Chapter X: Gratitude and Forgiveness
Pinagmasdan ni Auberon ang seryosong ekspresyon ni Finn. Nakita niya ang reaksyon nito, at medyo nabigla siya nang mapansin niyang wala man lamang itong pag-aalinlangan na makausap si Tiffanya. Saksiya sa naging bangayan ng Azure Wood Family, Golden Lion Family, Black Tiger Family, Nine Ice Family at Ice Feather Sect. Nakita't naramdaman niya rin kung gaano katindi ang hinanakit at galit na naramdaman noon ni Finn kay Tiffanya. Inakala niyang kamumuhian na ng kanyang batang panginoon si Tiffanya habang-buhay dahil sa masasalimuot na nangyari, subalit masyado niyang minaliit ang kabutihan ng kanyang batang panginoon.
Sa nakikita niya, napatawad nang ganoon na lamang ni Finn si Tiffanya at ang Nine Ice Family. Sa halip na kamuhian ang mga ito, hindi niya inaakalang kinalimutan ng kanyang batang panginoon ang lahat matapos maparusahan ang mga pangunahing salarin. Hindi na ito nagtanim ng sama ng loob sa iba pang miyembro na inosente at walang kaalam-alam sa hidwaan, at dahil dito ay mas lalo niyang hinangaan ang taglay na personalidad ng kanyang batang panginoon.
“Kung talagang gusto mo siyang makausap, gagabayan kita patungo sa silid na kanyang kinaroroonan, ngayon din mismo, batang panginoon,” sabi ni Auberon.
Natahimik si Finn at napaisip. Bumaling siya kina Creed na kasalukuyan ding nakatingin sa kanya. Makaraan ang ilang saglit, muli siyang tumingin kay Auberon at bahagyang umiling.
“Ayos lang kahit iba ang maggabay sa akin. Gusto kang kausapin ng aking ama't ina kaya hindi ko gustong abalahin ka para lang dito,” sabi ni Finn. “Huwag n'yo nang subukan pang baguhin ang desisyon ko dahil nais kong puntahan at kausapin si Tiffanya nang ako lang.”
Nakita nina Creed ang seryosong ekspresyon ni Finn kaya kinalimutan niya na ang binabalak niyang pagpapaliban muna ng pagpapasalamat kay Auberon. Alam niyang hindi niya na mababago ang isip ni Finn dahil desidido na ito sa kanyang desisyon kaya hindi na niya ipinahayag ang kanyang balak sabihin.
Tungkol kay Auberon, malalim siyang nag-iisip at tinitimbang niya nang maigi ang sitwasyon. Kasalukuyan pa ring nasa 7th Level Chaos Rank ang kanyang batang panginoon habang si Tiffanya ay nasa 9th Level Heavenly Chaos Rank. Masyadong malaki ang agwat ng lakas ng dalawa sa isa't isa, at kung sakaling balakin ni Tiffanya na patayin si Finn nang biglaan, walang makapipigil sa kanya.
Gusto niya ay personal niyang babantayan ang kanyang batang panginoon, pero hindi niya gustong sawayin ang kagustuhan nito kaya bumaling siya kay Aemir.
“Kung gayon, si Aemir na ang bahalang gumabay sa iyo patungo sa kinaroroonan ni Tiffanya Frois. Sasamahan ka niya at poprotektahan, ngayon din mismo,” malumanay na sabi ni Auberon.
Bahagyang yumuko si Aemir kay Auberon. Umayos din kaagad siya ng tayo, at seryoso siyang tumingin kay Finn.
“Sumunod ka sa akin. Dadalhin kita sa kanya,” seryosong lahad ni Aemir. Pumihit na siya at nagsimula na siyang maglakad patungo sa direksyon kung saan matatagpuan ang labasan ng opisina ni Auberon.
Sinulyapan ni Finn sina Creed. Nagpaalam siya sa mga ito, at agad ding sumunod kay Aemir. Naghihintay na si Aemir sa gilid ng pintuan, at nang makita nitong palapit na ang binata, binuksan nito ang pintuan at lumabas ng opisina.
Nilisan ng dalawa ang opisina ni Auberon. Naiwan sina Creed, Olivia, Meiyin, Yuros, Altair at Auberon sa silid. Nagkaroon ng katahimikan, nag-aalinlangan pa rin sina Creed pero sa huli, naglakas-loob si Olivia na magsalita.
“Ginoong Auberon... ang pangunahing rason kung bakit ka namin gustong makausap ay dahil gusto naming magpasalamat ng sobra sa pagsagip at pagbibigay mo ng pangalawang buhay kina Altair at Yuros. Binigyan mo kami ng napakagandang regalo na hindi namin kayang tumbasan ng kahit anong mayroon kami. Ang tanging ma-i-a-alay lamang namin sa iyo ay ang aming labis na pasasalamat,” ani Olivia.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...