Chapter LXVII: How?
Magkakasama ang tatlo na umalis sa kinaroroonan ng mga miyembro ng New Order na kalalabas lang sa Tower of Ascension. Pinangungunahan ni Finn sina Riyum at Enox patungo sa lugar kung saan makakapag-usap sila nang tahimik at payapa. Gustong makausap ni Finn ang dalawa sa payapang lugar, kagaya na lang ng lugar na nasa kanyang panaginip noon kung saan nakausap niya rin sina Enox at Riyum bago magpaalam ang mga ito.
Hanggang ngayon, hindi pa rin lubos na maisip ni Finn kung ano ang nangyayari. Nais niyang malaman kung paanong buhay sina Riyum at Enox ganoong malinaw na namatay ang mga ito sa digmaan sa Dark Continent. Wala siyang maisip na dahilan kung paanong nangyari na buhay ang dalawa, subalit hindi niya pa rin maikakaila na masaya siyang makita sina Riyum at Enox.
Pinanghihinayangan niya ang buhay ng dalawa--lalong-lalo na si Riyum na pinangakuan niya na bibigyan niya ng maraming kaibigan at isasama niya sa kanyang magiging mga paglalakbay. Kung tutuusin, sobrang bata pa ni Riyum. Subalit hindi naranasan ni Riyum kahit na sandali ang pagiging bata dahil pinagkaitan siya ni Rajin ng kalayaan. Hindi siya nakapaglaro, at ang itinanim ni Rajin sa utak niya ay ang matinding takot at karahasan. Ginawa siyabg halimaw ni Rajin. Pinakain siya nang pinakain nito ng buhay na nilalang para lumakas upang gawing sandata sa digmaan.
Para kay Finn, si Rajin ay isang depinisyon ng isang totoong diyablo. Wala itong puso na maging ang sarili nitong anak ay hindi nito pinalampas.
Tungkol kay Enox, nanghihinayang si Finn dahil si Enox ay isang mabuting tao, adventurer, at pinuno. Hindi niya makalilimutan ang huli nitong habilin--ang pagbuwag sa Equinox para masiguro na matutupad ng bawat miyembro ang kani-kanilang pangarap sa buhay sa oras na matapos na ang kaguluhan sa Dark Continent. Para kay Finn, si Enox ang kanyang tinitingala pagdating sa bagay na ito dahil hindi matatawaran ang kabutihan nito bilang pinuno.
Makaraan ang ilang minuto, nakakita si Finn ng isang maliit na lawa. Madamo ang paligid, at ang ihip ng hangin ay nakapagbibigay ng maaliwalas na pakiramdam. Sa pagkakita pa lang ni Finn sa lugar na ito ay nakaramdam siya ng katahimikan at kapayapaan.
Hinarap niya sina Enox at Riyum. Ngumiti siya sa mga ito at sinabing, “Ayos na ang lugar na ito... Malayo na tayo sa iba, at malaya na tayong makakapag-usap tungkol sa mga bagay-bagay.”
“Riyum tuwa! Paligid ganda!” Sabik na sabik na sabi ni Riyum at hindi na nito napigilan ang kanyang sarili.
Bumulusok si Riyum patungo sa lawa. Umangat ang tubig dahil sa kanyang pagbagsak. Nagkaroon ng sandaling pag-ulan, at nakita nina Finn at Enox ang pangyayaring ito bilang kakatuwa. Naglangoy-langoy siya rito, at pansin na pansin ang sobrang kasiyahan sa kanyang ekspresyon habang naglalaro siya sa kalagitnaan ng lawa.
Bumaba sina Finn at Enox. Magkatabi nilang pinagmasdan mula sa kanilang kinatatayuan ang paglalaro ni Riyum sa lawa. Pareho silang makikitaan ng sinserong kasiyahan.
“Akala ko ay hindi ko na masisilayan pang muli ang mga ngiti ni Riyum... Ang akala ko ay hindi na maibabalik sa kanya ang kasiyahan na ninakaw sa kanya ng kanyang ama,” pabulong na sambit ni Finn.
“Akala ko rin. Ang akala ko ay sa kabilang buhay na muling magtatagpo ang aming landas, pero nagising na lang ako at napagtanto kong muli akong nabuhay,” komento ni Enox. “Akala ko ay hindi ko na kayo makikita pang muli. Akala ko ay hindi na ako mabibigyan ng pagkakataon na makita kayo na magtagumpay sa kanya-kanya n'yong hangarin,” dagdag niya pa.
“Pero ngayon, binigyan ako ng pangalawang pagkakataon para mabuhay kasama si Riyum. Maaari na naming ipagpatuloy ang aming buhay sa aming daan na gustong tahakin.”
Tahimik lang si Finn habang nakikinig sa mga sinasabi ni Enox. Taimtim ang kanyang ekspresyon, at hindi nagtagal, matapos ang ilang segundo ay nagsalita na rin siya.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...