Chapter L

4.3K 1K 79
                                    

Chapter L: Danger and Reminiscing

Sa isang malamig at madilim na lugar, isang lalaki ang nakasabit sa pader habang ang kanyang mga braso at binti ay may suot-suot na posas at kadena. Mayroon siyang mga pakpak ng isang fairy. Tanging dalawang nagliliwanag na kristal lang ang nagbibigay-liwanag sa paligid. Walang suot na pang-itaas ang lalaki. Mayroon siyang magulong puting buhok, at pares ng ginintuang mga mata. Ang kanyang katawan ay napupuno rin ng mga galos, sugat, at pasa. Kalunos-lunos ang kanyang sinapit, ngunit sa kabila nito, mayroon pa rin siyang malay habang malalim ang kanyang mga paghinga. Siya lang ang nakakaalam kung gaano kalala ang kanyang sinapit. At sa kasalukuyan niyang sitwasyon, halatang ikinulong siya sa lugar na ito upang pahirapan.

Makaraan ang ilang sandali, napataas ang ulo ng lalaking fairy dahil nakarinig siya ng tunog ng isang plauta. Mahina ang tunog nito, subalit habang lumilipas ang bawat sandali, lumalakas ito nang lumalakas. Nanginig ang katawan ng lalaki, subalit hindi iyon dahil sa takot, nanginginig ang kanyang katawan at nagkukumawala siya dahil sa kanyang matinding galit.

Nanlilisik ang kanyang mga mata. Nagngingitngit ang kanyang mga ngipin, at pilit niyang hinihila ang kanyang mga braso, subalit wala siyang sapat na lakas para alisin ang posas na nakakabit sa kanya.

“Pakawalan n'yo ako rito! Hinahamon ko kayong pakawalan n'yo ako, at labanan n'yo ako hanggang kamatayan!!” Sabi ng lalaki.

Hindi siya nakakuha ng tugon, pero patuloy pa rin siya sa paulit-ulit na pagsigaw.

Makaraan ang ilang saglit, isang pigura ng matipunong lalaki ang lumitaw sa paningin ng lalaking fairy. Mabagal itong naglalakad habang nakapikit nitong pinatutugtog ang kanyang plauta.

Ang matipunong lalaki na ito ay mayroong mahabang magulong berdeng buhok, kayumangging kulay ng balat, at tahi sa noo at sa magkabilang gilid ng labi na animo'y nagmistulan siyang nakangiti.

Nakasuot siya ng masikip na itim na damit at pantalon, at kapansin-pansin na wala siyang sapin sa paa. Bukod pa roon, mayroon ding malaking berdeng singsing sa taas na bahagi ng kanyang magkabilang braso. Sikip na sikip ang kanyang kalamnan, subalit malaya pa rin niyang naigagalaw ang kanyang mga braso habang siya ay tumutugtog ng isang animo'y napaka payapang tugtugin.

Nang tuluyan siyang makalapit sa lalaking fairy, huminto siya sa pagtugtog. Bahagya niyang inilayo ang plauta sa kanyang bibig. Iminulat niya ang kanyang mga mata, at doon lumitaw ang walang buhay niyang pares ng pulang mga mata.

Dahan-dahan siyang tumingala. Pinagmasdan niya ang lalaking fairy habang paulit-ulit itong sumisigaw. Malapad siyang ngumiti at halos pabulong na sinabing, “Napaka kisig mong dumating dito, subalit ngayon ay mas kaaya-aya pa ang hitsura ko sa iyo. Ang kabuoang hitsura ng mga fairy ay talagang kahanga-hanga't nakakainggit, pero tingnan mo ang sinapit mo ngayon.”

“Para kang isang magandang paru-parong malapit nang sunduin ng kamatayan.”

Napakahina ng boses ng lalaking tumutugtog ng plauta. Hindi nababagay sa kanyang matipunong pangangatawan ang hina ng kanyang boses. Nagmistulan siyang kalmado, subalit ang kanyang mga mata at taglay na ngiti ay talagang magbibigay ito ng kilabot sa mga makakakita.

“Sa oras na malaman ng Order of the Holy Light ang nangyari rito, iyon na ang inyong katapusan! Kung may lakas ka ng loob, pakawalan mo ako at labanan hanggang kamatayan! Ako, si Oriyel, ay hindi natatakot sa kamatayan! Para sa dignidad ng Order of the Holy Light, handa akong mamatay nang lumalaban!” Malakas na sigaw ng lalaking fairy na nagngangalang Oriyel.

Miyembro siya ng Order of the Holy Light, at siya ang naatasan para imbestigahan ang nangyayari sa Holy Land of Erekia. Ganoon man, pagkarating na pagkarating nila sa middle realm na ito, sinalubong sila ng mga masasamang adventurer. Tinambangan sila at pa-surpresa silang inatake. Nalamangan sila sa rami at kabuoang lakas, at ngayon siya na lamang ang natitira habang ang lahat ng kaniyang kasamang pangunahing miyembro at mga holy knight ay wala na, pinatay na silang lahat.

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon