Chapter XIII

5.4K 1K 84
                                    

Chapter XIII: Thoughts

“Maaari bang tumayo ka muna? Mayroon lang akong mahalagang sasabihin sa iyo tungkol kina Yuros at Altair,” sabi ni Finn. Naging seryoso ang kanyang ekspresyon. Agad na tumayo si Auberon, at pagkatapos, muli siyang nagsalita, “Gusto ko sanang hingiin ang kaunti pa nilang panahon para makasama sina Ama, Ina at Meiyin. Ito lang ang maibibigay kong regalo kina ama sa ngayon kaya sana ay mapagbigyan mo ang munti kong kahilingan.”

Hinayaan ni Auberon na matapos si Finn sa pagsasalita bago siya nagpahayag ng kanyang tugon.

“Walang problema, batang panginoon. Wala silang misyon sa kasalukuyan, at wala akong misyon na maibibigay sa kanila sa ngayon dahil ang lahat ng misyon na kailangan ng agarang atensyon ay ginagawa na ng iba pang miyembro ng Order of the Holy Light,” tugon ni Auberon. Bumaling si Auberon sa ibang direksyon at tumitig sa kawalan. “Ganoon man, ikinalulungkot kong sabihin, ngunit ilang araw mula ngayon, nalalapit na ang kanilang pagsabak sa pagsasanay. Magsasanay sila kasama ang dalawa pang miyembro sa ilalim ng pangangasiwa ni Aemir, at ang pagsasanay na ito ay may layunin na maabot nilang apat ang Supreme Rank,” paglalahad niya.

Dahil sa mga sinabi ni Auberon, napaisip si Finn. Inisip niya ang tungkol sa kanyang planong magtungo sa divine realm. Wala ng rason upang manatili pa siya rito, subalit sa mga sandaling ito, masyado pa rin siyang mahina. Hindi niya alam kung kakayanin niya bang tumagal sa divine realm kung magtutungo siya roon na tanging Chaos Rank lamang.

Habang iniisip ang binabalak niyang pagpunta sa divine realm, naisip niya rin ang kanyang pamilya. Miyembro pa rin ng Order of the Holy Light sina Altair at Yuros habang sina Creed ay mananatili sa loob ng Myriad World Mirror hangga't hindi siya nakakakuha ng teritoryo para maging teritoryo nila sa divine realm.

“Auberon, maitanong ko lang.. posible bang sumama sa amin sina Altair at Yuros?” Biglang tanong ni Finn kay Auberon.

Muling itinuon ni Auberon ang kanyang tingin kay Finn. Malumanay niyang tiningnan ito sa mga mata at marahang nagwika, “Maaari kong ibigay sa kanila ang karapatan na kumalas sa Order of the Holy Light ngayon din mismo, subalit paumanhin, batang panginoon, ngunit nasa sa kanila pa rin ang desisyon kung kakalas sila o hindi.”

“Gano'n ba?” Tanong ni Finn. Bahagya siyang tumango at muling tumingin kay Auberon bago magsalita, “Naiintindihan ko kung gano'n na nga. Hindi ko sila pipilitin, hahayaan ko silang magdesisyon at pag-uusapan namin ito ng maayos.”

“Ang ikaw at ang Order of the Holy Light ang humubog sa kanila. Kayo ang dahilan kung bakit malakas silang dalawa at mayaman sa karanasan kaya pakiramdam ko ay mali kung basta na lang namin silang tatangayin mula sa inyo,” sabi ni Finn.

Hindi na nagsalita pa si Auberon. Bahagya na lang siyang ngumiti habang si Finn ay napapaisip kung ano ang ibig sabihin ng pagngiti ni Auberon.

“Oo nga pala, maaari bang sa iyong opisina ko na lang hintayin sina ama? Nais ko rin sanang makita ang mga kasama ko noong dinala n'yo ako rito,” sabi ni Finn.

“Masusunod, batang panginoon. Malaya kang magpasikot-sikot sa aming teritoryo, at malaya kang gamitin ang mga pasilidad dito. Hindi mo rin kailangang alalahanin ang iyong mga kasama, ako na ang bahalagang mag-utos sa mga guwardya para sunduin ang iyong mga kasama,” paglalahad ni Auberon.

“Maraming salamat,” pagpapasalamat ni Finn kay Auberon.

Tinanguhan lang siya ni Auberon at ginabayan na siya nito pabalik sa kanyang opisina. Mabagal silang naglakad sa malawak na pasilyo. Sinundan lang ni Finn si Auberon, at makaraan ang ilang minuto, natanaw niya ang dalawa sa apat na guwardya na nagbabantay noon sa silid ni Tiffanya.

Sumaludo ang dalawang guwardya nang makalapit sila ni Auberon. Huminto si Aubron sa harap ng dalawa, at inatasan niya ang isa rito na sunduin sina Oyo, Eduardo, Leila, Mina at ang magkakapatid na mersnake at dalhin sa kanyang opisina na agad namang sinunod ng isa sa mga guwardya.

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon