IKA-LIMAMPUNG KABANATA (Unang Bahagi)

508 25 4
                                    

IKA-LIMAMPUNG KABANATA (Unang Bahagi)




Napangiti si Cassandra habang pinagmamasdan ang natutulog na mukha ni Anna. Matapos ang hapunan, tumambay saglit ang dalaga sa sala. Nagulat na lamang siya nang tumabi ang nakababatang kapatid at inihiga ang ulo nito sa hita niya. No'ng una'y nagpapahaplos lang ito ng buhok habang may pinapanood sa cellphone, ngunit dahil na rin siguro sa pagod, mabilis itong nakatulog sa gano'ng posisyon.


Dahan-dahang kinuha ni Cassandra ang hawak nitong cellphone nang mapansin niyang dumudulas na 'yon sa kamay ng kapatid at saka nagpatuloy muli sa paghaplos sa buhok nito.


Saglit na napaikot ang mga mata ng dalaga sa loob ng tahanan. Walang maririnig ni katiting na ingay, ngunit nakakaramdam siya ng kapayapaan sa katahimikang iyon. Nakadama siya ng onting paninibago. Ibang-iba iyon sa katahimikang nagpapabigat sa kaniyang  sistema nitong mga nakaraang linggo.


Ngayon ay malayang nakakahinga na ang kaniyang utak at puso.


Mas lalong lumaki ang ngiti ni Cassandra nang maalala ang mga nangyari kaninang tanghali. Sa isang iglap ay tila nabura ang lahat ng bumabagabag sa isipan ng dalaga matapos malaman na dumalo pala ang ina't kapatid sa kaniyang graduation ceremony. Mas lalong sumidhi ang emosyon niya no'n nang malamang ang dahilan pala kung bakit hindi siya nasamahan papuntang unibersidad ng ina ay dahil alas singko palang ng umaga'y umalis na ito upang maghanap-buhay nang may maigastos sila pang handa sa gaganaping munting selebrasyon. Isinama nito si Anna bilang kaalalay upang matapos 'agad ang mga labadang kinuha.


Halos manlambot ang puso niya nang malaman iyon. Ngunit 'di rin niya naiwasang umalma sa ginawang iyon ng ina. Para sa kaniya ay 'di naman kailangan ng ina na gawin pa 'yon. Ang rason niya'y may naitatabi pa naman siyang pera na naipon niya mula sa scholarship, ngunit wala na siyang nasabi pa nang marinig ang sagot ni Aling Celeste: "Ipunin mo na lang 'yon. Mas kailangan n'yo 'yon ngayon."


Isa pang napag-alaman niya'y all this time, magkasabwat pala si Rose at Aling Celeste. K'wento ng kaibigan sa kaniya, sobrang natuwa ito nang magtext si Aling Celeste no'ng nakaraang araw at nagtatanong ng mga detalye sa darating na pagtatapos. Sa labis na galak ni Rose ay minabuti na lang niyang 'di banggitin iyon kay Cassandra upang maging supresa.


Sa lahat ng sikretong nalaman niya, ito lamang ang kinatuwaan niya.


At sa 'di malamang dahilan ay biglang sumulpot sa isipan niya ang alkalde. Ngayon niya lang ito muling naalala dahil masiyado siyang nalunod sa mga kaganapan kanina. Wala na siyang ideya kung ano pa ang mga sumunod na nangyari sa binata at sa modelo matapos ang mga huling tagpong namataan niya kanina.


'Di naiwasang manumbalik sa kaniya ang itsura ng binata habang nakahapit sa katabi nito.


Napabuntong-hininga siya. Ewan ko, pero mukhang masaya naman na siya kay Priscilla.


Nakaramdam ng inis ang dalaga nang maalala ang mga binanggit nito noon sa kaniya. Kung makapagsalita ito dati paniniwalaan mo talagang malaki ang galit nito sa dating kasintahan, pero ano ngayon? Kinain niya rin naman 'yung mga sinabi niya.

Alluring The Fire [Under Revision]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon