Chapter XLVI: After Three Years
Nakahabol sina Aemir at Porion kina Finn, Whang, Yasuke, Altair, at Yuros. Sabay-sabay nilang narating ang kastilyo, at magkakasama silang nagtungo sa opisina ni Auberon upang i-ulat na ang pagsasanay ay tapos na. Bago pa man kumatok si Aemir sa pinto, nakarinig na siya ng tinig sa kanyang isip. Alam ni Auberon na dumating na sila, at hindi na siya nagtataka roon. Pinabukas sa kanya ni Auberon ang pinto kaya hindi na siya kumatok. Binuksan niya ang pinto, at itinulak ito. Inilahad niya ang kanyang kamay, at sinenyasan ang lima na pumasok na sa loob ng opisina.
Agad na sumunod ang lima sa senyas ni Aemir. Pumasok na rin si Porion, at Aemir, at humanay silang lahat sa harapan ni Auberon. Nasa unahan sina Porion at Aemir habang ang lima ay nasa likuran.
Maliban kay Finn, magkakasunod na yumukod ang mga ito kay Auberon. Hindi yumukod si Finn dahil unang-una, hindi siya miyembro ng Order of the Holy Light kaya hindi niya kailangang yumukod o sumaludo kay Auberon.
“Magsitayo kayo,” malumanay na sabi ni Auberon.
Agad na sumunod ang anim. Tumayo sila nang matuwid. Nanatiling kalmado ang ekspresyon ni Aemir habang si Porion ay may seryosong ekspresyon na mabilis na napansin ni Finn.
Mula noong pumasok sila sa silid na ito, napansin niyang parang may nag-iba kay Porion. Hindi na ito ngumingiti, at para bang naging masyado na itong seryoso sa buhay. Dahil sa presensya ni Auberon, naging ibang tao si Porion na naging dahilan para mapaisip siya.
Ganoon man, isinantabi niya na muna ang tungkol sa bagay na ito dahil narinig niya nang magsalita si Porion.
“Tapos na ang aking pagpapahinga, Pinunong Auberon. Babalik na ako sa aking responsibilidad sa pamumuno sa mga Holy Knight,” paglalahad ni Porion.
“Hm. Lahat ng iyong trabaho ay ginagawa nang mabuti ni Zeraf, hindi mo kailangang magmadali,” sabi ni Auberon. Subalit, nang makita niyang hindi natinag si Porion, bahagya siyang umiling at sinabing, “Kung gusto mong bumalik na agad sa 'yong trabaho, bahala ka.”
Sumaludo si Porion at seryosong nagsalita, “Maraming salamat, Pinunong Auberon. Aalis na ako.”
Pagkatapos niya itong sabihin, pumihit na siya at naglakad palayo upang lumabas ng opisina. Hindi niya nilingon sina Finn. Hindi man lang siya nagpaalam sa mga ito.
Hindi pinansin nina Yuros ang kilos na ito ni Porion. Kilala nila si Porion kaya alam nila kung ano ang nangyayari. Si Finn lang ang walang ideya kung bakit ganoon na lamang kumilos si Porion dahil sa presensya ni Auberon.
“Gusto kong batiin kayong lima sa inyong malaking pagbabago. Nakikita ko ang karunungan sa inyong mga mata at nararamdaman ko ang matinding kapangyarihan na tinaglay n'yo,” sabi ni Auberon habang pinagmamasdan ang bawat isa sa lima. “Kayong apat na miyembro ng Order of the Holy Light ay nasa 4th Level Supreme Rank. Mas nakamamangha ang itinaas ng inyong antas kaysa sa aking inaasahan.”
“At sa iyo, batang panginoon... Binabati kita sa iyong malaking pag-unlad. Mas naging malakas ka pa ngayon, at naniniwala akong makakaya mo na siyang labanan,” makahulugang sabi ni Auberon.
“Maraming sa--” hindi na naituloy ni Finn ang kanyang sasabihin dahil napansin niyang mayroon na namang gagawing kakaiba si Auberon.
Napahinga na lang siya ng malalim at napaisip, ‘Talaga bang napakalaki ng naiwang takot ng aking totoong ama kay Auberon para maging ganito siya? Bakit kailangan niyang saktan palagi ang kanyang sarili? Ayoko siyang ipahiya sa harap ng kanyang mga tauhan kaya mas makabubuti kung manahimik na lang ako.’
“Hindi ako karapat-dapat pasalamatan para sa pagsasabi ng katotohanan, batang panginoon,” taimtim na ekspresyong sabi ni Auberon.
Hindi mapigilan nina Yuros, Altair, Yasuke, at Whang na matigilan dahil sa pag-uugali ng kanilang pinuno. Maraming tanong ang gumugulo sa kanila, lalong-lalo na kina Whang at Yasuke, subalit wala silang lakas ng loob na magtanong o magsalita.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...