Chapter XXIV: Trainor and the Trainees
Itinuon nina Finn at Auberon ang kanilang atensyon sa paglipad kaya sa loob lamang ng ilang saglit, narating na nila ang malaking bundok na kinaroroonan nina Aemir, Yuros, Altair at ng dalawa pang miyembro ng Order of the Holy Light. Ang bundok ay napalilibutan ng makapal na ulap, at hindi makikita ang tuktok ng bundok kung gagamitin lamang ang normal na paningin. Nakaramdam ng pagbabago sa grabidad si Finn nang marating nila ang bundok. Para bang biglang bumigat ang paligid nang makalapit sila, at hindi lang basta-bastang pagbigat dahil kahit siya ay naaapektuhan.
Huminto si Auberon. Tumingala ito habang si inilingon-lingon ni Finn ang kanyang paningin sa paligid at sa baba na para bang mayroon siyang hinahanap. Sigurado siyang hindi lang natural ang pagbigat ng grabidad sa dambuhalang bundok, at noong mapatingin siya sa baba, agad niyang naunawaan kung bakit ganoon na lang ang sitwasyon sa paligid.
Mayroong mga batong poste sa baba na nakakalat sa palibot ng bundok, ang mga posteng ito ay hindi pangkaraniwan dahil bawat isa rito ay nagtataglay ng kakaibang kakaibang marka na nakaukit dito. Tumingin din siya sa ibang bahagi ng bundok, at doon niya nakita ang iba pang marka kaya napatango na lamang siya at sinabing, “Isang malawakang formation. Iyon na nga ang rason kung bakit bigla na lamang bumigat ang grabidad sa paligid.”
Napabaling si Auberon kay Finn. Namangha siya sa kanyang batang panginoon dahil agad nitong natukoy ang kanilang malawakang formation na itinatag dito.
“Talagang kamangha-mangha ka, batang panginoon. Napansin mo kaagad ang aming Supreme Gravitational Field Formation,” ani Auberon.
Bahagyang ngumiti si Finn at tumugon, “Napansin ko lang ang biglang pagbabago ng grabidad sa lugar na ito. Hindi iyon normal kaya naisip kong may kaugnayan ang pagbabago ng grabidad sa kapaligiran.”
“Kahit na. Tanging may kaalaman at magagaling na formation master lamang ang makakatukoy na isang malawakang formation ang nakalatag sa lugar na ito,” tugon ni Auberon. “Isa ka ring formation master, subalit hindi ko akalain na ganito na lamang kataas ang iyong kaalaman at galing.”
“Mayroon lang akong alam na kaunti,” pagpapakumbaba ni Finn. “Supreme Gravitational Field Formation... maaari itong mapakinabangan bilang defensive formation, pero sa tingin ko, ginagamit ninyo ito sa lugar na ito para mapakinabangan sa pagsasanay. Kung isa pa rin akong 7th Level Chaos Rank, siguradong hindi ako magtatagal sa ere dahil sa sobrang bigat ng grabidad.”
“Tama ka, batang panginoon. Ginagamit namin ito para sa pagsasanay. Marami pang ganitong bundok sa lugar na ito, at dito rin namin pinagsasanay ang mga adventurer na napili namin na karapat-dapat maging Light Guard at Holy Knight,” agad na tugon ni Auberon.
Bahagyang tumango si Finn. Siyempre, narinig na niya ang tungkol sa Light Guard at Holy Knight. Ang mga Light Guard ang nagbabantay sa teritoryo ng Order of the Holy Light. Sila ay nasa ilalim ng pamumuno ni Aemir habang ang mga Holy Knight ay nasa ilalim ng pamumuno ng light fairy na nagngangalang Porion.
Ang trabaho ng Holy Knight ay protektahan ang nasasakupan ng Holy Light Realm. Sila ang mga ipinapadala upang samahan ang mga pangunahing miyembro para gawin ang isang misyon. Sila ang nakikidigma sa mga middle realm na gustong maghimagsik o magsimula ng rebelyon. Sila rin ang rumeresponde sa mga middle realm kapag sinasalakay ang mga ito ng mga kalaban. Sa makatuwid, ang trabaho ng Holy Knight at Light Guard ay parehong may kaugnayan sa pagprotekta, ganoon man, mas komplikado ang sa Holy Knight dahil mas malawak ang kanilang kailangang protektahan, ang buong Holy Light Realm. Samantalang ang Light Guard ay may isang simple, ngunit minsan ay mapanganib na tungkulin--ang protektahan ang kastilyo ni Auberon at teritoryo ng Order of the Holy Light.
Subalit sa kabila ng lahat ng ito, karamihan sa mga Holy Knight ay hindi ganoon kalakas habang ang mga Light Guard ay kalimitang nasa Supreme Rank at ang ilan pa ay nasa Heavenly Supreme Rank. Iyon ay dahil ang huling depensa ng Order of the Holy Light ay ang hukbo ng mga Light Guard.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...