Chapter LII

4.3K 1K 66
                                    

Chapter LII: Thrashing

Mas tumindi pa ang tensyon dahil sa pagbabanta ni Finn. Mayroon pang ilang kawal na dumating mula sa iba't ibang direksyon. Sila ang mga kawal na nagbabantay sa ibang bahagi ng barrier, at nang maramdaman nila na nagkakaroon ng tensyon sa bahaging ito ng kanilang teritoryo, agad silang sumaklolo. Samantala, hindi nagpatinag si Neri sa banta ni Finn, sa halip, inilabas niya ang dalawa niyang espada at umayos siya ng postura. Inilabas na rin ng mga kawal ang kani-kanilang sandata, at nakiramdam sila sa maaaring mangyari.

Hinigpitan ni Neri ang pagkakahawak niya sa kanyang mga espada. Tumindi ang aura na inilalabas ng kanyang katawan at ilang sandali pa, mariin siyang nagsalita, “Sugod! Huwag n'yo siyang hahayaan na makalapit sa barrier!”

Agad na kumilos si Neri at ang mga kawal patungo kay Finn. Para bang bumagal ang bawat sandali habang si Finn ay huminto na sa paghakbang.

“Kung gano'n, pinili n'yo ang karahasan,” marahang sabi ni Finn habang sinusulyapan niya ang mga kawal na pasugod sa kanya.

Inatake siya ng mga kawal mula sa iba't ibang direksyon. Balewala niyang naiilagan ang mga atake at sandata ng mga ito. Walang makadampi sa kanyang katawan na kahit anong atake. Napakabilis ng kanyang paggalaw, at hindi masundan ng mga kawal ang kanyang mga pag-ilag.

Sumeryoso ang ekspresyon ni Finn at marahan siyang nagsalita habang patuloy pa rin sa pag-iwas, “Hanga ako sa inyong tapang at katapatan, pero hindi mababago noon ang aking desisyon. Kung gusto n'yo ng sakit ng katawan, pagbibigyan ko kayo sa inyong kagustuhan.”

Walang anomang atake ang makatama sa kanya kahit napakarami ng mga kawal. Sinusugod siya ng mga ito at binabato ng mga atake, subalit sa halip na siya ang matamaan, ang tinatamaan pa ng ilan sa mga ito ay ang kanilang kasamahan. Naging magulo ang paligid, gumamit na ng kapangyarihan sina Neri, subalit wala pa rin silang magawa para matamaan si Finn. Ginagamit na nila ang ikalawang antas ng kanilanh foundation ngunit hindi sila makasabay sa bilis nito.

Parami nang parami ang bumabagsak at tumitilapon sa kanila. Hindi pa rin umaatake si Finn, bagkus aksidente silang nagkakatamaan kaya ang iba ay napupuruhan. Ngayon, sa kanilang isip, naniniwala na sila na si Finn ay napakalakas dahil sa bilis nitong ipinapamalas kahit hindi pa ito gumagamit ng kahit anong kapangyarihan.

Nagagamit na ni Finn ang kanyang natutunan sa pagsasanay. Sa simpleng paggalaw niya, naiiwasan niya ang mga atakeng ibinabato sa kanya.

“Umatras kayo!” Makaraan ang ilang saglit, umatras si bigla si Neri matapos niyang sumigaw.

Sinunod ng mga kawal ang kanyang utos, at sa isang iglap, kumilos ang kanyang mga kamay at daliri. Mayroong namuong symbolo sa paanan ni Finn. Naipon dito ang marahas na enerhiya, at makaraan ang ilang sandali, umangat ang isang nakakapasong apoy mula sa lupa.

Hindi nakita nina Neri na umalis si Finn sa kanyang puwesto kaya sigurado sila na natamaan nila ito. Bumakas ang ngisi sa mukha ng mga naroroon dahil akala nila ay masyadong nagpakampante ang binata kaya ngayon ito ay siguradong napuruhan.

“Napakabagal. Kung gusto n'yo akong matamaan, gawin n'yo iyon nang mas mabilis,” pag-alingawngaw ng tinig ni Finn.

Napabaling si Neri at ang mga kawal sa taas kung saan nila naririnig ang tinig. Napaawang ang bibig ng ilan sa kanila dahil hindi sila makapaniwala na napunta roon si Finn ganoong hindi nila ito nakita na kumilos matapos pakawalan ni Neri ang kanyang atake.

“Masyado n'yong sinasayang ang panahon ko. Ngayon, ako naman ang aatake,” ani Finn habang dahan-dahan siyang bumababa mula sa himpapawid.

Naghanda ang mga kawal. May ilan sa kanila na nagngitngit ang mga ngipin, may ilan na pinagpawisan dahil alam nila na maaaring iyon na ang kanilang magiging katapusan. Subalit, wala sa kanila ang umatras para tumakas. Matibay ang paninindigan nila, at handa silang mamatay para sa Ancient Phoenix Shrine.

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon