Chapter XXXII

4.4K 1K 64
                                    

Chapter XXXII: Stronger

Kasalukuyang nagpapahinga sina Finn, Whang, Yasuke, Altair, at Yuros. Katatapos lang nilang magawa ang ikalawang pagsasanay na ibinigay ni Aemir, at sa wakas ay nagtagumpay silang lahat matapos ang anim na buwan. Tama, kalahating taon ang ginugol nila sa ikalawang pagsasanay, at iyon ay dahil sa tindi ng hirap nito. Hinati rin ito sa iba't ibang bahagi kung saan sa tuwing natatapos nila ang pag-akyat sa loob ng isang oras, dinaragdagan ni Aemir ang bigat ng kanilang Heavy Hoop na suot.

Siyempre, sa nangyaring ikalawang pagsasanay si Finn pa rin ang nanguna. Siya pa rin ang bituin sa pagsasanay dahil sa angkin niyang kakayahan na makaakyat ng mabilis. Ang kanyang bilis ay hindi maikukumpara sa bilis ng apat. Mabilis masanay ang kanyang katawan sa paligid, at iyon ang naging kalamangan niya kaya palagi siyang nauunang matapos.

Noong ipaliwanag sa kanila ni Aemir ang tungkol sa ikalawang pagsasanay, alam na ng lima sa kanilang sarili na napakahirap nito. At noong isuot nila ang walong Heavy Hoop na tumitimbang ng sampung tonelada ang isa, pakiramdam nila ay mayroon silang buhat-buhat na napakalaking tipak ng bato.

Higit na mas masama ang naging resulta nila kaysa sa una nilang subok sa unang pagsasanay. Inabot sila ng ilang araw sa pag-akyat, at para bang mga lantang gulay sila noong magawa nilang makaakyat. Hindi na nakapagtataka iyon sapagkat mahigit pitumpu't dalawang libong kilo ang bigat ng Heavy Hoop na nasa kanilang katawan. Hindi madali na kumilos habang mayroong napakabigat na bagay sa kanilang mga braso, binti, pupulsuhan, at hita.

Ganoon man, ipinaalala sa kanila ni Aemir na magaan pa rin ang unang walong na Heavy Hoop na ipinasuot sa kanila. Sinabi sa kanila ni Aemir na bibigat pa ang mga Heavy Hoop kapag sila ay nagtatagumpay sa pag-akyat sa loob ng isang oras.

Sa ngayon, sinusulit nina Finn ang isang linggo na ibinigay ni Aemir bilang kanilang pahinga matapos ang mahigit pitong buwan na pagsasanay. Ganoon man, hindi pa rin ibinigay ni Aemir ang panlunas para mawalan ng bisa ang Blocking Path Potion. Hindi pa rin sila pinapayagan na gumamit ng enerhiya dahil ayon kay Aemir, hindi pa tapos ang kanilang pagpapalakas at pagpapatibay ng katawan.

Sa kasalukuyan, dahil sa nakaraan nilang pagsasanay, sina Finn, Yuros, Yasuke at Altair ay walang suot na pang-itaas. Hubad baro sila, at kitang-kita ang naggagandahan nilang mga kalamnan.

Pare-pareho silang may katamtamang laki ng katawan, pero nang hubarin nila ang kanilang saplot ay roon na lumitaw ang kanilang matikas na katawan na may magandang hubog dahil sa matitigas na kalamnan.

Sa ngayon, bukod sa pantalon at sapatos, ang nasa katawan na lang ni Finn ay ang mga Heavy Hoop na may bigat na limang daang tonelada ang bawat isa at ang kakaibang kwintas na may palawit na lampara. Kapansin-pansin din ang mga tatu sa kanyang katawan at ang asul na batong nasa kalagitnaan ng kanyang dibdib. Bukod sa mga Heavy Hoop, ang mga nasa katawan ni Finn ang talagang nakakuha ng atensyon ng bawat isang naroroon.

Nakaupo lang si Finn at malalim siyang nag-iisip. Iniisip niya kung ano na ang nangyari sa loob ng Myriad World Mirror. Hindi niya maiwasang isipin ito lalo na't inatasan niya ang malalakas na grupo ng New Order sa mga mahahalagang responsibilidad. Isa pa, ang pinaka inaalala niya ay ang tungkol sa pagtanggap ng mga bagong miyembro. Gusto niya nang malaman kung gaano na karami ang bilang ng New Order, at gusto niyang malaman kung gaano na kalalalas ang mga ito ganoong mahigit pitong buwan na ang nakararaan mula nang siya ay lumabas sa Myriad World Mirror.

Napahinto siya sa pag-iisip nang maramdaman niyang may dalawang pigura na palapit sa kanya. Tumingin siya sa direksyon kung saan niya nararamdaman ang mga presensya, at nakita niya sina Altair at Yuros. Nakangiti ang mga ito sa kanya kaya ngumiti rin siya.

“Napansin namin na malalim kang nag-iisip, mayroon ka bang problema, Finn?” Tanong ni Altair at umupo rin silang dalawang upang tabihan si Finn.

Bahagyang umiling si Finn at tumugon, “Wala naman, Tiyo Altair. Napasagi lang sa isip ko ang New Order. Nag-aalala ako para sa kanila lalo na't wala ako roon upang gampanan ang responsibilidad ko bilang pinuno.”

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon