Chapter IV: He has a Plan
Pagkatapos ng ilang minuto pang pag-uusap, nagpaalam na si Finn kina Altair at Yuros. Sinabihan niya ang dalawa na mayroon pa siyang kailangang puntahan bago niya simulan ang pagpupulong. Tinanong niya ang dalawa kung nais na nilang lumabas sa Myriad World Mirror, subalit napagdesisyunan nila na manatili muna pansamantala rito upang makasama sina Olivia, Creed, Meiyin at ang mga miyembro ng Azure Wood Family.
Gusto pa nilang sulitin ang bawat sandali nila rito upang kilalanin ang kanilang buong angkan--lalong-lalo na si Yuros na bago lang makikilala ang Azure Wood Family.
Pagkatapos magpaalam kina Yuros at Altair, sunod na nagpaalam si Finn kina Olivia at Meiyin. Ipinaalam niya rin sa dalawa ang tungkol sa magiging pagpupulong, at pinaalalahanan niya ang mga ito na huwag mawawala dahil mahalaga ang pagpupulong na iyon dahil mayroon siyang ipapaalam sa kanila na mahalagang bagay.
Siyempre, nagtaka at nahiwagaan sina Meiyin at Olivia, pero mas nangibabaw ang tuwa sa kanilang puso dahil sa wakas, kasali sila at hindi na pagtataguan ng mahalagang bagay.
Muling nilisan ni Finn ang bahay ng kanyang mga magulang. Sandali siyang nag-isip, at matapos siyang huminga ng malalim, umangat na ang kanyang paa at nagsimula na siyang lumipad sa himpapawid. Mabilis siyang lumipad patungo sa isang direksyon--sa direksyon kung nasaan ang mga miyembro ng New Order.
Tama. Ang tinutukoy niya kina Yuros at Altair na kailangan niyang puntahan ay ang mga miyembro ng New Order.
Makalipas lamang ang ilang minutong mabilis na paglipad, agad na narating ni Finn ang kinaroroonan ng mga miyembro ng New Order.
Pinagmasdan niya mula sa itaas ang teritoryong itinatag ng New Order. Nakikita niya ang animo'y kuwebang tirahan ng mga higante at iba't ibang uri ng imprastraktura mula sa kanyang kinaroroonan. Maayos na ang teritoryo. Nakikita niyang nagsasanay ang karamihan, at pansin niya rin na nakakasalamuha na ng mga miyembro ang bawat isa.
Marami sa kanila ang nagkakaisa para sa pagsasanay, pero may ilan pa rin na hindi nakikisalamuha at mas pinipiling magsanay mag-isa at malayo sa karamihan.
Walang problema si Finn tungkol sa bagay na ito. Nakikita niya ito bilang pangkaraniwang pangyayari dahil malinaw sa kanya na ang New Order ay nagsisimula pa lamang, at kakaunting panahon pa ang pinagsamahan ng bawat miyembro kaya marami pa rin ang hindi sanay na makihalubilo sa iba, lalong-lalo na ang mga higante na siguradong naninibago pa rin.
“Hindi pa sila nakikipaglaban nang magkakasama at hindi pa sila napupunta sa sitwasyon kung saan nakalagay ang buhay nila sa kamatayan. Sa hinaharap, sa oras na magkakasama silang lumaban para sa ipinaglalaban ng New Order, mas titibay pa ang kanilang pagsasamahan bilang magkakasama sa iisang grupo,” pabulong na sabi ni Finn habang inililibot niya ang kanyang paningin. “Ang kailangan na lang nila ngayon ay tamang pagkakataon at pakikipag-ugnayan sa kanilang mga kasamahan.”
Pagkatapos niyang sabihin ang mga salitang ito, itinuon niya ang kanyang atensyon sa kanyang pakay. Mayroon siyang kailangang gawin kaya siya naparito, at iyon ay walang iba kung hindi ang kausapin sina Yopoper at Yagar tungkol sa mahalagang bagay.
Hinanap niya ang aura ng dalawa, at agad niya iyong natagpuan sa pinakamalaki at pinakamagarang gusali--ang pangunahing gusali kung saan nagpupulong ang mga matataas na miyembro ng New Order.
Nang mahanap niya na ang dalawa, agad siyang kumilos. Naglaho ang kanyang pigura, at lumitaw na lang siya sa pasukan ng gusali.
Pumasok siya sa loob, at patuloy lang siya sa kanyang malayang paghakbang dahil walang sinoman ang humahadlang sa kanya. Mayroon siyang mga nakakasalubong na bumabati sa kanya, nginingitian niya lang ang mga ito na siyang ikinagugulat ng mga ito.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...