Chapter LV: Evenly Match
Hindi na tumugon pa si Finn. Tumindi ang tensyon sa pagitan nilang dalawa. Inilabas na rin ni Alisaia ang kanyang enerhiya, at nagkaroon ng mabilis na pagbabago sa kanyang anyo. Napalitan ang kanyang kasuotan. Nagkaroon ng animo'y ginintuang pakpak sa itaas ng kanyang tenga at lumitaw ang napakagandang pula na may kahel na bistidang baluti. Kapansin-pansin ang kanyang balingkinitang katawan at napakagandang kutis. Mayroon din siyang animo'y apoy na pakpak sa kanyang likuran, at sa kanyang pagbabagong anyo, natapatan niya ang inilalabas na aura ni Finn.
Nagtunggalian ang aura ng dalawa. Naggitgitan ang asul na berdeng enerhiya at maharlikang kahel na enerhiya. Lumakas ang ihip ng hangin at nagkakaroon ng mahinang pagyanig ang lupa habang sa kalangitan ay nagbabadya ang masamang panahon.
Pinaikot ni Finn sa kanyang mga kamay at braso ang sibat. Umayos siya ng porma at tumingin kay Alisaia. Umismid siya, at ito na ang hudyat ng kanyang pagsugod. Naglaho ang pigura ni Finn, ganoon din ang pigura ni Alisaia.
CLANG!!
Nagtagpo ang dalawa at kasalukuyang magkakrus ang kanilang mga sandata. Naggirian sila, at makalipas ang ilang sandali ay puwersahang itinulak ni Finn ang kanyang sibat upang mapaatras si Alisaia.
Nagtagumpay siya sa kanyang ginawa. Napaatras niya ng ilang hakbang si Alisaia kaya nagkaroon siya ng oportunidad upang magbitaw ng skill.
[Seven Spear Art, Second Skill: Destructive Piercing Spear!]
Isinaksak niya kay Alisaia ang sibat niyang nag-uumapaw sa mapaminsalang enerhiya. Sinubukan itong salagin ni Alisaia gamit ang isang defensive skill kung saan bumuo siya ng kalasag na nag-aapoy gamit ang kanyang kapangyarihan.
BANG!!
Umalingawngaw ang napakalakas na pagsabog matapos dumampi ang talim ng sibat sa kalasag ni Alisaia. Pareho silang tumilapon dahil sa lakas ng puwersa. Sabay silang bumulusok at nagpagulong-gulong sa lupa. Magkasunod nilang nagawa na makabawi. Ginamit nila ang kanilang sandata para pigilan ang kanilang paggulong, at noong ayos na ulit sila, bumwelo sila pareho at muling sinugod ang isa't isa.
Pinanood ng mga kawal at ng mga miyembro ng Feathers of the Phoenix ang nangyayaring pagpapalitan ng mga atake. Natahimik na lang sila habang nanonood. Hindi nila mapigilang mamangha sa tindi ng kapangyarihan at kakayahan na ipinamamalas ng dalawa. Pantay na pantay lamang ang kanilang laban. Walang nakalalamang, at nasasaksihan nila na pinatutunayan nina Finn at Alisaia ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga kaya nilang gawin.
Napakabilis ng pagkilos ng dalawa. Higit na mas bihasa si Alisaia sa paggamit ng kanyang espada, subalit nakalalamang si Finn sa bilis ng pagkilos. Mabilis ang reaksyon ni Finn sa mga pag-atake sa kanya ni Alisaia kaya nagagawa niyang makaiwas o magamit ang kanyang sibat upang gawing pananggalang.
Nagpakawala ang dalawa ng mga atake sa isa't isa nang walang pagpipigil. Ang lahat ng skill na naaangkop gamitin ay ginagamit na nila. Umiinit ang paligid dahil sa kapangyarihan ni Alisaia, pero agad ding lumalamig dahil sa kapangyarihang hangin at tubig ni Finn. Nasira ang ilan sa mga gusali dahil sa nagaganap na laban. Lumalayo ang mga kawal upang hindi sila madamay habang halatang-halata ni Finn na mayroong lugar na iniiwasan si Alisaia.
Pilit na inilalayo ni Alisaia si Finn sa puno na umaapoy. Balewala lang iyon kay Finn at hindi niya masyadong pinansin ang pagpapasunod sa kanya nito, bagkus sumusunod siya sa gusto nito dahil ang layunin niya ngayon ay ang mapatay si Alisaia.
CLANG! CLANG! CLANG!
Wala pa ring napupuruhan ng malala kina Finn at Alisaia. Maliliit na galos at sugat pa lang ang tinatamo ng dalawa na mabilis ding naghihilom dahil sa kakayahan ng kanilang kapangyarihan na pagalingin ang kanilang pinsala. Pareho pa rin silang nag-uumapaw sa kapangyarihan, at hindi sila makikitaan ng pagsuko o panghihina ng loob.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...