Chapter XXI

4.8K 1K 93
                                    

Chapter XXI: New Ability

Dalawang buong araw na ang lumipas mula nang magsimula si Finn na magpataas ng antas at ranggo. Kasalukuyan pa rin siyang nasa 9th Level Chaos Rank, pero sa pagkakataong ito ay mararamdaman sa enerhiya na dumadaloy sa kanyang katawan na nagkakaroon na ng senyales ng pagbabago. Malapit niya nang maabot ang Heavenly Chaos Rank, malapit na malapit na.

Kasalukuyang pumapalibot sa kanya ang malakas na aura na nagiging dahilan ng pagkalat ng malakas na puwersa. Nagulo ang pagkapatas ng mga soul fruit sa kanyang harapan, nagbagsakan ang mga ito at ang iba ay nagpagulong-gulong sa damuhan.

Ang tensyon sa paligid ay tumataas. Sina Eon, Poll, Migassa at Firuzeh ay tutok na tutok sa kasalukuyang nangyayari sa katawan ni Finn. Kailangan ng binata ng sapat na oras para tuluyan niya nang maabot ang Heavenly Chaos Rank. Nasa pinakamahina niyang kondisyon siya ngayon, at kung sakaling may mangyaring hindi inaasahan, mapapahamak ang kanyang buhay dahil hindi siya protektado habang sinusubukan niyang maabot ang kasunod na ranggo.

Alerto si Eon para protektahan si Finn. Kahit na pinagkakatiwalaan ng kanyang master ang bawat isa sa kanyang mga kasama, hindi pa rin siya magpapakampante. Para sa kanya, si Poll lang ang maaaring hindi na kailangan pang bantayan. Nakasama niya na ito nang matagal, at nakikita niya kung gaano pahalagahan ni Poll si Finn.

Tungkol kina Migassa at Firuzeh, alam ng mga ito kung ano ang kahalagahan ng mga kayamanang nasa paligid. Alam ng dalawang ito kung ano ang sinisimbolo ng limang divine artifacts, at kung ang isang divine artifact ay nagiging sanhi ng digmaan, ano pa kaya ang limang divine artifacts?

‘Kailangan ko silang bantayan. Hindi ko masasabi kung ano ang iniisip nila. Kahit na wala akong laban sa kahit sino sa dalawang ito, lalaban pa rin ako kahit buhay ko pa ang maging kapalit maprotektahan ko lang si Master,’ sa isip ni Eon habang pasimpleng sinusulyapan sina Firuzeh at Migassa.

Mas lalong tumindi ang inilalabas na aura ng katawan ni Finn. Napalibutan ang kanyang katawan ng mapangwasak na enerhiya, at pataas nang pataas ang aura niya habang lumilipas ang mga segundo.

Makaraan ang halos isang oras na paghihintay, naramdaman nina Eon na naiipon ang mayamang enerhiya sa katawan ni Finn. Ito na ang senyales na kanilang pinakahihintay. Kaunti na lang at maaabot na ni Finn ang Heavenly Chaos Rank.

At ilang saglit pa ang lumipas, napamulat si Finn nang maramdaman niya ang tuluyang pagtaas ng kanyang ranggo patungo sa Heavenly Chaos Rank. Naging magaan ang kanyang pakiramdam, ang laking pagbabago ang kanyang nararamdaman ngayon. Binukas-sara niya ang kanyang palad, at para bang nararamdaman niya na nag-uumapaw siya sa kapangyarihan.

Mas lalo pang luminaw ang kanyang kaisipan, at mas lumakas pa ang kanyang koneksyon sa paligid. Mas madali na para sa kanya ang pakikipag-ugnayan sa kapaligiran. Hindi na siya mamomroblema sa pag-absorb ng mabilis sa natural na enerhiya sa paligid.

Agad na lumapit sina Poll at Eon. Sinuri nila nang sabay ang kabuoan ni Finn. Bakas ang galak at pananabik sa kanilang mga mukha habang pinakikiramdaman pagtaas ng ranggo ng binata.

“Sa wakas ay naabot mo na ang Heavenly Chaos Rank, Guro! Mas mahina ang kalidad ng aura, pero kaparehong-kapareho ng tinataglay na aura ni Alisaia Seranim!” Nananabik na sabi ni Poll.

“Iyon ay dahil mas mataas ang antas niya sa akin,” tugon ni Finn.

Naging taimtim ang kanyang ekspresyon. Tama si Poll, mas mahina pa siya kay Alisaia, subalit hindi siya pinanghihinaan ng loob. Masaya siya dahil sa loob ng maikling panahon, nagawa niyang maabot ang 1st Level Heavenly Chaos Rank mula sa pagiging 7th Level Chaos Rank. Sapat na iyon dahil ang mahalaga para sa kanya ay tumaas ang kanyang antas at nagtataglay na siya ng panibagong lakas.

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon