Chapter XLII: Nonstop Training (Part 1)
Matapos ang pagkabigo ni Finn sa kanyang unang subok sa ikaapat na pagsasanay, binigyan lang siya ng ilang pagpapalakas ng loob ni Aemir bago siya nito hayaang magpahinga. Nagnilay-nilay siya upang mapabilis ang kanyang paggaling. Uminom na rin siya ng recovery pill at isang klase ng gamot na magpapagaling sa kanyang mga nabaling buto. Nagpatuloy na rin ang ikaapat na pagsasanay, at ang kasunod na sumalang ay walang iba kung hindi si Yuros.
Kagaya ni Finn, hindi rin naging maganda ang simula ni Yuros. Ginamit niya lang ang kanyang pandama upang umiwas, subalit hindi sa lahat ng pagkakataon ay naiiwasan niya ang batong ibinabato sa kanya. Tinatamaan din siya paminsan-minsan, at bumabagsak din siya sa lupa dahil sa direktang pagtama sa kanya ng batong inihahagis sa kanya ng mga Light Guard. Kinailangan din ng mahigit tatlumpung minuto bago siya masanay sa pag-iwas. Kaunti lang ang pagsisikap na ginagawa niya, subalit matagumpay niyabg naiiwasan ang batong bumubulusok sa kanya.
Noong gumamit na ang mga Light Guard ng enerhiya sa bato, doon na ginamit ni Yuros ang kanyang kapangyarihan. Nagkaroon ng biglaang pagbilis ang kanyang mga kilos, at walang kahirap-hirap niyang naiwasan ang mga pagbato sa kanya ng mga Light Guard. Nagawa niyang makapunta sa kompletong konsentrasyon kahit pa dalawang bato na ang ibinabato sa kanya.
Ang kanyang bilis ay higit na mas mabilis kaysa kay Finn, at iyon ay hindi na nakapagtataka sapagkat siya ay isang 1st Level Supreme Rank na gumagamit na ng kapangyarihan. Ganoon man, hindi pa rin siya ganoon kahusay pagdating sa pagpapanatili ng konsentrasyon. Dinadagdagan pa ang batong ibinabato sa kanya, at agad siyang nahirapan sa pag-iwas kung saan kagaya ni Finn, sumusobra na rin ang kanyang mga galaw.
Subalit, nakatagal pa rin siya sa ganoong sitwasyon hanggang sa maging apat na ang ibinabato sa kanya. Mas lamang siya sa napagtagumpayan ni Finn dahil umabot siya sa ganoong punto kung saan apat na bato na ang ibinabato sa kanya, ganoon man, inaasahan na iyon nina Aemir at Porion dahil kung isasaalang-alang ang antas at ranggo ni Yuros, higit na mas malaki ang kalamangan nito.
Kung susumahin, mas naging kamangha-mangha pa rin ang mga napagtagumpayan ni Finn. Kahit si Yuros ay tanggap iyon dahil kung siya ang nasa antas at ranggo ni Finn, sa tingin niya ay hindi siya aabot sa pangatlong bato.
Hindi sa wala siyang kumpyansa sa kanyang sarili, talagang mas mataas lang ang talento ni Finn kumpara sa kanilang lahat ng naroroon. Mayaman din ang karanasan nito dahil nagsimula ito sa wala habang siya, lumaki siya bilang miyembro na kaagad ng Order of the Holy Light kaya maraming pribilehiyo siyang natanggap. Ang naging tanging hamon at panganib lang sa kanya ay ang kanyang mga misyon.
Pagkatapos ni Yuros, sunod na sumalang si Yasuke. Kilala si Yasuke sa husay sa konsentrasyon kaya naging madali lang para sa kanya ang una at pangalawang bato. Hindi niya na kinailangan na gumamit ng kapangyarihan dahil napakahusay niya nang umiwas dahil napunta siya sa kompletong konsentrasyon na ang tanging pinakikiramdaman niya lang ay ang mga bato na patungo sa kanya.
Hinangaan siya ng mga naroroon dahil dito. Napakagaling niya kahit pa mabigat ang mga Heavy Hoop sa kanyang katawan. Pero, nagkaroon ng hangganan ang kanyang konsentrasyon nang umabot na siya sa ikatlong bato. Kinailangan niya nang gumamit ng kapangyarihan. Kaunti lang ang nadagdag na bilis sa kanya dahil ang kanyang kapangyarihan ay kapangyarihan ng grabidad. Ganoon man, malaki ang bisa nito sa ikaapat na pagsasanay dahil sa tuwing lalapit sa abot ng kanyang kapangyarihan ang mga bato, bumabagal ang pagbulusok ng mga ito dahil biglang bumibigat ang grabidad.
Muling nakabalik si Yasuke sa kompletong konsentrasyon, subalit hindi pinadali ng mga Light Guard ang pagsasanay para sa kanya. Mula sa tatlong bato, nagdagdag pa ng dalawang bato ang mga Light Guard. Limang bato na ang kailangang iwasan ni Yasuke nang mabilisan, at dahil sa biglaang pangyayaring ito kaya agad din siyang nabigo sa pagsasanay.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...