Chapter LVII

4.2K 1K 82
                                    

Chapter LVII: The Feeling of Being Disdained

Maayos na nakahanay ang hukbo ng mga elf. Pare-pareho silang may maputlang dilaw na kulay ng buhok at pares ng berdeng mga mata. Nakasuot ang bawat isa sa mga ito ng magagaan na baluti, at lahat sila ay mababakasan ng seryosong ekspresyon habang ang kanilang tingin ay nasa kanilang unahan lamang. Para silang mga langgam kung titingnan mula sa itaas, napakarami nila at bawat isa sa kanila ay nagtataglay ng hindi basta-bastang aura.

Sila ay mga elf, at kagaya lang din sila ng mga fairy na kabilang sa mga hindi pangkaraniwang lahi. Isinilang silang may likas na malakas na ugnayan sa kalikasan. Mahal sila ng kalangitan, at magandang patunay na roon ang pagtataglay nila ng halos perpektong hitsura.

Ang hukbo ng mga elf na ito ay nakahanay sa napakalawak na espasyo sa harap ng malaking palasyo. At sa kasalukuyan, pinagmamasdan sila ng dalawang elf sa balkonahe ng palasyo.

Ang magkapatid na elf na may pinaka matataas na tungkulin sa Ancient Elf Kingdom at Great Land of Elves--sina Filvendor at Vishan.

“Sila na bang lahat?” Tanong ni Filvendor.

Bahagyang tumango si Vishan at tumugon, “Sila na'ng lahat ng gustong sumunod sa atin sa paglilingkod sa adventurer na nasa pangitain mo, Filvendor. Tungkol sa mga Elder, susunod sila sa utos mo na manatili rito upang panatilihin ang kaayusan sa Great Land of Elves. Pumayag din si Minerva at ang iba pa sa iyong plano para sa ikabubuti at kaligtasan ng ating mundo.”

Natahimik sandali si Filvendor. Napatitig siya sa kawalan at hindi niya mapigilan na mapabuntong-hininga.

“Ang desisyon kong ito ay malaki ang magiging epekto sa Great Land of Elves. Ang pagkuha ko sa napakaraming mandirigma ay malaking dagok para sa Ancient Elf Kingdom, subalit hindi ko ito gagawin para sa sarili ko dahil gagawin ko ito para sa sanlibutan. Ang adventurer sa aking pangitain ang susi para matalo ang mga diyablo, at kailangan niya tayo,” malumanay na sambit ni Filvendor. “Ganoon man, kahit na siya ang susi, hindi pa rin isang daang porsyento ang pagtatagumpay. Masyadong malabo ang aking pangitain kaya hindi tayo maaaring dumepende na lamang sa kanya kaya kailangan natin siyang tulungan.”

“Naiintindihan ko. Iyon ang dahilan kung bakit nakikita mo ang hinaharap, alinman sa pigilan o pagtibayin ito. Nasa sarili pa rin natin ang desisyon kung hahayaan natin iyon na mangyari,” komento ni Vishan.

Ngumiti si Filvendor. Bumaling siya kay Vishan at sinabing, “Ngayon na nalaman ko na kung sino ang handang sumama sa atin sa ating daang tatahakin, oras na para makipagkasundo sa Holy Light Realm. Napakatagal na mula nang makita ko si Auberon, hindi na ako makapaghintay na makausap siyang muli para makipag-alyansa. Kailangan ng Ancient Elf Kingdom ang Order of the Holy Light, at kung kinakailangang isuko natin ang ilan sa ating teritoryo sa kanila, gagawin natin dahil kailangan natin sila para hindi mangahas ang mga kaaway nating upper realm na atakihin ang mundong ito sa oras na umalis na tayo para hanapin ang adventurer na ating paglilingkuran.”

“Hm. Ipaubaya mo na sa akin ang paghahanda ng imbitasyon. Ipapadala ko iyon sa pamamagitan ng ating mensahero,” tugon ni Vishan, at pagkatapos, tumalikod na siya at naglakad palayo.

Hindi na nagsalita pa si Filvendor. Muli niyang itinuon ang kanyang atensyon sa hukbo ng mga elf na nakahanay sa harap ng palayo. Ngumiti siya, at muling inalala ang kanyang pangitain tungkol sa lalaking nagtataglay ng kulay pilak na buhok at pares ng ginintuang mga mata.

--

Dumating si Fae sa pinangyayarihan ng laban, at nasaksihan niya ang kasalukuyang sitwasyon ng kanyang guro at ni Finn. Napatingin sa kanya ang iba pang manonood. Napaisip ang mga ito kung bakit ngayon lang dumating si Fae samantalang matagal nang nagaganap ang paglalaban.

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon