Chapter LX: Stepping In
Hindi pa rin tapos ang matinding labanan na nagaganap sa pagitan nina Finn at Alisaia. Sobrang tagal na ng kanilang paglalaban, at pareho na silang maraming tinamong pinsala. Ganoon man, sa kabila ng mga pinsalang ito at walang tigil na pakikipaglaban, si Finn ay nananatiling nasa maayos na kondisyon. Napapanatili niya pa rin ang ikalawang antas ng kanyang dalawang foundation art, at ang kanyang Celestial Wrath ay hindi pa nakikitaan ng senyales ng panghihina. Ang lahat, kabilang na ang kanyang mga kalaban ay nakikita siya bilang isang totoong mandirigma. Napakalakas niya na maging ang kinikilala nilang makapangyarihang si Alisaia ay walang magawa para matalo siya.
Subok na subok na nila kung gaano kataas ang stamina ni Finn. Saksi sila kung gaano ito tumagal sa laban, at hindi rin maikakaila ninoman sa kanila na ang kapangyarihan, potensyal at talento na tinataglay nito, sa kanilang karanasan, ay walang katulad.
Samantala, sugatan na si Alisaia. Mas malubha ang kanyang mga tinamong pinsala, at bakas sa kanyang ekspresyon ang panghihina. Nagagawa niya pang makipagsabayan, subalit nauunawaan ng mga manonood na hindi magtatagal ay babagsak din siya sa oras na makagawa siya ng pagkakamali.
Nagsasaya si Finn habang patuloy siyang umaatake. Hindi mabura-bura sa kanyang mukha ang labis na kasiyahan at pananabik habang inihahampas niya ang kanyang mga espada kay Alisaia. Nasisiyahan siya sa laban nilang dalawa, at hindi niya itatanggi na sa kasalukuyan, ito na ang laban na nagbigay sa kanya ng magandang karanasan at labis na pananabik.
Natutuwa rin siya habang nakikita niya ang nahihirapang ekspresyon ni Alisaia. Nangangati na ang kanyang mga palad. Gustong-gusto niya nang pagpira-pirasuhin si Alisaia, subalit sadyang matibay ang depensa nito at mabilis itong makatugon sa kanyang mga atake.
Hindi niya gustong patagalin pa ang laban na ito, ganoon man, wala siyang magawa para tapusin ang laban kaya ang ginawa niya na lang ay magsaya habang nakikipaglaban.
Hindi nagpatalo si Alisaia. Patuloy siya sa pagdepensa sa tulong ng kanyang nag-aapoy na dalawang pakpak. Napakataas ng temperatura dahil sa inilalabas na aura ni Alisaia, nasusunog ang balat ni Finn subalit wala itong pakialam dahil mabilis na naghihilom ang sunog sa pamamagitan ng kanyang pinag-isang tatlong kapangyarihan.
Para bang sumasayaw silang dalawa sa lupa at himpapawid habang nagpapalitan ng mga atake. Ngunit sa kabila ng kaaya-aya nilang paglalaban, tensyonado't makapigil-hiniga ang kanilang bawat kilos at galaw. Ang kanilang laban ay nagdulot ng napakasamang panahon. Isang kalamidad ang namuo. Nagkaroon ng mga pagkulog at pagkidlat habang nagkalat ang malalakas na ipo-ipo.
Kahit ang mga manonood ay nahirapan dahil kailangan din nilang protektahan ang kanilang sarili mula sa puwersang nagmumula sa atake ng dalawa--lalong-lalo na ang mga may ranggong Chaos Rank pababa.
Makaraan ang ilang saglit, humiwalay si Finn kay Alisaia nang mapansin niyang nagkaroon ng pagbabago sa kapaligiran. Mas lalo siyang napangisi dahil sa kasalukuyan, ang mga kawal ng Ancient Phoenix Shrine at ang mga miyembro ng Feathers of the Phoenix kasama si Fae ay hawak-hawak ang kani-kanilang sandata habang handa na ang ikalawang antas ng kanilang foundation art.
Pinaliligiran nila si Finn. Gusto nilang saklolohan ang kanilang pinuno, at kahit ramdam nilang malabo, gusto pa rin nilang sumubok dahil si Alisaia ang kanilang pundasyon. Kapag nawala si Alisaia, mawawalan sila ng pinuno na maaari ding magsanhi ng kanilang pagkakawatak-watak at pagkakanya-kanya.
Sa halip na masiyahan, nagdilim ang reaksyon ni Alisaia. Sinulyapan niya ang mga kawal at ang mga miyembro ng Feathers of the Phoenix. Matalim ang kanyang tingin, at halatang hindi siya natutuwa sa binabalak ng mga ito.
“Umatras kayo! Hindi ko kailangan ang tulong ninyo. Makakasagabal lang kayo!” Inis na sigaw ni Alisaia sa mga miyembro ng Ancient Phoenix Shrine. Bumaling siya kay Fae at mariing nagsalita, “Talaga bang balak mong salungatin ang utos ko, Fae? Sinabi ko na sa iyo na bantayan mo ang dambana! Hindi ko kailangan ang tulong ninoman! Huwag n'yo nang dagdagan ang problema kaya umatras na kayo at protektahan ninyo ang mga mahihinang miyembro ng Ancient Phoenix Shrine!”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasíaSynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...