Chapter V: The Gathering in Assembly Hall
Sa tulong ng mga miyembro ng Craftsman Alliance, nalaman ni Finn na nagsisimula nang magdatingan ang mga inimbitahang panauhin ni Creed. Nasurpresa si Finn sa mabilis na pagtugon ng mga malalapit sa kanila. Wala pang kalahating araw mula noong iparating ng kanyang ama ang kanyang mensahe sa kanilang mga ka-alyado at kaibigan, subalit nagtungo na agad ang mga ito sa kanilang teritoryo na para bang prayoridad nila ang pagpupulong na pangungunahan niya.
Maya't mayang may nagtutungo sa kanya upang ipaalam ang kasalukuyang nangyayari. Nalaman niya ring kasalukuyang inihahanda ng Craftsman Alliance ang bulwagan ng pagpupulong para sa gaganaping engrandeng pagtitipon. Pinangungunahan ito ni Augustus dahil kasalukuyang abala sina Creed at Earl sa mga ipinakiusap niya sa kanila.
Samantala, hindi pa rin nilisan ni Finn ang bahay ng kanyang mga magulang kahit na nabalitaan niyang ang pinakaunang dumating sa kanilang teritoryo ay si Kiden na sinusundan nina Noah, Siryu at Vella.
Kahit na gustong-guso niya na muling makadaupang-palad ang mga ito, mas pinili niyang manatili sa kanyang kinaroroonan. Mayroon pa siyang bagay na iniisip--ang kanyang ipinangako sa mga ito.
Matatandaang ipinangako niya sa mga ito na babawiin at ililigtas niya si Ashe mula sa Ancient Phoenix Shrine, subalit hindi niya pa ito nagagawa dahil masyado siyang naging abala sa paghihiganti kay Jero. Bukod pa roon, alam niya sa sarili niyang wala pa siyang kakayahan sa kasalukuyan dahil sa pagkakatanda niya, si Alisaia ng Ancieng Phoenix Shrine ay isang Heavenly Chaos Rank.
Nananatili pa rin siyang nasa 7th Level Chaos Rank. Malayo pa siya para masiguro niya na mababawi niya si Ashe mula kay Alisaia. Hindi niya alam kung paano niya ipaliliwanag ito kina Kiden, Vella, at Noah, pero alam niyang hindi maiiwasan na mapag-usapan nila ito sa oras na matapos ang pagpupulong.
Pagkatapos ng pagdating nina Siryu, ang sunod na dumating ay ang mga miyembro ng Sacred Dragon Family. Sina Haring Nicolas, Helbram, at Prinsesa Diana. Sila ang kasalukuyang pinakamalalapit sa Craftsman Alliance kaya hindi na nakapagtatakang agad silang nakapunta rito.
Lumipas pa ang mga oras at sunod-sunod na pagdating ng mga kilalang panauhin ang iniulat kay Finn. Ang pinuno ng Black Chain Organization ay dumating na. Si Chain Levor na nakatulong nila sa pakikidigma laban sa Crimson Blood Kingdom ay dumating na rin para paunlakan ang kanyang imbitasyon. Kasabay niyang dumating si Cleo.
Pagkatapos ng pagdating nina Chain at Cleo, ang iba pang pinuno ng bawat faction sa Sacred Dragon Kingdom ay dumating na rin. Si Piere Ruppet ng Soul Puppet Sect, Netero Gyun ng Burning Heaven Sect, at Ren Ramis ng Immortal Sword Pavilion.
Mayroon ding dumating na hindi pamilyar kay Finn. Ang magkapatid na sina Nishia Ran at Ayshia Ran. Napag-alaman niyang ang dalawang ito ang itinalagang bagong pinuno ng Ice Feather Sect at Ancient Darkness Island.
Matatandaang nawasak na ang buong Ice Feather Sect noon dahil sa hindi malamang dahilan, pero may ideya si Finn na ang pagkawasak nito ay may kaugnayan kay Tiffanya. Wala na siyang pakialam sa nakaraan niya sa Ice Feather Sect, ang mahalaga na lang sa kanya ngayon ay ang kasalukuyan.
Basta hindi siya kinakalaban ng bagong pinuno ng Ice Feather Sect, wala siyang magiging problema rito.
Dumating na rin ang pinuno ng Alchemist Association na si Morris Haquin. Bukod kay Siryu na kasama si Marcus, siya lang din ang may kasamang Elder ng kanilang puwersa. Kasa-kasama niya si Alicia dahil kung mayroon mang pinagkakatiwalaan si Finn mula sa Alchemist Association, iyon ay si Alicia.
Kompleto na ang mga pinuno ng walong faction sa Sacred Dragon Kingdom. Nagsimula na ring magtipon-tipon ang lahat sa bulwagan. Naroroon na rin ang pamunuan ng Azure Wood Family at Golden Lion Family, at nang maipabatid kay Finn na dumating na rin sina Eliseo at Shue ng Adventurer's Guild, niyaya niya na si Meiyin para magtungo sa bulwagan.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...