Chapter XXXVIII: Unblocked
Kahit na nanghihina't nahihirapan, pinilit ni Finn na tumayo. Nagpaalam siya kay Porion, at nagsimula siyang humakbang patungo sa mga Light Guard. Nakatuon ang kanyang tingin kay Viro na kasalukuyang inaalalayan ng mga kapwa niya Light Guard para tumayo. Pinag-aralan niya ang ekspresyon nito, at napansin niya na kalmado ito, subalit sa likod ng kalmadong ekspresyon nito, mababakas sa mga mata nito na dismayado siya.
Hindi kaagad umalis ang mga Light Guard. Hinintay nilang makalapit si Finn. Ngumiti rin si Viro habang ang binata ay seryoso lang ang ekspresyon habang naglalakad.
Nang makalapit si Finn, huminto siya at agad na yumuko. Ikinagulat ito ng mga naroroon, at hindi alam ni Viro kung ano ang kanyang sasabihin sa biglang pagyuko ni Finn sa kanya.
“Maraming salamat sa napakagandang laban, Viro. Marami akong natutunan sa iyo. Marahil hindi pa rin maikukumpara ang kabuoang lakas ko sa totoong kapangyarihan mo, subalit naniniwala akong mas lalakas pa ako sa hinaharap. Dadalhin ko ang mga bagay na natutunan ko sa ating laban,” sabi ni Finn matapos niyang makaayos ng tayo.
Hindi kaagad nakatugon si Viro, at noong makabawi siya, nginitian niya si Finn at sinabing, “Ako dapat ang magpasalamat sa iyo. Isang karangalan na makalaban ka. Alam kong sa hinaharap ay magiging tanyag ka, at isang karangalan na makadaupang palad ka, Finn Doria. May mga natutunan at napagtanto ako dahil sa iyo, at nangangako ako na balang araw, mas magiging malakas pa ako.”
“Siguro, sa susunod nating pagkikita ay napakataas mo na. Marahil hindi mo na mapapansin ang kagaya ko, gayunman, nagpapasalamat pa rin ako dahil nagkaroon ako ng pagkakataon na makalaban ka ng pitong beses,” dagdag pa ni Viro.
Hindi kinontra ni Finn ang huling sinabi ni Viro, bagkus, inilahad niya ang kanyang kamay at sinabing, “Naniniwala akong magagawa mo iyon.”
Tinanggap ni Viro ang kamay ni Finn. Nakipagkamay siya rito, at pagkatapos na magkahiwalay ng kanilang kamay, bahagyang tumango si Finn sa kanya bago ito tuluyang naglakad palayo.
Inalalayan na rin ni Ox si Viro, at ang mga Light Guard ay bumalik na sa kanilang puwesto.
Nang makabalik si Finn sa kanyang puwesto, binati siya nina Altair, Yuros, at Whang sa kanyang pagtatagumpay. Bawat isa sa kanila, kasama si Yasuke na tumango lang kay Finn ay makikitaan ng paghanga sa binata. Nag-usap ang apat sandali bago payuhan nina Altair si Finn na magpahinga muna.
Sobrang pagod pa rin ang nararamdaman ni Finn, at kailangan niya ng mahabang pahinga upang makabawi siya agad ng lakas.
Makaraan lamang ang ilang saglit, naghanda na si Whang para sumalang sa ika-walo niyang pakikipaglaban. Mayroon na lamang siyang tatlong tsansa kasama ang tsansa na ito, at dahil sa pagkapanalo ni Finn, mas lalo siyang naging determinado na manalo laban kay Bien.
Nagbanat muna siya ng buto bago siya nagtungo sa kalagitnaan ng tuktok ng bundok. Naghihintay na roon si Bien, at maayos na ang postura nito na para bang handa nang umatake anomang oras.
Pumorma na rin si Whang. Nagkatitigan silang dalawa, at ilang sandali pa, sabay na naglaho ang pigura nilang dalawa. Nagkatagpo silang dalawa, at kasalukuyan silang nagpapalitan ng mga atake.
Napalilibutan na ng ginintuang enerhiya si Bien. Nakasuot na rin ang gauntlet sa kanyang kamay, ganoon man, sa kabila ng kalamangan niya sa mga bagay na ito, nagagawa pa rin ni Whang na makasabay sa kanya.
Simula pa lang ng kanilang laban, pero sobrang tensyon na ang naidudulot nito. Tahimik lang na nanonood sina Finn, at sa pagtagal ng laban ng dalawa, sa pagkasabik ng kanilang nararamdaman.
Animo'y totoo ang laban sa pagitan ng dalawa dahil ang bawat atakeng pinakakawalan nila ay mabigat at walang awa. Kung bilis ang pag-uusapan, si Whang ang lamang, pero kung lakas, walang dudang si Bien ang panalo dahil sa mga gauntlet niyang sandata.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...