Chapter VII

4.8K 928 51
                                    

Chapter VII: Fulfilling One's Promise (Part 1)

Nagpatuloy si Finn sa pagsasalaysay tungkol sa mga plano niya para sa New Order. Ang lahat ay seryosong nakinig sa kanya. Hindi na makapaghintay ang mga pinuno ng bawat faction na makabalik sa kani-kanilang puwersang pinamumunuan para maipahayag sa kanilang miyembro ang hangarin ni Finn na pasalihin sila sa puwersang New Order. Para sa pinuno ng walong faction, kabilang na ang buong Sacred Dragon Kingdom, isang pangarap na natupad ang maging kasapi ng binata sa iisang puwersa.

Pagkatapos ng ilan pang minutong seryosong pagsasalita sa entablado, ngumiti na si Finn. Pinagmasdan niya ang reaksyon ng mga panauhin at muling nagwika, “Nasabi ko na ang lahat ng kailangan at gusto kong sabihin. Kayo, mayroon ba sa inyo ang nais magtanong ng tungkol sa mga tinalakay natin sa pagpupulong na ito? Kung may gumugulo sa inyong isipan, itanong n'yo lang sa akin, at susubukan kong sagutin iyon sa abot ng aking makakaya.”

Hindi kaagad tumugon ang mga panauhin. Sinulyapan nila ang bawat isa upang tingnan kung sino ang gusto pang magtanong kay Finn. Kontento na ang halos lahat sa kanilang mga impormasyon na nalaman. Wala na silang katanungan dahil para sa kanila, narinig na nila ang dapat nilang marinig.

Ganoon man, hindi pa rin maiiwasan na may magtanong dahil kahit na naipaliwanag na nang maayos, mayroon pa rin silang hinahanap na eksaktong sagot sa kanilang mga tanong.

“Mayroon akong nais itanong kung hindi mo mamasamain, Finn,” ani Nicolas makaraan ang ilang segundong katahimikan.

Napunta sa kanya ang atensyon ng halos lahat. Umiral ang kuryusidad at interes sa bawat isa kung ano pa ang nais itanong ni Nicolas kay Finn.
“Magpatuloy ka, Kamahalan,” sambit ni Finn bilang hudyat kay Nicolas.

Huminga ng malalim si Nicolas. Tumingin siya kay Helbram at sa iba pang naroroon bago siya tuluyang magtanong, “Mayroon itong kaugnayan sa mundong ito, Finn. Nais ko lang itanong kung ano ang pinaplano mo sa ibang nilalang na naririto na hindi mo inimbitahan sa pagpupulong na ito. Ang mga naninirahan sa Ancestral Continent ay naririto. Nariyan ang mga kaharian at iba't ibang puwersa, at naguguluhan lang ako kung ano ang eksaktong plano mo para sa kanila. Balak mo ba silang panatilihin dito, o balak mo silang..”

Hindi na itinuloy ni Nicolas ang kanyang pagtatanong. Pinutol niya na ang kanyang sinasabi at naghintay na lang kay Finn para sagutin ang kanyang tanong.

Samantala, ngumiti si Finn kay Nicolas at agad ding tumugon, “Paumanhin kung nakaligtaan kong ipaalam ang tungkol sa bagay na iyan.”

Naging interesado rin ang iba pang panauhin sa totoong balak ni Finn sa iba pang nasa loob ng Myriad World Mirror bukod sa miyembro ng New Order. Isa itong magandang tanong dahil unang-una may kaugnayan ito sa sikreto ng binata, at mapanganib kung malalaman ito ng iba.

“Nakapagdesisyon na ako tungkol sa bagay na iyan,” seryosong sabi ni Finn na muling nakakuha sa atensyon ng mga panauhin. “Pagkatapos mangalap ng mga miyembrong karapat-dapat at nais sumali sa New Order, ang mga hindi sumali, maliban sa buong Craftsman Alliance na malayang pumili kung gusto nilang manatili o hindi ay ihahanap ko ng bagong lugar na maaari nilang pamalagian ng permanente.”

“Hindi sila maaaring manatili sa mundo ko. Kakailanganin nilang lumabas at manirahan sa totoong mundo. Isa pa, sa oras na may mangyari sa aking masama, madadamay ang mga nasa loob ng Myriad World Mirror. Ayokong makulong sila rito ng mahabang panahon lalo na't hindi sila miyembro ng New Order,” ani Finn.

Nakaramdam ng pag-aalala si Creed, Olivia at iba pang malalapit kay Finn dahil sa mga sinabi nito. Napaisip sila, at alam nila kung ano ang ibig sabihin ng binata noong sinabi nitong maaaring may mangyari sa kanyang masama.

“Finn, anak, ano bang sinasabi mo riyan? Walang mangyayari sa iyong masama,” nakasimangot na sabi ni Creed dahil malinaw na hindi siya natutuwa sa sinabi ni Finn.

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon