Chapter XXV: One versus Five
Nakahanap si Finn ng kanyang mapupuwestuhan. Malawak ang tuktok ng bundok kaya bawat isa sa kanila ay mayroong espasyo para magnilay-nilay. Hindi na nag-alinlangan pa si Finn, agad niyang sinunod ang utos ni Aemir na magnilay-nilay. Pinakiramdaman niya ang paligid, at pinaglaruan niya ang enerhiyang dumadaloy sa kanyang katawan. Tungkol kay Aemir, umupo na rin ito sa sahig at nagsagawa nang sarili nitong pagninilay-nilay.
Habang pinakikiramdaman ang paligid, napansin ni Finn na ang karamihan sa natural na enerhiya ay mayroong kaugnayan sa elemento ng yelo at niyebe. Ibig sabihin, ang mga adventurer na nagtataglay ng ganitong mga kapangyarihan ay mas mapapadali ang pag-absorb sa natural na enerhiya kung dito sila magsasanay. Hindi lang pangkaraniwang natural na enerhiya ang narito dahil ito ay mayroon nang elemento.
Tungkol kay Finn, kung magsasanay siya rito, mahihirapan siya sa pag-absorb ng natural na enerhiya dahil ang kailangan niyang i-absorb ay ang natural na enerhiyang walang elementong tinataglay. Hindi niya maaaring i-absorb ang natural na enerhiya na may elemento ng yelo at niyebe dahil wala siyang ganoong kapangyarihan.
Ganoon man, hindi iyon problema kay Finn dahil ang rason kung bakit sila pinagninilay-nilay ay para i-kondisyon sila sa mangyayaring pagsasanay. Wala rin siyang balak na mag-absorb ng natural na enerhiya sa paligid dahil maliit lang ang magiging epekto noon. Katataas lang ng kanyang antas at ranggo kaya balewala ngayon kung mag-a-absorb siya ng natural na enerhiya.
Sa ngayon, ang pinaka kailangan niya ay ang makontrol niya ang kanyang kapangyarihan. Kagaya noon, noong tumaas mula Heavenly Knight Rank patungong Heavenly King Rank ang kanyang antas, nahirapan siyang kontrolin ang kanyang kapangyarihan at enerhiya. Ganoon din ang nangyayari ngayon, subalit mas komplikado na ngayon dahil hindi na biro ang kalidad ng enerhiya na tinataglay niya.
Lumipas ang mga sandali. Nawalan na ng bakas si Finn sa oras. Itinuon niya lang ang kanyang konsentrasyon sa pagninilay-nilay. Ang kanyang kamalayan ay nasa loob ng kanyang soulfoce coil, nakaupo siya sa kalagitnaan ng mala-kalawakan niyang soulforce coil, at ang mga bituin ay nakapalibot sa kanya.
Tila ba tuluyan na siyang humiwalay sa makamundong mga bagay. Kalmado ang kanyang paghinga. Walang kalamnan na gumagalaw sa kanya, at ang tanging iniisip niya na lang ay ang tungkol sa pagpapakalma sa kanyang enerhiya.
Samantala, sa tuktok pa rin ng malaking bundok, dahil sa patuloy na pagninilay-nilay ng anim, nangibabaw sa kapaligiran ang nakabibinging katahimikan. Ang kalangitan ay mabilis na dumidilim, at sa pagsapit ng gabi, ang temperatura sa lugar ay mas bumaba. Umiihip na rin ang malakas na hangin, at ang mga hangin na ito ay nagtataglay ng hindi pangkaraniwang lamig.
Nakanginginig na ang lamig. Naramdaman iyon ng bawat isa sa limang sasalang sa pagsasanay habang si Aemir, nananatili siyang kalmado at hindi naaapektuhan ng sobrang pagbaba ng temperatura.
Hindi na magawa nina Finn na maituon ang kanilang konsentrasyon sa pagninilay-nilay. Nagulo na ang kanilang pagkokondisyon sa kanilang sarili dahil sa paglamig ng paligid.
Huminga ng malalim si Finn. Naglabas ng malamig na hangin ang kanyang bibig. Namamanhid ang kanyang mga kamay kaya hindi niya na nakayanan at agad niyang iminulat ang kanyang mga mata at tumayo.
Tumingin siya sa paligid, at doon niya napagtanto na tanging sina Yasuke at Aemir na lang ang patuloy na nagninilay-nilay sa kabila ng napakalamig na temperatura. Ang kanyang kasuotan ay naninigas na parang yelo. Namamanhid na rin ang kanyang balat, at pilit niya itong binabalewala kahit na naaapektuhan na siya nito.
Nagtagal pa ang pagninilay-nilay nina Aemir at Yasuke habang sina Finn, Whang, Altair at Yuros ay naghihintay lang na matapos si Aemir sa pagninilay-nilay. Hindi na nila kayang magnilay-nilay pa, masyadong naaapektuhan ng temperatura ang kanilang konsentrasyon. Sobra silang nalalamigan kaya mas minabuti na lang nila na hintayin si Aemir para makapagsimula na sila sa pagsasanay.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]
FantasySynopsis Pagkatapos ng malaking rebelasyon, sa wakas ay bumalik na ang dating Finn Doria. Nagagawa niya nang maging masaya at ngumiti muli. Nag-uumapaw na ulit sa determinasyon at buhay ang kanyang mga mata. Mayroon na siya ulit inspirasyon para ipa...