Chapter XIV: Greatest Treasure
Nang makapasok sina Oyo, Mina, Eduardo at Leila, ang una nilang ginawa ay ang pagmasdan ang lugar na kanilang kinaroroonan. Hindi sila agad umalis, bagkus hinintay nila na makalabas din ang magkakapatid na mersnake sa lagusan habang pinagmamasdan nila ang hindi pamilyar na silid. Dumungaw si Eduardo sa bintana, wala siyang nakitang kahit ano sa labas bukod sa mga gusali, puno at kung ano-anong imprastraktura. Wala rin siyang nararamdaman na presensya ng kahit anong nilalang sa paligid, at ang presensya ng nilalang na nararamdaman niya ay kilometro na ang layo sa kanilang kinaroroonan.
May mga bahay, subalit walang nakatirang mga nilalang. Nagtaka sina Oyo, ngunit hindi na nila ito gaanong pinagtuunan ng pansin dahil nakalabas na rin sina Tisia, Temuer, Torko, Tumo at Talia mula sa lagusan.
Kumpara kina Oyo, ang magkakapatid na mersnake ay agad na lumapit sa malaking bintana. Aalis na sana si Temuer, pero huminto siya nang marinig niyang magtanong si Oyo.
"Saan kayo pupunta? Hahanapin n'yo rin ba sina Yopoper at Yagar?" Tanong ni Oyo sa magkakapatid na mersnake.
Suminghal si Temuer at tiningnan lang sina Oyo, ngunit hindi siya tumugon sa tanong nito. Umalis na siya sa pamamagitan ng paglabas sa bintana, at iniwanan niya ang kanyang mga kapatid.
"Mag-uulat muna kami kay Lady Migassa, siya ang aming master kaya kailangan naming ipaalam sa kanya ang aming pagbabalik," sabi ni Tisia.
"Oo nga, oo nga! Ayaw naming magalit si Lady Migassa!" Gatong ni Tumo.
Sumunod na siya kay Temuer. Dumaan din siya sa bintana. Ngumiti at nagpaalam na rin sina Torko at Talia bago sila lumabas. Nagpaiwan si Tisia, at bago siya tuluyang umalis, nag-iwan muna siya ng mga salita.
"Pagkatapos makuha ang permiso ni Lady Migassa, hahanapin namin kayo upang tumulong. Miyembro pa rin kami ng New Order, at kailangan naming tumulong sa pagpapaunlad ng ating teritoryo," sabi ni Tisia.
Tumango na lang si Oyo habang sina Mina at Leila ay ngumiti. Nakakunot ang noo ni Eduardo, at hanggang ngayon ay inis pa rin siya sa inasal ni Temuer kani-kanina lamang.
Pagkatapos magpaalam ni Tisia, umalis na rin siya. Binilisan niya ng bahagya ang kanyang paglipad upang maabutan niya ang kanyang mga kapatid, at nang magkasabay-sabay, sila mas bumilis pa ang kanilang paglipad at sabay-sabay silang nagtungo sa direksyon kung saan madalas namamalagi si Migassa.
Tungkol kina Oyo, Mina, Eduardo at Leila, lumapit sila sa isa't isa. Nagsimula silang mag-usap para gawin ang kanilang sinabi kay Finn. Hahanapin na nila sina Yopoper at Yagar upang tumulong sa maaari nilang maitulong.
Makaraan ang ilang minuto matapos makaalis nina Oyo sa opisina ni Cleo, muling lumitaw ang Myriad World Mirror. Bumukas ang lagusan at lumabas mula rito sina Altair, Meiyin, Creed, Olivia, Yuros at Finn.
Lumingon-lingon sa paligid sina Yuros habang si Creed ay nagtaka kung bakit sila nasa loob ng opisina ni Cleo. Minsan na siyang nakapunta rito nang imbitahan siya ni Cleo kaya pamilyar siya sa opisinang ito.
Nang mapansin ni Finn ang pagtataka sa mukha ng kanyang mga kasama, napasapo siya sa kanyang noo at pilit-ngiti na sinabing, "Nakaligtaan kong sabihin na narito tayo sa opisina ni Ginoong Cleo dahil dito ko binuksan ang lagusan noong lumabas ako. Wala na ang buong Nine Ice Family sa aking mundo, at magtataka sina Haring Nicolas sa kanilang pagkawala kaya sana ay kayo na ang bahalang magsabi sa kanila sa kung ano ang dahilan ng pagkawala ng Nine Ice Family, Ama."
Nang marinig ni Creed ang sinabi ni Finn, napabaling siya rito. Bahagya siyang tumango at ngumiti. "Ako na ang bahala. Magpapadala ako ng sulat sa kanila para malinawan sila sa dahilan ng pagkawala ng buong Nine Ice Family."
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...