Chapter XXXIX

4.4K 1K 199
                                    

Chapter XXXIX: Guardian Spirit's World, Again

Pagkatapos unahan siyang unahan ni Porion sa pagtugon sa tanong ni Yasuke, bumaling siya rito at tinitigan niya ito gamit ang walang buhay niyang mga mata. Blanko ang kanyang ekspresyon at halata na hindi siya natutuwa sa ginawa nitong pangunguna sa kanya. Ilang saglit pa, nakipagtitigan sa kanya si Porion. Nakangiti pa ito na na mas lalo niyang ikinainis. Sinamaan niya ito ng tingin at mariin na sinabing, “Ako ang tagapagsanay rito. Maaari bang huwag kang makigulo, Porion? Gusto mo bang ipaalam ko kay Pinunong Auberon ang pakikialam mo sa pagsasanay nila?”

Humalakhak si Porion at umiling-iling. “Huwag ka ngang masyasong seryoso riyan. Napakaliit na bagay ay pinapalaki mo. Dapat nga ay magpasalamat ka pa sa akin dahil ako na ang sumagot sa tanong ni Yasuke para sa iyo,” sabi niya at malapad na ngumiti.

Suminghal lang si Aemir at hindi na nakipagtalo pa kay Porion. Itinuon niya na lang ang kanyang atensyon sa lima at sinabing, “Ngayon na ang apat sa inyo ay nasa Supreme Rank na, tuturuan ko muna kayo para kontrolin ang inyong isipan. Marahil naririnig n'yo na ang iniisip ng mga nasa paligid ninyo. Masyadong nakakaabala ang mga maririnig ninyo kaya mas makabubuti kung isasara n'yo muna ang inyong isipan para hindi kayo mahirapan.”

Agad na tumango sina Altair. Kanina pa sila hindi makapag-isip nang maayos dahil sa mga tinig na naririnig nila sa kanilang isipan. Ayaw nilang malaman kung ano ang iniisip ng iba, at mas gusto nilang bakuran ang kanilang isip para hindi rin maisip ng iba kung ano ang iniisip nila.

Bahagyang tumango si Aemir at ipinaliwanag na kung paano bakuran ang isipan ng mga ito. Tungkol kay Finn, nakinig lang siya sa pagpapaliwanag ni Aemir. Katulad lang iyon ng ipinaliwanag sa kanya ni Firuzeh kaya hindi na niya masyadong pinahalagahan ang mga sinasabi ni Aemir sa apat.

“Magtungo na kayo sa inyong mga puwesto. Sanayin n'yo muna ang inyong bagong lakas, at gawin n'yo muna ang sinasabi kong pagbabakod sa inyong isipan. Kapag handa na kayo, dadako na tayo sa ikaapat ninyong pagsasanay,” paglalahad ni Aemir.

Agad na sumunod sina Finn. Tumalikod na sila at nagsimula nang maglakad. Ganoon man, bago pa man tuluyang makaalis si Finn, tinawag siya ni Porion.

“Sandali lang, Finn. Mayroon lang akong itatanong sa iyo. Hindi mo naman siguro mamasamain ito, hindi ba?” Sabi ni Porion at muli siyang ngumiti.

Muling pumihit si Finn upang harapin sina Porion at Aemir. Bahagyang umiling si Finn bilang tugon dito. Ibinuka niya ang kanyang bibig at sinabing, “Ano iyon?”

Bumaling si Aemir kay Porion. Wala siyang ideya kung ano ang binabalak ng kanyang kapatid kaya maging siya ay nahihiwagaan din.

“Nabakuran mo na ba ang iyong isipan bago ka pa magsimula sa pagsasanay?” Walang paligoy-ligoy na tanong ni Porion.

Sandaling natahimik si Finn. Ngumiti siya nang bahagya at tumugon, “Oo. Nahihirapan akong magnilay-nilay kaya binakuran ko na ang aking isipan sa tulong ng isang kaibigan.”

Sa pagkakataong ito, si Porion ang natahimik. Saglit na naging seryoso ang kanyang ekspresyon bago siya muling ngumiti at tumango-tango.

“Maraming salamat sa pagiging tapat. Maaari ka nang magpahinga. Paumanhin sa abala,” sabi ni Porion.

Ngumiti lang din si Finn at hindi na nagsalita pa. Muli na siyang pumihit at nagsimula nang maglakad palayo. Naiwang nakatitig sa kanya sina Aemir at Porion. Halatang malalim ang iniisip ng dalawa.

“5th Level Heavenly Chaos Rank lang siya noong pumunta siya rito kasama ni Pinunong Auberon. Ibig sabihin, nakamit niya ang kapangyarihan ng isang Supreme Rank sa o bago mag-5th Level Heavenly Chaos Rank,” paglalahad ni Aemir. “Ito ang unang pagkakataon na nalaman kong posible iyon. Isa nga talaga siyang mahimalang binata, walang duda iyon.”

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon