Chapter XXXIII

4.6K 924 47
                                    

Chapter XXXIII: Sparring with the Light Guards (Part 1)

Patuloy ang labanan sa pagitan nina Finn at Yuros. Mas naging tensyonado pa ang kanilang laban, at bawat isa sa kanila ay mayroon nang mga galos at ilang sugat. Kasalukuyang dinedepensahan ni Yuros ang mga atake ni Finn. Hindi siya makatugon sa mga atake ni Finn dahil hindi siya nito binibigyan ng pagkakataon na makabawi. Natigilan siya ng mapagtanto niyang dinala siya ni Finn sa isang sulok. Nasaksihan niya ang makahulugang ngiti ng binata habang ang kamao nito ay malapit na sa kanyang mukha.

Pinilit niyang yumuko. Muntik-muntikan na siyang tamaan sa ulo ng kamao ni Finn, pero dumaplis lang ito sa kanyang buhok. Sa wakas ay nagkaroon na rin siya ng pagkakataon kaya agad siyang kumilos upang bumawi.

Niyapos niya ang bewang ni Finn at buong lakas niya itong itinulak hanggang sa mapahiga ito sa lupa. Umibabaw siya rito, at walang tigil niyang pinagsusuntok si Finn. Pinuntirya niya ang mukha nito, ganoon man naiharang nito ang kanyang mga braso kaya napigilan niya na matamaan siya ng direkta sa mukha.

Habang si Yuros ay walang tigil sa pagsuntok, inihanda ni Finn ang kanyang tuhod upang tuhurin si Yuros sa likuran nito. Agad iyong nalaman ni Yuros kaya nakatalon siya bago pa siya matamaan ni Finn.

Pagkatapos sumablay ang kanyang atake, agad siyang tumayo. Alerto niyang hinarap si Yuros na kasalukuyan ding alertong nakatingin sa kanya.

Nagkaroon ng distansya na ilang metro sa pagitan ng dalawa. Nagkatitigan sila sandali, at ilang sandali pa, umayos ng tayo si Yuros at sinabing, “Panalo ka na. Kahit pa dumaan ang mga araw, malabo na matalo kita sa ganitong laban. Talagang napakalakas mo, Finn.”

Umayos na rin ng tayo si Finn. Hindi niya gusto na dito magtapos ang kanilang duwelo, pero wala siyang magagawa dahil hindi na interesado si Yuros na lumaban. Nakikita niyang tatagal pa silang dalawa, subalit malinaw na mauuna pang matapos ang kanilang pahinga bago ang kanilang laban. Kahit na magpatuloy sila, malabong may tanghalin na panalo dahil pareho silang hindi nakapagbibigay ng malubhang pinsala sa isa't isa.

Huminga ng malalim si Finn. Humakbang siya papalapit kay Yuros at nang makalapit siya, bahagya siyang ngumiti at sinabing, “Malakas ka rin, Yuros. Kakarampot lang ang lamang ko sa iyo, at hindi ako sang-ayon sa sinabi mong malabo na matalo mo ako.”

“Imbis na magtalo kayo kung sino ang mas malakas sa inyong dalawa, bakit hindi n'yo na lang tanggapin na pareho kayong malakas?” Biglang singit ni Altair sa usapan.

Nginitian niya ang dalawa at patuloy na nagsalita, “Namangha kaming lahat sa naging laban n'yong dalawa. Nanabik kami at nasiyahan dahil ang ipinakita ninyong kakayahan ay talagang kahanga-hanga. Hanggang ngayon ay ramdam ko pa rin ang tensyon. Naglaban kayo sa loob ng mahigit isang araw pero hindi mababakas sa inyo ang pagod at pinsala.”

Bahagyang itinaas ni Yuros ang kanyang kamay. Kinuyom niya ang kanyang kamao at nananabik na ngumiti. Ibinuka niya ang kanyang bibig at marahang nagsalita, “Ramdam na ramdam ko ang malaking pagbabago sa lakas ko. Ang katawan ko rin ay para bang naging baluti dahil higit na tumibay pa ito kaysa noon kahit na hindi ko binabalutan ang sarili ko ng enerhiya. Ang resulta ng naging pagsasanay natin ay napakagaling na umabot sa puntong tumaas ang aking stamina kaya hindi ako madaling napapagod kahit wala kaming tigil ni Finn sa paglalaban.”

“Kung nagagamit ko ang kapangyarihan ko, siguradong kaya kong makipagsabayan sa isang pangkaraniwang 1st Level Supreme Rank,” kumpyansang aniya pa.

“Nakalimutan mo ang suot mong Heavy Hoop. Kapag inalis mo iyan, hindi lang makipagsabayan ang kakayanin mo, makakaya mo ring higitan ang isang pangkaraniwang 1st Level Supreme Rank o maaari mo pang matalo ito,” komento ni Altair.

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon