Chapter XI

4.7K 1.2K 90
                                    

Chapter XI: Fulfilled (Part 1)

Tiningnan ni Tiffanya ang ekspresyon sa mukha ni Finn. Pinag-aralan niyang mabuti kung pinaglalaruan o pinasasakay lang siya nito, subalit hindi niya makitaan ang binata ng kahit anong senyales ng pagkukunwari. Ang nakikita niya ngayon ay purong sinseridad, at kahit na hindi siya lubusang nagtitiwala sa buong pagkatao ni Finn, hindi niya mapigilan na magtiwala dahil ito ang sinasabi ng puso niya. Nararamdaman niyang hindi ito nagsisinungaling, at hindi niya alam kung bakit ito ang kanyang nararamdaman.

“Gaano katagal ko kailangang maghintay?” Tanong ni Tiffanya kay Finn.

Nag-isip si Finn. Kinalkula niya kung gaano katagal ang kanyang binabalak na pagkalap sa mga miyembro ng Nine Ice Family. At noong matantya niya na, sumeryoso ang kanyang ekspresyon at malumanay siyang tumugon, “Sapat na ang dalawa hanggang limang oras. Depende pa rin sa kanila kung gaano katagal bago ko sila madala sa iyo.”

Nang sabihin ito ni Finn, sandaling natahimik si Tiffanya. Ang dalawa hanggang limang oras ay napakabilis na. Hindi niya akalaing ganoon kabilis na maihaharap sa kanya ni Finn ang kanyang ama at ang mga miyembro ng Nine Ice Family. Masyadong biglaan ang lahat ng ito, at hindi magiging madali ang lahat dahil may mga miyembro ng Nine Ice Family ang siguradong magdadalawang-isip pa tungkol sa bagay na ito.

Dahil sa maikling panahon na mismong si Finn ang naglahad, mas lalo siyang nagduda sa lugar na kinaroroonan ng kanyang ama at ng Nine Ice Family.

‘Maaari kayang naririto lang sila sa lugar na ito?’ Sa isip ni Tiffanya.

Subalit, agad niya ring isinantabi ang iniisip niyang ito. Hindi niya na pinalala ang pag-iisip sa palaisipang dulot ni Finn.

“Hihintayin kita rito,” sabi ni Tiffanya at muli na siyang umupo sa kanyang inuupuan kanina. Wala na rin ang tingin niya kay Finn. Muli na siyang tumitig sa kawalan habang malalim na nag-iisip kung ano ang magiging susunod niyang hakbang.

Malinaw na hudyat na ito kay Finn para umalis. Hindi na rin siya nagbalak pa na magtagal sa loob ng silid. Pumihit na siya at hinarap ang direksyon kung nasaan ang pintuan. Tahimik siyang naglakad patungo sa pinto, at lumabas na siya ng silid.

Bumungad sa kanya si Aemir, at kasalukuyang magalang na nakasaludo ang apat na guwardya sa kanilang magkabilang-gilid.

“Nakausap ko na siya, at mayroon siyang kailangan sa akin. Hindi n'yo na siya kailangang bantayan dahil bukod sa inilagay n'yong Sealing Shackles, hindi rin siya magbabalak na tumakas o gumawa ng gulo. Gusto niyang makita ang kanyang ama, pero ang kanyang ama ay nasa loob ng aking mundo kaya hindi siya gagawa ng kahit anong gulo,” sabi ni Finn kay Aemir. “Sa kasong ito, kailangan kong buksan ang lagusan patungo sa Myriad World Mirror,” dagdag pa niya at pinasimplehan niya ng tingin ang apat na guwardya sa kanyang kaliwa't kanan.

Agad na naunawaan ni Aemir ang pasimpleng kilos na ito ni Finn. Sa kastilyong iyo, sina Auberon, Altair, Yuros at siya lang ang nakakaalam ng tungkol sa Myriad World Mirror. Alam niya rin na isa itong divine artifact, at mahigpit na ipinapaalala sa kanya ni Auberon na hindi dapat malaman ng kahit na sino ang tungkol sa mundo ni Finn. Itinatago nila sa iba ang tungkol sa pambihirang kayamanan na ito, at kung makikita ng mga guwardya ang pagbubukas ng lagusan, maaaring malaman pa ng mas marami na nagtataglay si Finn ng divine artifact.

Masyado itong mapanganib kaya agad niyang binalingan ng tingin ang mga guwardya at sinabing, “Iwanan n'yo muna kami sandali. Magbantay kayo sa magkabilang-bahagi ng pasilyong ito, at bantaan n'yo ang mga magbabalak na dumaan dito na bawal ditong dumaan pansamantala--kahit pa sino maliban kay Pinunong Auberon, Porion, at sa pamilya ni Ginoong Finn. Maliwanag ba?”

“Masusunod, Pinunong Aemir!” Pagsaludo ng mga guwardya at nagtungo na sila sa magkabilang bahagi ng pasilyo upang sundin ang ipinag-uutos ni Aemir. Lumayo sila, malayong-malayo dahil malinaw na iyon ang gustong mangyari ng kanilang pinuno.

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon