Chapter XXX

4.4K 938 75
                                    

Chapter XXX: Doing Something is Better than Doing Nothing

Buhat-buhat ni Finn ang malaki at mabigat na bato. Nakapatong ito sa kanyang balikat, at paulit-ulit niya itong inaangat. Isa ito sa paraan niya ng pag-e-ehersisyo dahil sa pamamagitan nito, napapalakas niya ang kanyang mga braso, hita, at litid. Marahil para sa kasalukuyang siya, ang ganitong pag-e-ehersisyo ay mayroon lamang kaunting benepisyo, ganoon man dahil maraming ulit niya itong ginagawa, nagiging mabisa ito kaysa sa normal na ehersisyo.

Habang siya ay abala sa pag-e-ehersisyo, sa wakas ay mayroon na ring isa sa apat ang nakaakyat sa tuktok. Ito ay walang iba kung hindi si Yasuke.

Bakas ang pagod sa kanyang ekspresyon. Basang-basa ang kanyang katawan, at nanginginig siya dahil sa lamig. Bumagsak na lang ang kanyang katawan sa lupa, ngunit nanatili siyang may malay. Samantala, ipinagpatuloy pa rin ni Finn ang kanyang pagpapalakas ng katawan. Ilang oras pa ang lumipas ay magkakasunod ding nakaakyat sina Whang, Altair, at Yuros.

Binigyan sila ni Aemir ng kaunting panahon para magpahinga bago sila muling tipunin at pangaralan tungkol sa ikalawa nilang subok sa pag-akyat sa bundok. Dahil sa pagtawag ni Aemir, inihinto ni Finn ang kanyang ginagawa. Lumapit din siya at tumayo sa harap ni Aemir. Punong-puno na siya ng kumpyansa ngayon, at nagagawa niya nang itaas ang kanyang noo dahil nagawa niyang maakyat ang bundok sa loob ng anim na oras.

Ganoon man, nanatili siyang mapagkumbaba. Hindi siya nagyabang o nagmalaki. Hindi niya hinamak ang kanyang mga kasama dahil naniniwala siyang makakaya rin ng mga ito na makaakyat sa bundok basta gagawin nila ang paraang ginawa niya.

Isa pa, ang rason kung bakit sobra-sobra ang pagsusumikap na ibinibigay niya sa pagsasanay na ito ay dahil sa bigat ng responsibilidad na kanyang pasanin. Isang puwersa ang kanyang binuo na mayroong layunin na maging pinakamalakas sa mundo ng mga adventurer.

“Yuros, Altair, Whang. Talaga bang hanggang diyan na lang ang kaya n'yo? Kayong tatlo ang pinakamatagal na nakaakyat dito. Humigit-kumulang na labing pitong oras ang kinailangan n'yo para umakyat. Nagkaroon kayo ng kaunting pag-unlad, subalit hindi pa rin iyon sapat,” bahagyang umiling si Aemir pagkatapos niyang sabihin ito. “Isipin n'yong mabuti kung ano ang pagkakamali n'yo. Dalawang beses na kayong sumubok, at sa pangatlong subok ninyo, inaasahan kong magtatagumpay na kayo o kaya ay magkakaroon kayo ng malaking pag-unlad kagaya ni Yasuke.”

“Hindi man siya nagtagumpay, katanggap-tanggap naman ang kanyang naging resulta. Nagawa niyang makaakyat sa loob ng labing tatlo't kalahating oras. Kung itutuloy niya ang kanyang ginagawa, marahil magtagumpay na siya sa ikatlong subok,” paglalahad ni Aemir.

Tinanggap nina Whang, Altair, at Yuros ng buo ang kritisismo ni Aemir. Hindi sila pinanghinaan ng loob. Kinuyom nila ang kanilang mga kamao, at mas lalo pa silang naging determinado para magtagumpay sa pag-akyat sa bundok.

“Si Finn, nagtagumpay ba siya? Kanina pa siya rito kaya sigurado akong nagtagumpay siya, hindi ba?” Nananabik na tanong ni Yuros kay Aemir. Sinsiredad na pagkasabik ang kanyang nararamdaman, at umaasa siya na tama ang kanyang hinala.

“Oo, nagtagumpay siya. Nagawa niyang makaakyat dito bago pa maubos ang anim na oras, subalit bahagya niya iyong nagawa kaya hindi iyon maiituring na lubusang tagumpay,” tugon ni Aemir.

Napabaling sina Whang, Yasuke, Altair, at Yuros kay Finn. Bakas ang paghanga sa kanilang ekspresyon, lalong-lalo na kina Yuros at Altair. Nakaramdam ng ilang si Finn dahil sa tingin ng apat sa kanya. Pilit siyang ngumiti sa mga ito at bahagyang napakamot sa likod ng kanyang ulo.

“Nagtagumpay ako dahil sa paraan ni Yasuke. Dahil nakakasabay ko siya, napansin ko na mas mabisa ang ginagawa niya kaya ginawa ko iyong inspirasyon,” pagsasabi ni Finn ng totoo.

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon