Chapter XV

5K 1K 86
                                    

Chapter XV: Friends

Lumipas ang mga araw at gabi sa Myriad World Mirror. Ipinagpatuloy ng pamilya ni Finn ang paggawa ng hindi makalilimutang mga alaala nang magkakasama. Sama-sama nilang nilibot ang teritoryo ng Craftsman Alliance, nakipagbatian sa mga miyembro at pamunuan, pinanood ang aktibidad sa alyansa kagaya ng pagbuo ng mga formation, inscription at armament. Bukod pa roon, kinuha rin ni Finn ang pagkakataong iyon upang bigyan ng mga mahahalagang kaalaman ang mga miyembro ng Craftsman Alliance. Tinuruan niya ang mga ito habang sina Creed, Olivia, Meiyin, Yuros, Altair, Eon at Poll ay nanonood lang sa mga ginagawa niya.

Sama-sama rin silang kumakain habang nagkukuwentuhan tungkol sa naging karanasan nila sa buong araw. Lahat sila ay masaya at nagtatawanan--maging si Eon na madalas tahimik ay nagbabahagi na rin ng kuwento habang nagmamalaki.

Napailing na lang si Finn habang nagkukuwento si Eon habang sina Creed at Olivia ay hindi alam kung ano ang kanilang magiging reaksyon. Sina Meiyin at Poll ay halatang naiinis, at tungkol kina Altair at Yuros, nakikitawa na lang sila.

Natapos ang paghahapunan nina Finn. Nakapag-imis na ng pinagkainan sina Creed at Olivia. Nakabalik na rin sila, at natahimik ang lahat dahil nabanggit ni Yuros na ito na ang kanilang huling gabi sa loob ng Myriad Word Mirror.

Babalik na silang dalawa ni Altair sa totoong mundo upang gawin ang pagsasanay na inihanda ni Auberon para sa kanilang dalawa. Magiging abala na rin si Finn sa sarili niyang pagsasanay na isasagawa kaya mas lalong nalungkot sina Creed, Olivia at Meiyin.

“Hindi naman ibig sabihin noon ay hindi na muli tayo magkikita, 'di ba, ama, ina, Meiyin? Kailangan lang namin ni Tiyo Altair ang pagsasanay na ito dahil napag-iiwanan na kami ng ibang miyembro ng Order of the Holy Light. Masyado kaming naging abala sa mga misyon nitong nakaraang mga taon kaya maging ang aming sariling pagsasanay ay hindi na namin napagtutuunan ng pansin,” paliwanag ni Yuros. Bumaling siya kay Finn at sinabing, “Isa pa, hangga't nasa Holy Light Realm si Finn, magkikita-kita pa rin tayo. Makapagsasama ulit tayo, subalit sa ngayon, mayroon na tayong sariling mga responsibilidad.”

Nang marinig nina Creed at Olivia ang mga salitang binitawan ni Yuros, nabigla sila at napatulala. Nagkatinginan silang dalawa at bahagyang ngumiti sa isa't isa. Pareho lang sila ngayon ng iniisip; lumaking responsable ang kanilang anak na si Yuros. Sobra ang pasasalamat nila dahil ito ang katangian na kinamulatan ni Yuros sa pangangalaga ni Auberon, kahit na muli silang magkakahiwa-hiwalay, lagay na silang mag-asawa na nasa mabuting landas sina Altair at Yuros.

“Tama si Yuros kaya huwag na kayong malungkot at madismaya. Bakit hindi na lang natin puntahan ang teritoryo ng New Order? Tingnan natin kung ano na ang nangyayari sa kanila,” suhestyon ni Finn.

Nagtanguhan sina Creed, Yuros at Altair. Interesado rin silang malaman kung kumusta na ang pagtatayo ng teritoryo ng New Order. Agad silang nagkasundo na magtungo sa kinaroroonan ng mga miyembro ng New Order, pero noong tatayo na sila, napabaling sila sa direksyon ng pintuan palabas ng bahay dahil nakarinig sila ng mga katok.

Narinig din nila ang mahina ngunit gigil na pagtatalo sa labas ng bahay. Tumayo si Creed upang magtungo sa pintuan para tingnan kung sino ang kanilang mga bisita, pero nagboluntaryo si Finn na siya na lang ang magbubukas ng pinto dahil kanina lang, habang pinakikiramdaman niya ang presensya ng mga nasa paligid nila, nakaramdam siya ng mga pamilyar na presensya.

Ilang taon na rin, subalit hindi niya makalilimutan ang presensya ng mga adventurer na una niyang naging kaibigan at nakasama sa paglalakbay at pakikipagsapalaran.

Nang marating ni Finn ang pintuan, binuksan niya ang pinto, at napanganga siya nang makita niyang halos magkabuhol-buhol na sina Isake, Leo, Lore, Ezekias, at ng isa pang binatang may ginintuang buhok at pulang mala-leong pares ng mga mata.

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon