Chapter XLI: First Try
Hawak-hawak ni Finn ang ika-walong piraso ng Heavy Hoop. Isinuot niya ito sa kanyang kamay, at huminto siya noong nakatapat na ito sa kanyang pupulsuhan. Dahan-dahang lumiit ito hanggang sa maging sakto lang ito sa laki ng kanyang pupulsuhan. Sa pangkalahatan, hindi siya gaanong komportable sa bigat ng kanyang katawan. Walong libong tonelada ang kabuoang bigat ng walong Heavy Hoop na nasa kanyang binti at mga braso. Sobrang bigat nito, subalit kaya niya pa rin na kumilos nang maliksi.
Mas pinabagal siya ng bigat ng mga Heavy Hoop, pero wala siyang pakialam dahil siya ang pumili nito upang mas maging mabisa ang kanyang ikaapat na pagsasanay.
Matapos niyang maisuot ang lahat ng Heavy Hoop, dinampot ni Finn ang tela na nasa lupa at pinagpagan ito. Nagsimula na siyang maglakad patungo sa gitna, at noong makarating siya, tumingin siya kay Aemir at sinabing, “Maaari akong gumamit ng skill, tama ba?”
“Maaari mong ninyong gawin ang lahat maliban sa paglipad at paglutang--mali. Para sa iyo, Finn, hindi mo maaaring gamitin ang skill na ginagawang tubig ang iyong buong katawan--kinokonsidera ko iyong pandaraya kaya mahigpit ding ipinagbabawal ang paggamit ng skill na iyon,” paliwanag ni Aemir.
Ngumiti si Finn at umiling. Ipiniring niya sa kanyang mga mata ang tela at malumanay na nagsalita, “Wala rin naman akong balak na gamitin iyon. Walang kuwenta kung madadalian ako sa isang pagsasanay.”
Hindi na ipinagpatuloy ni Aemir ang tungkol sa usapin na ito, ganoon man, nagbitiw pa siya ng huling paalala.
“Hangga't kaya ninyong tumayo, magpapatuloy ang pagbato sa inyo ng mga Light Guard. Gamitin ninyo ang pandama n'yo, subukan ninyo nang subukan hanggang sa makontento ako,” paglalahad ni Aemir bago tuluyang nagkaroon ng katahimikan.
Pinakalma ni Finn ang kanyang sarili. Itinuon niya ang kanyang konsentrasyon sa kanyang paligid. Pinakiramdaman niya ang bawat paggalaw sa paligid, at ginamit niya ang kanyang matalas na pandinig para pakinggan ang mga yapak ng mga Light Guard. Kasalukuyang pinapaikutan siya ng mga ito, at naririnig niya na ibinabato sa taas at sinasalo ng mga ito ang hawak nilang bato.
Ilang sandali pa, nakaramdam si Finn ng kakaibang pagkilos mula sa isa sa mga Light Guard. Agad siyang naalerto, at inihilig niya ang kanyang ulo dahil naramdaman niyang may tatamang kung anong mabilis na bagay sa kanyang mukha.
Matagumpay niyang naiwasan ang batong ibinato siya, subalit hindi siya nakampante o nagdiwang. Nasaksihan niya kung paano ang magiging proseso ng ikaapat na pagsasanay kaya hindi siya maaaring mawala sa konsentrasyon kahit na isang segundo.
Nang maiwasan niya ang bato, naghintay siya ng tamang pagkakataon bago ihilig ang kanyang katawan dahil naramdaman niya na mayroong sumambot ng bato at muling ibinato sa kanyang direksyon.
Nagtagumpay siya sa pag-iwas, ganoon man, sa ikatlong beses, hindi niya na nagawang makaiwas at direkta siyang tinamaan sa kanyang tiyan na naging dahilan para tumalsik siya. Hindi siya kaagad nakatugon dahil mas bumilis ang pagbulusok ng bato sa kanya. May sumipa sa bato noong nasa ere pa lang ito, at masyadong naging malakas ang puwersa kaya nag-iba ito ng bilis.
Ramdam na ramdam ni Finn ang sakit sa kanyang sikmura. Tumulo rin ang dugo sa gilid ng kanyang labi. Pinunasan niya ito, at hindi na gaanong pinansin ang natamo niyang pinsala. Sinuportahan niya ang kanyang sarili para tumayo, ganoon man, bago pa siya tuluyang makatayo ay may pabulusok na naman na bato sa kanya. Hindi na siya makakaiwas kaya mabilis niyang iniharang ang palad niya sa kanyang mukha.
BANG!
Nagpagulong-gulong siya sa lupa. Namilipit siya sa sakit. Namumula ang kanyang ilong at mayroong dugo ang dahan-dahang tumutulo sa mga butas nito. Nakaramdam siya ng bahagyang pagkahilo.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...