Chapter XXVIII: Training One's Body
Tahimik na nakapikit sina Finn at Yasuke. Kasalukuyan pa rin silang nagpapahinga at pilit na bumabawi ng lakas. Matagal na mula ng sila ay huminto sa pag-akyat, ganoon man wala silang magagawa dahil sa ngayon, wala silang kakayahan na agad na gumaling. Hindi nila mapakiramdaman ang kahit katiting nilang enerhiya. Kailangan lang nilang umasa ngayon sa kanilang kakayahan na pagalingin ang sarili.
Ilang sandali pa, iminulat ni Finn ang kanyang mga mata nang maramdaman niya na may papalapit sa kanilang direksyon. Agad niyang naaninag ang pigura ni Whang. Higit na mas maayos na ang kalagayan nito ngayon kaysa noong makita niya ito na nagpapahinga sa isang puno.
Bukod kay Whang, nasilayan din ni Finn sina Altair at Yuros. Mukhang nakabawi na muli ng lakas ang dalawa dahil bakas na ang kasiglahan sa kanilang mga mukha.
Hindi nagbitaw ng salita si Whang. Nginitian niya lang si Finn bago siya umakyat sa matarik na bahagi ng bundok. Malinaw na ayaw nitong magsayang ng kahit sandaling panahon dahil ang intensyon lang nito ay ang maakyat ang bundok para matapos na ang hamon ni Aemir.
Dumaan na rin sina Altair at Yuros, at noong paakyat na sila, sumabay sa kanila sina Finn at Yasuke. Sabay-sabay na umakyat ang apat. Matatag ang kanilang pag-akyat, at hindi na dinagdagan nina Altair at Yuros ang kanilang bilis dahil pinayuhan sila ni Finn na huwag magmadali upang mas tumagal ang kanilang katawan.
Siyempre, hindi minasama nina Yuros at Altair ang payo ni Finn. Hindi nila inisip na nagmamagaling ang binata dahil nasaksihan nilang dalawa na dahil sa paraan nito, mas malayo ang narating nito kaysa sa kanila.
Lumipas ang mga oras, at sa mga oras na ito, walang ginawa ang lima kung hindi umakyat at magpahinga sa tuwing sila ay napapagod. Hindi nila kayang akyatin ng isang akyatan ang bundok, ilang beses silang nagpahinga upang mabawi ang kanilang lakas. Mas dumalas din ito dahil habang tumataas ang kanilang kinaroroonan, mas numinipis ang hangin, bumibigat ang grabidad at lumalamig ang temperatura.
Hindi kalaunan, matapos ang napakahirap na pag-akyat, narating din nila ang tuktok. Pagod na pagod ang bawat isa sa lima. Pare-pareho silang naghahabol ng hininga, at napahilata na lang sila sa sahig dahil sa sobrang pagod. Para ba silang sumabak sa isang matinding labanan kung saan naubos ang kanilang enerhiya at lakas kaya hindi nila magawang makatayo.
Hindi agad sila nakapagsalita. Namahinga muna sila ng halos kalahating oras dahil sa sobrang tindi ng kanilang pagod. Sobrang sakit din ng kanilang katawan, at sa tuwing gagalaw sila ay para bang hihiwalay sa kanilang katawan ang bahaging iyon ng kanilang katawan.
Hindi agad sila kinausap ni Aemir. Dala-dala lang nito ang buhanging orasa habang pinagmamasdan silang lima. Bukod pa roon, napansin nina Finn na hindi lang si Aemir ang nasa tuktok ng bundok. Mayroon pang limang Light Guard, at nahiwagaan sila kung ano ang ginagawa ng mga Light Guard dito.
Napatitig si Finn sa buhanging orasa. Nakita niyang wala ng lamang buhangin ang itaas na bahagi ng orasa kaya malinaw na pumalpak silang lima sa kanilang hamon. Alam niya na ito noong malaman niya na sobrang hirap ng pagsasanay ni Aemir para sa kanila. Alam niyang hindi niya magagawa na maakyat ang bundok sa loob ng anim na oras--walang makakagawa sa kanila lalong-lalo na't nagpahinga pa sila sa tuwing makararamdam sila ng sobrang pagod.
Sinuportahan ni Finn ang kanyang sarili upang umayos ng upo. Tiningala niya si Aemir, ngunit hindi siya nagsalita. Nakararamdam siya ng bahagyang hiya sa kanyang sarili, sa totoo lang, lahat silang lima.
Noong ibigay ni Aemir ang pagsasanay na ito, inakala nilang lima na madali lang ito at hindi sila magkakaproblema. Inisip pa ng bawat isa sa kanila na kaya nilang marating ang tuktok sa loob lamang ng isang oras, subalit nagkamali sila--sobrang nagkamali sila.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...