Chapter LIV: Face Off and the Death Battle
Pinagmasdan nina Mira si Finn habang hawak-hawak nito ang kanyang espada. Naramdaman nila ang pagbigat ng tensyon sa paligid, nararamdaman din nila ang pagtindi ng aura nito. Alam nila kung ano ang pinaplano ni Finn, at gusto man nila itong pigilan, hindi nila kaya dahil wala sa kanila ang may kakayahan na labanan si Finn. Naranasan at nasaksihan nila kung gaano ito kalakas. Madali lang para dito na pabagsakin sila. Wala silang kahirap-hirap na natalo ni Finn kaya ngayon ay wala silang kakayahan na lumaban dahil sa mga pinsalang tinamo nila.
Naging taimtim ang mga mata ni Mira habang nakatingin kay Finn. Napakuyom ang kanyang kamao dahil hanggang ngayon, hindi niya matanggap na wala siyang magawa. Binuhay sila ni Finn, pero wala ring silbi ang kanilang buhay dahil wala silang magawa para sa kanilang pinuno.
“Si Pinuno na lang talaga ang tanging pag-asa... Malakas si Pinuno, naniniwala ako na makakaya niyang talunin ang lalaking 'yan,” pabulong na sambit ng kambal nilang si Issa.
Sinulyapan siya ni Mira at ng iba pa. Bumaling muli si Mira kay Finn at malumanay na nagwika, “Tama ka... Kaya ni Pinuno na talunin ang lakaking iyan dahil siya ang Head of the Phoenix. Pero...”
Hindi na itinuloy ni Mira ang kanyang sasabihin. Hinayaan niya na lang na manatili sa kanyang isipan ang kanyang mga naiisip.
Para sa kanya, marahil si Finn ay kanilang kalaban dahil sa panggugulo nito sa kanilang teritoryo, ganoon man, bilang isang mandirigma na may mapagmalaking personalidad, hindi niya maiwasan na mamangha kay Finn. Higit na mas bata sa kanila si Finn, pero ang lakas, kapangyarihan, at karanasan nito sa pakikipaglaban ay higit na mas angat. Tinalo sila nito, at iyon ang tanggap ni Mira.
Subalit, sa halip na panghinaan ng loob o kamuhian si Finn, ang nararamdaman ni Mira ngayon ay motibasyon. Gusto niya ring maging mas malakas. Naging inspirasyon niya si Finn dahil ayaw niya nang mangyari na matalo at mabugbog siya ng kalaban. Gusto niyang maging malakas para sa susunod na magkaroon ng malaking gulo, bahagi na siya ng mga adventurer na kayang tumagal sa huli para protektahan ang nais nilang protektahan.
Makaraan ang ilang sandali, napaawang ang bibig ng karamihan matapos nilang masaksihan ang pagbabago sa kapangyarihan ni Finn. Hindi sila makapaniwala nang makita nila na mula sa asul na enerhiya, ang kulay ng enerhiya ni Finn ay naging asul na berde. Ang kaninang kapangyarihan ng tubig ay nadagdagan. Nagkaroon ng kapangyarihan ng hangin at ang mas hindi kapani-paniwala pa ay nagawa itong pag-isahin ni Finn.
Mas lalong lumakas ang kapangyarihan ni Finn. Natulala na lamang sila, at nagkaroon ng pangamba dahil hindi na sila sigurado kung makakaya pa ni Alisaia na lumaban.
Matagal na rin mula nang makita nila ang kanilang pinuno na makipaglaban kaya wala silang ideya kung matatapatan nito si Finn.
Tungkol kay Finn, nag-iipon siya ng enerhiya sa kanyang espada dahil balak niyang wasakin ang barrier gamit ang lakas at puwersa. Isa siyang ekspertong formation master, pero sa kanyang puwesto, walang paraan para alisin ang barrier. Tanging espesyal na kagamitan o nilalang na may dugo lang ng phoenix ang makakatagos sa barrier. Wala siya ng kahit ano sa dalawang ito kaya puwersa na lang talaga ang kanyang pagpipilian.
Matapos niyang maipon ang sapat na enerhiyang kailangan niya. Itinaas niya ang espada, binago niya ang pagkakahawak dito, at mas humigpit pa ang hawak niya sa hawakan nito.
[Seven Heavy Sword Art, Third Skill: Almighty Punishment Thrust!]
“HAAAAAAAA!”
Sumigaw siya at buong lakas niyang isinaksak ang dulo ng espada sa barrier. Nagkaroon ng mahinang pagyanig ang lupa. Nagkaroon ng maliliit na bitak dito, at ang malakas na hangin ay umihip ng malakas.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...