IKA-APATNAPU'T WALONG KABANATA (Unang Bahagi)

4.1K 169 474
                                    

IKA-APATNAPU'T WALONG KABANATA (Unang Bahagi)



Napakurap si Cassandra na sa kaniyang paggalaw ay isang makitid at mukhang walang katapusang sikat ng araw na nagmumula sa iisang butas sa bubong ng kaniyang silid ang tumama sa kaniyang mata. Hindi tuloy maiwasan ng dalaga ang mapahugot ng malalim na buntong hininga habang nakatulala sa itaas. Sa kabila ng tahimik na paligid sa looban --- na siyang para sa dalaga ay bibihira lamang mangyari, ay 'di maikakaila ni Cassandra na kabaligtaran ang nangyayari sa kaniyang isipan.


Masyadong magulo. Masyadong maingay. Pakiramdam niya'y naghahalo halo ang lahat ng boses at mga sitwasyon sa kaniyang isipan. Ni hindi na niya malaman kung kanino ang mga boses na 'yon. Ngunit sa kabila ng mga bagay na pilit pumipiga't nagpapasakit sa kaniyang ulo, iisa lamang ang nangingibabaw, at iyon ay ang mga positive na pregnancy test.


Matapos niyang makauwi mula sa bahay nina Rose kahapon, marahil sa balitang natanggap, kaya ganoon na lamang siya kapagod nang makarating sa kanilang tirahan. Mabilis siyang dumiretso ng kuwarto't nagkulong doon. Ni hindi na rin siya muling nakababa pa ulit upang maghapunan, sa kabila ng mga paulit-ulit na pagtawag ng kaniyang Ina sa kaniyang pangalan. Masyado siyang pagod — emosyonal, pisikal, at mental. Sa mga oras na 'yon, gusto na lang ng dalaga na pumutok na parang bula't 'di na bumalik pa sa reyalidad na nais niyang takasan ngayon. Matapos ang ilang minuto'y tumigil si Celeste sa pagtawag at doon nakahanap ng kapayapaan si Cassandra, na siyang onti-onting nagdala sa kaniya sa madilim at payapang paraiso, at iyon nga, natakasan niya ang reyalidad sa gabing iyon, ngunit bumalik siyang muli sa kasalukuyan nang imulat ang mga mata.


Napabuga ng hangin sa bunganga si Cassandra nang maramdaman ang pamilyar na pakiramdam sa kaniyang puson. Pakiramdam niya'y may nagbabadyang sumabog anumang oras kapag 'di pa siya bumangon mula sa kaniyang higaan.


Dahan dahang bumangon si Cassandra at nilisan ang kaniyang silid, ngunit bago iyon ay dinampot niya muna ang maliit na pouch kung saan nakalagay ang kaniyang mga kagamitan.


Tahimik na bumaba ng hagdanan si Cassandra, tila maingat sa bawat at hakbang at natatakot sa ideyang mabasag ang katahimikan ng kanilang tahanan at magising ang mga taong nananaginip pa sa mga oras na 'yon. Pakiramdam niya'y nakakasanay na ang ganoong routine niya araw-araw, at 'yon ang kaniyang pinoproblema ngayon.


Ngayong nalaman na niyang buntis siya, pakiramdam niya'y lalong bumigat ang kaniyang pakiramdam. Lalo siyang nakaramdam ng panghihina. Mas naging malala 'ata ang mga sintomas. Halos 'di na niya maintindihan ang sarili.


Dinampot ni Cassandra sa kaniyang daan patungong banyo ang nakasampay na tuwalya at saka maingat na sinarado ang pinto. Inilapag niya ang puch na dala at saka tiningnan ang sarili sa salamin. Pakiramdam niya'y masyadong halata ang pagiging maputla ng kaniyang balat. Natatakot na rin siya sa nagiging epekto ng pagbubuntis sa kaniyang katawan. Hindi niya alam kung kailan siya magiging handa sa pagsasabi ng bagay na 'yon sa kaniyang Ina o kung magiging handa pa ba siya. Gusto niyang humugot ng maraming oras upang makakuha ng lakas ng loob, ngunit sa kabila no'n, alam niyang 'di niya mapipigilan ang onti-onting paglobo ng bata sa kaniyang sinapupunan.


Matapos ang ilang diskusyon sa kaniyang isipan, napagdesisyunan ni Cassandra ang maligo na lang, ngunit nandoon pa rin sa kaniyang isipan ang mga sana. Sana kasing dali lang ng pagbuhos ng malamig na tubig sa katawan at ang pagkawala ng init na nararamdaman ang pagkawala ng mga iniisip niya ngayon. Para wala nang problema. Wala na. Tapos na.


Matapos magbanlaw, ay naupo si Cassandra sa inidoro, at mabilis na binuksan ang pouch na dala niya. Sa kabila ng ilang pregnancy test na nagpositibo kahapon, nakuha pa rin ng dalaga na bumili ng isa pa bago umuwi ng kanilang tirahan kagabi. Pakiramdam kasi ni Cassandra'y tila isang masamang panaginip lang ang lahat. Mahirap paniwalaan... O sadyang 'di niya lang matanggap.


Alluring The Fire [Under Revision]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon