Chapter XXXVII: Defeated
Lumipas ang mga linggo, at nagpapatuloy pa rin ang ikatlong pagsasanay nina Finn, Yuros, Altair, Whang, at Yasuke. Wala pa ni isa sa kanila ang nakatatapos sa ikatlong pagsasanay. Hindi pa rin nila natatalo ang kanilang katuwang na Light Guard, at sa kasalukuyan, ang tatlo sa lima ay nakonsumo na ang ika-pito nilang tsansa. Sina Altair, Whang, at Yasuke ay mayroon na lamang tatlong tsansa para magtagumpay sa ikatlong pagsasanay habang sina Yuros at Finn ay umaasa na magtatagumpay na sila sa ika-pito nilang tsansa.
Sa nakalipas na mga subok, mas naging tensyonado ang bawat laban. Bawat panig ay nagdulot ng malubhang pinsala, subalit dahil sa kalamangan ng mga Light Guard, sila pa rin ang tinatanghal na panalo sa huli. Hirap na hirap ang bawat isa sa lima na talunin ang kanilang kalaban. Nahihirapan sila sa tuwing gumagamit na ng kapangyarihan ang mga ito, at hindi sila tumatagal sa laban.
Marahil nawala na ang bagay na naglilimita sa kanilang bilis at totoong lakas, pero hindi sapat na maalis ang Heavy Hoop para makasabay sila kina Viro, Anda, Bien, Ivee, at Ox. Para bang imposible na matalo nila ang mga Light Guard, ganoon man, wala ni isa kina Finn ang sumuko, bagkus, mas lalo silang ginaganahan sa pagtagal ng laban.
Sa ngayon, tensyonadong nakikipaglaban si Yuros kay Ox. Naglalabas ang katawan ni Ox ng ginintuang enerhiya, at mahigpit ang pagkakahawak niya sa sandata niyang palakol habang sinusubukan niyang atakihin at tamaan ang maliksing si Yuros. Pareho na silang pagod. Halata iyon sa kanilang ekspresyon sa mukha, at malalim na paghinga.
Habang si Ox ay patuloy na inihahampas ang hawak niyang palakol kay Yuros, ang binata ay pilit na naghahanap ng butas upang makaganti ng atake. Hindi siya makakuha ng oportunidad dahil masyadong delikado kung basta na lang siya susugod lalo na't gumagamit si Ox ng kapangyarihan at sandata.
Sa oras na magkamali siya, magtatamo siya ng malubhang pinsala--kagaya na lang ng mga malulubhang pinsala na kanyang natanggap noong mga nauna niyang subok para talunin si Ox.
Lumipas ang mga oras, subalit hindi pa rin binibigyan ni Ox ng pagkakataon si Yuros na makalapit sa kanya. Mas lalo pa siyang naging agresibo, at sa tulong ng kanyang kapangyarihan, ang bawat galaw niya ay mas bumilis pa.
Nanatiling pasensyado si Yuros sa kabila ng pagiging agresibo ni Ox. Nakatuon ang kanyang atensyon sa bawat pag-atake nito. Hindi siya naniniwalang maipagpapatuloy nito ang agresibong pag-atake, at naniniwala siya na darating sa punto na mapapagod ito. Mas mataas ang stamina niya kaysa kay Ox kaya hindi siya nagmamadali. Para sa kanya, ang pagkakaroon ng mahabang pasensya at tamang diskarte ang susi sa tagumpay.
At sa paglipas pa ng ilang minuto, mas lalong bumigat ang paghinga ni Ox. Malinaw na malapit na siyang mapagod. Bumagal na rin ang bawat paghampas niya ng palakol kaya kinuha ni Yuros ang oportunidad na ito upang sumugod.
Sumipa siya sa lupa, at mabilis na bumulusok patungo kay Ox. Nagawa niyang malusutan ang palakol nito. Bahagya siyang ngumiti. Para bang bumagal ang bawat sandali habang mahigpit niyang ikinukuyom ang kanyang kanang kamao.
Ganoon man, noong akala niya ay matagumpay na niyang matatamaan si Ox, nagkamali siya. Natigilan siya nang makita niya ang makahulugang ngiti nito. Ilang beses niya na iyong nakita, at sa tuwing ngingiti ng ganoon si Ox, isang pangyayari hindi niya gusto ang magaganap.
Biglang na lang sumenyas ang dalawang daliri ni Ox, at mayroong imahe ng ginintuang krus ang lumitaw sa ilalim ni Yuros. Nanlumo siya nang makita niya ito, at sa isang iglap lamang, napasuka siya ng dugo dahil tumarak ang ginintuang krus sa kanyang tiyan. Tumilapon din siya at para bang napako sa lupa ang kanyang katawan matapos umulan ng maliliit na ginintuang krus kung saan tumarak ito sa iba't ibang bahagi ng kanyang katawan.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...