Chapter LIX

4.4K 1K 129
                                    

Chapter LIX: Fierce Battle

Ang lahat, kabilang si Finn ay humahangang pinagmasdan ang kagandahang taglay ni Alisaia bilang fire phoenix. Ang balahibo't pakpak nito ay nag-aapoy. Malumanay na pumapagaspas ang pakpak nito habang ang mga mata nito ay nakapikit pa rin hanggang ngayon. At noong iminulat nito ang kanyang mga mata, doon nakita ng lahat ng naroroon ang kabuoang hitsura nito. Isa lang ang pumasok sa kanilang isipan habang pinagmamasdan si Alisaia--marilag.

Isa siyang marilag na ibon, at naglalabas siya ng maharlikang aura at presensya na nagbibigay ng masarap na pakiramdam sa mga adventurer na nagtataglay ng dugo ng fire phoenix.

Tila ba nagkaroon ng malaking pagbabago sa kanilang katawan matapos magising ang kapangyarihan ni Alisaia. Para bang nadamay sila kaya aktibong-aktibo ang kanilang dugo ngayon.

“Ang pakiramdam na ito...” Ani Fae habang dahan-dahan siyang tumatayo.

Isang himala ang kanyang naranasan matapos ang paggising ng kapangyarihan ni Alisaia. Bigla na lamang siyang nagkaroon ng lakas. Gumaling ang mga sugat niya kaya siya ay nakakatayo na. Hindi niya pa kayang lumaban sa kasalukuyan, pero matatag na nanunumbalik ang kanyang pisikal na lakas at enerhiya, at naniniwala siyang hindi magtatagal ay manunumbalik na rin siya sa isang daang porsyento ng kondisyon niya.

Sa ilalim ng tingin ng mga naroroon, biglang nagliwanag ang katawan ni Alisaia. Unti-unting lumiit ang kanyang katawan. Muli siyang nagkatawang-tao, at noong mawala ang liwanag na nagtatago sa kanyang hitsura, muling nakita ng mga naroroon ang anyo ni Alisaia sa ikalawang antas ng foundation art nito. Ganoon man, mayroon silang napansin na malaking pagbabago rito.

Hindi na nakakalat ang kahel nitong enerhiya, bagkus ang balat nito ay naglalabas ng kakaibang pagliliwanag na para bang nagbabaga ang kanyang katawan. Isa pang pagbabagong napansin nila ay ang munting apoy sa noo ni Alisaia. Hindi nagbago ang antas at ranggo ni Alisaia, pero ramdam na ramdam ni Finn ang malaking pagbabago sa lakas nito.

At sa halip na matakot o mangamba, ngumiti pa siya at nanabik. Ang paglakas ni Alisaia ay hindi niya gaanong pinagtuunan ng pansin. Hindi siya natatakot, handa pa rin siyang lumaban kahit na para bang nanumbalik sa isang daang porsyento ang kondisyon ni Alisaia matapos magising ang kapangyarihan nito bilang isang fire phoenix.

Pinagmasdan ni Alisaia si Finn. Mas lalo pang naging kalmado ang kanyang ekspresyon. Walang makikitang kahit anong emosyon sa kanyang mga mata, subalit makikita rito ang karunungan at kapayapaan.

“Bibigyan kita ng pagkakataon na umatras at kalimutan ang lahat, Finn Doria. Kakalimutan ko na rin ang pagsugod mo sa aking teritoryo at pag-atake sa aking mga tauhan at estudyante kapalit ng pagtigil mo sa panggugulo sa amin, lalong-lalo na sa aking estidyante na si Ashe Vermillion,” malumanay na paglalahad ni Alisaia.

Hindi mababakasan ng kahit kaunting panghahamak ni Finn ang mga salita ni Alisaia. Sinsero ito at walang pangmamaliit, senyales na ito ang kagustuhan ng kanyang puso. Naalis ang ngiti ni Finn sa kanyang mga labi. Seryoso siyang tumingin kay Alisaia at marahang nagwika, “Matapos ang ginawa mo sa amin, hindi na mababago ang aking desisyon. Nangako ako sa sarili ko, at disidido na akong patayin ka, Alisaia.”

“Alinman sa iyo o sa akin ang mabubuhay sa labang ito. Binabati kita sa pagkamit mo ng kapangyarihang iyan, subalit hindi mo ako matatakot ng isang kapangyarihan na hindi pa hasa at pulido. Kung iniisip mong naabot ko ang kasalukuyan kong lakas dahil lamang sa mga ipinakita ko sa inyo, nagkakamali ka. Marami pa kayong hindi alam sa akin,” aniya pa.

Inilabas muli ni Finn ang dalawa niyang espada. Muli siyang pumorma na para bang handa na siyang sumugod at umatake muli kay Alisaia. Nanatiling nakapalibot sa kanyang katawan ang asul na berdeng enerhiya. Buong konsentrasyon siyang tumingin kay Alisaia habang si Alisaia ay napaisip dahil sa mga salitang binitawan ni Finn.

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon