Chapter XLIX: Giving Orders
Gumuhit ang interes sa ekspresyon sa mukha ni Finn matapos niyang marinig ang mga sinabi ni Faino tungkol sa tinataglay niyang kapangyarihan. Naging interesado siya sapagkat ngayon lang siya nakarinig ng ganoong klase ng kapangyarihan. Kaya ni Faino na magtawag ng ibang guardian spirit, at higit sa lahat, may kakayahan din ito na gayahin ang kapangyarihan ng iba. Hindi niya mawari kung maniniwala ba siya o hindi sa sinasabi nito, ganoon man dahil nasanay na siya sa kahambugan ni Faino, mas pinili niyang hindi umasa.
Umismid si Faino at ngumisi. Binigyan niya ng mapang-asar na tingin si Finn at nagwika, “Ano ang tingin na iyan? Humahanga ka na ba sa akin? Napakagaling ko, hindi ba? Walang sinoman sa aming lahi ang makapapantay sa kapangyarihang taglay ko dahil ako ang pinakamalakas na guardian spirit.”
“Ngayon, dapat kang magsalamat sapagkat pinili kita at nakipagkontrata ako sa iyo,” pagyayabang niya pa.
Nginitian lang ni Finn ang sinabi ni Faino. Ayaw niya nang makipagtalo pa rito dahil walang patutunguhan kung magpapataasan pa sila ng sarili. Matagal silang magkakasama, at hindi malaking bagay sa kanya ang magpakumbaba lalo na kung siya ay magbebenepisyo.
“Hindi ako naniniwala nang basta-basta sa salita. Ipakita mo sa akin kung talagang kamangha-mangha ang kapangyarihan mo,” mahinahong sabi ni Finn.
Totoong interesado si Finn sa kapangyarihan ni Faino. Nasaksihan niya kung gaano kagaling ang kapangyarihan ni Norton na pagtatawag ng mga alagad, at kung totoo man ang sinasabi ni Faino, siguradong mas kamangha-mangha ito dahil hindi lang basta-basta alagad ang kayang tawagin nito.
Kaya nitong tumawag ng guardian spirit, ibig sabihin, isa pang mas malakas na kakampi.
Higit pa roon, ang kakayahan na gayahin ang kapangyarihan ng iba. Para sa kanya, ang ganoong kapangyarihan ay imposibleng umiral dahil masyado iyong makapangyarihan kung nagkataon. Maaaring gayahin ni Faino ang pambihirang kakayahan ng iba at mas palakasin pa ito para talunin ang kanilang mga kalaban.
Mas lalong naging hambog ang ekspresyon ni Faino. Tiningnan niya nang may panghahamak si Finn at sinabing, “Walang sinoman ang makapag-uutos sa akin. At hindi ko kailangang patunayan sa iyo kung ano ang kapangyarihan ko.”
Napakunot ang noo ni Finn, pero agad din siyang ngumiti at tumugon, “Kung gano'n, ang usapan na ito ay tapos na. Kung ayaw mong ipakita sa akin ang kapangyarihan mo, 'wag. Nais ko lang malaman kung totoo ang sinasabi mo upang magkaroon ako ng pang-unawa sa iyong kapangyarihan. Isa pa, huwag masyadong mataas ang tingin mo sa iyong sarili.”
“Kung ikaw ang pinakamalakas na guardian spirit, ibig bang sabihin ay mas malakas ka kaysa sa hari ng mga Guardian Spirit?” Tanong ni Finn at bahagya siyang umiling.
Hindi na hinintay ni Finn ang sasabihin ni Faino. Sapat na sa kanya na makita ang naiinis nitong reaksyon. Bigla na lamang siyang lumipad nang napakabilis habang sina Faino at Astra ay naiwang nakatanaw sa kanya.
Bumuntong-hininga si Astra at bahagyang umiling. “Sana lang sa hinaharap ay magkasundo kayong dalawa. Kung patuloy kayong magpapatigasan, mas maganda pa siguro kung ipawalang-bisa n'yo na lang ang ating kontrata,” dismayadong sabi niya.
Nagbukas siya ng lagusan, at pumasok siya roon upang bumalik na sa mundo ng mga guardian spirit. Iniwan niya si Faino na inis na inis pa rin, pero makaraan ang ilang saglit, nagbukas na rin siya ng sarili niyang lagusan. Nawalan na siya ng gana na sumunod nang sumunod kung saan papunta si Finn. Iniwan na rin siya ni Astra kaya wala nang dahilan para magtagal pa siya roon.
Tungkol kay Finn, alam niya nang bumalik na sina Faino at Astra sa mundo ng mga guardian spirit. Naramdaman niya ang pagbubukas ng lagusan ng dalawa, subalit hindi siya gumawa ng paraan para pigilan ang mga ito.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...