Chapter XX: Leveling Up
Kung napagdesisyunan ni Finn na manatili muna sa kontinente na kinaroroonan ng mga kayamanan para magpataas ng antas, sina Eon, Poll, Migassa at Firuzeh ay pinili rin na manatili roon upang siya ay panoorin sa kanyang pagsasanay. Gusto nilang masaksihan ang sinasabing mabilisang pag-absorb ng binata sa natural na enerhiya ng isang kayamanan. Nais nilang malaman kung gaano ito kahanga-hanga, at gusto nilang suriin kung totoo nga bang walang nangyayaring paghuna sa pundasyon ng binata kahit pa mag-absorb ito ng napakaraming natural na enerhiya.
Kasalukuyan pa ring nangongolekta si Finn ng mga matataas na uri ng soul fruit. Tinutulungan siyang mangolekta nina Eon at Poll, at ilang bunton na ang kanilang nakolekta subalit hindi pa rin makikitaan si Finn ng paghinto.
Samu't saring soul fruit ang kanilang kinokolekta, at kung may pare-pareho man itong mga katangian, iyon ay epektibo ang mga soul fruit na ito para sa mga Chaos Rank at Heavenly Chaos Rank.
“Kahit mayroon siyang natatanging kakayahan na i-absorb ang napakaraming natural na enerhiya nang walang tinatamong masamang epekto ang kanyang soulforce coil, napansin ko rin na ang kanyang inaabsorb na enerhiya para tumaas ang kanyang antas ay higit na mas marami kumpara sa iba. Sa aking tantya, higit pa sa doble ang kailangan niya kumpara sa kagaya natin. Gayunman, masasabi kong isa itong magandang pangyayari dahil sa sobrang tatag ng kanyang pundasyon, kayang-kaya niyang makipaglaban sa nilalang na mas mataas ang antas sa kanya ng ilang beses. Mas marami siyang reserbang soulforce kaya matagal siya maubusan ng enerhiya, bukod pa roon mayroon pa siyang Celestial Wrath na magagamit niya bilang huling alas niya,” mahabang paglalahad ni Firuzeh habang pinanonood niya si Finn habang kinakalkal nito ang mga nagkalat na kayamanan.
“Hindi ba't parang sobrang bait mo sa kanya? Halos isubo mo na ang lahat ng impormasyong siya dapat ang nangangalap habang siya ay naglalakbay,” sabi ni Migassa.
“Karapatan niya iyong malaman, at isa pa, karapat-dapat lang na maging mabait ako sa kanya dahil mabuti siyang adventurer. Mabuti siya sa akin, sa iyo at sa lahat ng mga naririto sa kanyang mundo,” tugon ni Firuzeh at bahagya siyang ngumiti.
Bumaling si si Migassa kay Firuzeh. Nahihiwagaan niyang tiningnan ito at malumanay na nagsalita, “Kung si Munting Black iyon, hindi niya basta-basta ibibigay ang mga impormasyong iyon. Sigurado akong hahamakin niya pa si Finn, at sasabihin na siya mismo ang tumuklas sa mga impormasyong iyon.”
“Subalit, hindi ako si Grogen. Kailangan mong intindihin iyon, bata,” sabi ni Firuzeh.
Tila nainis si Migassa sa pagtawag sa kanya ni Firuzeh na “bata”. Suminghal siya, at naiinis na tumugon, “Hindi ako bata! Para malaman mo, libo-libong taon na ang edad ko!”
“Pero sa harap ko, isa ka pa ring bata. Kahit ang iyong ama, ang Moon-eater Beast ay tatawagin kong bata dahil noong kapanahunan ko, isa pa lamang siyang ignorante at mapusok na bata,” tila ba mas lalo pang nang-iinis na kontra ni Firuzeh. “Isa pa, ang nais kong iparating sa iyo ay magkaiba kami ng paraan ni Grogen para hubugin si Finn. Hindi mo kailangang maging malupit sa kanya, mas mabuti kung pinupuno mo na siya ng impormasyon ngayon pa lang para hindi siya mabigla sa mga impormasyon sa oras na nasa divine realm na siya.”
“Hindi mo ba nakikita na siya lang ang natatanging may kakayahan na puksain ang mga diyablo? Kung hindi natin siya tutulungan na lumakas, sino ang tutulong sa kanya? Hindi naman puwedeng sarili niya lang ang asahan niya. Kailangan niya ring dumepende sa iba lalo na sa ibang mga bagay. Kailangan niya rin ang tulong ng iba, natin,” paglalahad ni Firuzeh.
Sumimangot si Migassa at nagkomento, “Hmph! Tinanong lang kita ng simpleng tanong pero ang dami mo nang nasabi.”
Bahagyang tumawa si Firuzeh habang umiiling-iling pa. Hindi na siya muling nagsalita. Pinanood niya na lang sina Finn, Eon at Poll habang naghahanap ang mga ito ng mga soul fruit para sa pagpapataas ng antas ni Finn.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...