Chapter XXXI: Next Level Training
Pagkatapos sandaling pagmasdan ang malamig na bangkay nina Enox at Riyum, itinuon ni Poll ang kanyang tingin sa dalawang kaluluwa na nasa loob ng dalawang sisidlan. Ito ang mga kaluluwa nina Enox at Riyum. Kinuha ni Eon ang kaluluwa ng dalawa kasabay ang mga bangkay gamit ang isang kagamitan na maihahalintulad sa ginagamit ng mga miyembro ng Soul-eater Alliance para mangolekta ng kaluluwa.
Pagkatapos ng ilang sandali, huminga ng malalim si Poll at sinabing, "Ang espasyo rito ay hindi sapat para sa ritwal. Dalhin natin sa labas ang mga ataul at sisidlan ng kaluluwa. Ikaw sa mga ataul, ako sa mga sisidlan."
Napakunot ang noo ni Eon. Tiningnan niya si Poll, pero tiningnan lang din siya nito. Suminghal si Eon at tumugon, "Hmph! Susundin ko lang ang mga utos mo para matapos mo ang ritwal. Huwag mong isipin na mauutusan mo pa ako pagkatapos nito."
Hindi na tinugunan ni Poll ang naiinis na si Eon. Lumapit siya sa mga sisidlan ng kaluluwa nina Riyum at Enox. Maingat na binuhat niya ang mga ito sa magkabila niyang braso habang si Eon ay kumilos na rin at binitbit ang mga ataul. Magkatulong nilang inilabas ang dalawang ataul at dalawang sisidlan ng kaluluwa nina Riyum at Enox. Dinala nila ito sa patag na lugar upang ihanda ang ritwal para muling buhayin ang dalawa sa pamamagitan ng Body and Soul Pill.
Maingat na ibinaba nina Eon at Poll ang kani-kanilang bitbit. Taimtim na pinagmasdan ni Poll ang paligid, nananatili pa rin siyang nag-aalinlangan dahil sa totoo lang, hindi siya isang daang porsyento na magtatagumpay siya.
Ganoon man, napag-aralan niya na ang lahat ng kanyang dapat pag-aralan para sa ritwal. Handa na ang kanyang kaalaman, at wala ring pagkakaiba kung gagawin niya ito ngayon o sa hinaharap.
"Kailangan mo munang magnilay-nilay para alisin ang lahat ng bumabagabag sa isip ko. Ilang minuto lang ang kailangan ko, at makapagsisimula na ako," sabi ni Poll at umupo siya sa makapal damuhan.
Umupo si Eon sa pagitan ng dalawang ataul at sinabing, "Gawin mo ang gusto mo basta tandaan mong hindi ka maaaring pumalpak."
"Alam ko," maikling tugon ni Poll at sinimulan niya na ang kanyang pagninilay-nilay.
--
Napaupo si Finn matapos niyang matagumpay na maakyat ang tuktok ng bundok. Naghahabol siya ng hininga, pero kumpara sa ikalawa niyang subok, ang kanyang kalagayan ngayon ay hamak na mas maayos. Pagod lang siya, subalit hindi siya sobrang pagod na umabot sa puntong hindi na siya makapagsalita.
Ito na ang ikatlo niyang subok, at nananabik siyang malaman kung ano ang naging resulta ng kanyang pagsasanay. Bumaling siya kay Aemir, at nahagip ng kanyang mga mata ang orasa na kasalukuyang bumabagsak pa rin ang buhangin.
"Apat at kalahating oras. Nalampasan mo ang sarili mong napagtagumpayan, at mas mabilis kang nagtagumpay ngayon ng halos isa't kalahating oras," sabi ni Aemir at bumaling siya kay Finn, "Sa nakikita ko, hindi pa rin nila kayang magtagumpay sa kanilang ikaapat na subok. Gusto mo pa rin bang magpatuloy?"
Nang marinig ni Finn ang tungkol sa kanyang resulta, nagliwanag ang ekspresyon niya. Bakas ang tuwa sa kanya mukha, at agad siyang tumango kay Aemir bilang tugon.
"Gusto ko pa! Alam kong mahihigitan ko pa ang apat at kalahating oras," sabi ni Finn.
Binigyan na lang ni Aemir ng sandaling tingin si Finn bago siya muling bumaling sa baba. Pa-sikreto siyang napangiti. Hindi niya mapigilan na humanga sa walang kapantay na determinasyon ng binata. Noon, hindi siya ganito ka-determinado na maging malakas. Hindi rin siya sumubok pa matapos niyang bahagyang magtagumpay na maabot ang tuktok sa loob ng anim na oras.
Pero si Finn, gusto pa niya na mahigitin ang sarili niyang tagumpay. Gusto pa niyang pagyamanin ang bawat pagkakataon na mayroon siya.
Hindi agad umalis si Finn sa kanyang kinauupuan kahit na kaya niyang tumayo. Mapapansin sa kanyang mukha na nag-iisip siya, at hindi kalaunan, inihayag niya na ang kanyang nais sabihin.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...