Chapter XLIV: One versus Five, Again
Pinalibutan nina Finn si Aemir habang si Porion at ang limang Light Guard ay nasa sulok lamang para panoorin ang mga mangyayari. Ito na ang huling pagsasanay ng lima kaya siyempre, sabik na sabik na silang masaksihan kung magagawa nilang magtagumpay. Mayroon lamang isang subok sina Finn, at kapag hindi nila nagawa ang gustong mangyari ni Aemir, magtatapos pa rin ang kabuoan ng pagsasanay. Ang huling pagsasanay na ito ay para lamang subukin ang pagbabago sa kanilang lima ngayon kaya magtagumpay man sila o hindi ay wala pa ring magbabago, makokompleto pa rin nila ang kanilang pagsasanay.
Pinapalibutan lang ng lima si Aemir. Hindi pa sila sumusugod dahil sa kasalukuyan, ipinapaliwanag pa ni Aemir kung ano ang magiging patakaran ng huling pagsasanay.
“Kayong lima ay maaari akong atakihin sa paraan na gusto n'yo. Hindi ako gagamit ng enerhiya o ng kahit anong kakayahan. Pisikal na lakas lamang ang aking gagamitin habang kayo, maaari kayong gumamit ng kapangyarihan, armas o ng kahit anong alas ninyo para labanan ako,” pahayag ni Aemir. Inilahad niya ang kanyang kamay at nagpatuloy, “Isa lang ang kailangan ninyong gawin, iyon ay mapabagsak ako. Simple lang iyon, hindi ba?”
Napangiwi na lang sina Finn habang nakatingin kay Aemir. Alam nilang hindi magiging madali iyon dahil si Aemir ay isang Heavenly Supreme Rank, isang napakalakas na Heavenly Supreme Rank.
“Madali lang iyong sabihin. Siguradong ang iyong pisikal na depensa ay hindi namin basta-basta mababasag. Nagtataglay ka pa rin ng katawan ng isang Heavenly Supreme Rank, at nabigyan ng sustansya ng iyong enerhiya ang iyong mga kalamnan,” nakangiwing sabi ni Finn. “Ganoon man... hindi masamang sumubok.”
Pumadyak siya sa lupa at mabilis na sumugod patungo kay Aemir. Umuna na siyang sumugod habang sina Yuros, Whang, Yasuke at Altair ay nanatili sa kanilang puwesto. Inintay muna nila kung ano ang gagawin ni Finn, gusto nilang masaksihan kung paano ito makikipagpalitan ng atake kay Aemir.
Hindi kaagad inilabas ni Finn ang kanyang kapangyarihan. Gusto niya munang subukan ang kanyang pisikal na lakas kung kakayanin niya ba si Aemir.
Mabilis niyang narating ang kinaroroonan ni Aemir. Nakita niyang hindi man lamang ito natinag sa kanyang pagsugod. Nananatili pa rin itong nakatayo habang seryosong nakatingin sa kanyang mga mata.
Nang makita niya ang mga matang ito ni Aemir, agad siyang huminto sa pagsugod. Pinreno niya ang kanyang mga paa, at umatras siya ng ilang metro.
Mabilis na nasundan ni Aemir ang kanyang atake. Hindi man lamang ito nakaramdam ng pagkabahala noong sumugod siya, ibig sabihin, walang kuwenta ang kanyang planong pag-atake. Hindi siya uubra kay Aemir kung hindi siya gagamit ng kapangyarihan, at wala siyang balak na magsayang ng lakas para makipagsukatan pa ng lakas at bilis dito.
Agad na binalutan ni Finn ang kanyang sarili ng asul na berdeng enerhiya. Mas tumingkad ang kulay pilak niyang buhok at pares ng ginintuang mga mata. Kung titingnan mas lalong naging kalmado ang hitsura ni Finn, at ilang saglit pa, matapos ang sandaling pagtitig sa mga mata ni Aemir, bigla na lamang naglaho ang kanyang pigura.
[Supreme Tempest Art's Unique Skill: Tempest!]
Sa isang iglap, mabilis na narating ni Finn ang harapan ni Aemir. Napakawalan niya na rin ang kanyang kamao at buong lakas na isinuntok ito kay Aemir.
BAM!
Maliban kay Porion, akala ng lahat ay direkta nang tatama kay Aemir ang kamao ni Finn, subalit sa isang iglap ay naiharang ni Aemir ang kanyang hintuturo. Napigilan niya ang kamao ni Finn sa pamamagitan lamang ng isang daliri, at hindi na nagulat doon ang binata sapagkat alam niya simula't simula pa lang na napakalakas ni Aemir kahit hindi pa ito gumamit ng kapangyarihan.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...