IKATATLUMPU'T WALONG KABANATA

1.7K 52 6
                                    

IKATATLUMPU'T WALONG KABANATA




From: Clarence

Don't worry about it, Cass. Nabayaran ko na 'yung ginastos don sa pagpapa-ayos ng phone ko :)



To: Clarence

Kelan pala tayo magkikita para mabayaran ko na yung part ko at saka magkano pala yung hatian?



From: Clarence

Saka na lang, Cass. Medyo busy din kasi ako ngayong week. Wag mo na muna alalahanin yung hatian. Saka na yon. Isa pa, pagtuunan mo na lang muna si Rose. I hope medyo maayos na siya ngayon. I really feel bad about what happened to her. Pati ikaw Cass, sana ayos ka lang. If u need someone to talk to, I'm always willing to listen.



To: Clarence

Salamat talaga, Clarence. At thank you din pala sa pagtulong mo samin na tanggalin yung ibang posters na nakapaskil kung saan saan nong araw na yon.



From: Clarence

Wala yon. I'm just helping. Napalapit na rin kayo sakin, tsaka pasalamat ko na din sa pag keep nyo sa phone ko nong nalimutan ko to. Anw sige. Usap na lang tayo mamaya. Magsisimula na class ko. Bye, Cass! Always take care :)



To: Clarence

Sige! Thank you ulit :)



"Hindi raw siya papasok." Malungkot na wika ni Reginaldo nang bumalik ito sa puwesto ni Cassandra. Napabuntong hininga ang dalaga at malungkot na napabaling ang mga mata sa malawak na field.



Halos dalawang araw na ang nakakalipas, at kapag hindi pa rin pumasok si Rose sa araw na ito, magiging pangatlong pagliban na niya ito sa klase. No'ng araw na 'yon, matapos nilang makasalubong si Clarence, tinulungan sila nito na alalayan si Rose at dinala nila ang umiiyak na dalaga sa field upang ilayo ito sa mga nagkukumpulang estudyante. Nagtaka pa no'n si Cassandra kung paano napadpad si Clarence sa kolehiyo nila at doon nito sinabi na kahit sa kolehiyo nila, nagkalat ang mga printed pictures ni Rose kasama si Austin. Sinabi rin ng binata na may litrato pa raw ang tatlong magkakaibigan na may kasamang caption na: "Kahati ni Rose sa mga nakukuha niyang pera mula kay Mr. Domingo". Namukhaan daw ni Clarence si Cassandra at nang mapagtanto nitong kaibigan ni Cassandra ang Rose na tinutukoy sa mga litratong karelasyon daw ni Austin Domingo, hindi na nagdalawang isip si Clarence na pagtatanggalin ang mga nakapaskil sa kolehiyo nila. No'ng araw na 'yon, may balak daw itong puntahan sina Cassandra upang ipaalam sana ang kumakalat na paninirang puri, ngunit 'di niya inaasahang magkakabangga sila ni Rose roon mismo.



Lumiban sila sa klase no'ng araw na 'yon at hinatid na lang nina Cassandra at Reginaldo si Rose pauwi, habang si Clarence naman ay dumiretso sa sunod na klase nito. Matapos ang araw na 'yon, kinabukasan, halos buong araw na hindi nagparamdam si Rose sa mga kaibigan nito. Hindi na rin naman siya ginulo muna ng dalawa dahil alam nina Cassandra na sobrang masama pa ang loob ni Rose, kaya kahit wala si Rose no'ng araw na 'yon, pumasok pa rin ang dalawa sa klase.



Nawala na ang mga naka paskil sa pisara nila, ngunit may iilan pa ring nakapaskil sa iba't-ibang parte ng Unibersidad. Humupa man nang kaonti ang mga chismisan tungkol sa nangyari, hindi pa rin nito napigilan si Loida sa pagpaparinig nito sa kanila. Umabot ng dalawang araw na hindi pumasok si Rose, kaya ngayong araw ay talagang tinawagan na ng magkaibigan ang dalaga upang kamustahin ito at tanungin kung papasok na. Alam nila ang naranasan ng kaibigan sa kamay ng mga mapanghusgang kapwa estudyante, ngunit hindi no'n maaalis ang katotohanan na mga estudyante sila, at kapag pinapatuloy ni Rose ang pagliban sa klase, baka mahirapan na itong makahabol, at kung sasamain pa ay baka 'di rin ito maka-graduate on time.



Alluring The Fire [Under Revision]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon