lang siyang yumuko, at pumihit na upang lisanin ang opisina ni Auberon. Wala siyang magagawa kung hindi sundin ang utos nito, hindi siya makapagreklamo dahil wala siyang karapatan at lakas ng loob na magreklamo sa balwarte ng mga light fairy.
Nang makalabas si Marenaya, bumakas ang taimtim na ekspresyon sa mukha ni Auberon. Halatang malalim siyang nag-iisip. Tinitipa niya rin ang kanyang lamesa, at hindi niya mapigilan na maalala ang mga nakasulat sa balumbon.
“Masyadong biglaan ang lahat ng ito... Sina Filvendor, Vishan at maraming kawal ng Ancient Elf Kingdom ay balak abandunahin ang Great Land of Elves? Sa anong dahilan at gagawin nila iyon?” Hindi mapigilang tanong ni Auberon sa kanyang sarili.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...