Kabanata 50
Sagutin Mo Lang Ako
Pumasok na rin ako doon. Kahit may dalawang oras pa bago magsimula yung concert ay mahaba na ang pila sa labas. Marami ng tao at busyng busy na ang mga staff.
Nakita kong nakabukas ang pintuan ng room nina Wade. Umaapaw sa tao at may nakikita akong mga camera. Okay, saan ako pupulutin nito? Malamang panay na ang picture nila doon sa loob.
Biglang pumalakpak ang mga tao sa loob at naghiyawan. Ano naman kayang meron? Papasok ba ako? Papasok na sana ako nang may biglang kumalabit sakin.
Pumihit ako para tignan kung sino iyon. Nagulantang ako nang naaninaw ko ang mama at papa ni Wade kasama si Iverson na kapatid niya.
Ngumiti ang mama ni Wade sa akin at niyakap ako. Tumango naman ang papa ni Wade sakin habang yakap-yakap ako ng mama niya.
"Ang ganda mo na, hija." Bati ng mama ni Wade.
"P-Po?"
Hindi ko alam kung anong unang sasabihin ko sa kanya gayung huli kaming nagkita ay nung nagpunta ako sa Alegria. Agad kaming nagkahiwalay ni Wade noon. Hindi ko alam kung alam ba ng parents niya ang nangyari saming dalawa. At kung alam nila yung nangyari, nagalit ba sila sakin o ano?
"Nung nalaman ko kay Wade na bumalik ka na galing France, agad kong sinabi sa kanya na pabalikin ka sa Alegria. Hindi ko nga alam kung bakit natatagalan kayo sa pagbalik." Binigyan ako ng matamis na ngiti ng kanyang mama.
Maganda parin ang mama ni Wade at matipuno parin ang kanyang papa. Si Iverson naman ay lalong tumatangkad at umuusbong na rin lalo yung features ni Wade sa mukha niya. It's been four years, after all. Twenty-two years old na ako ngayon. Malapit na akong mag twenty-three kaya siguro ay nasa eighteen na itong si Son. Napatunganga ako sa ngiti ng mama ni Wade.
"Kelan kayo babalik?"
Namumutla na talaga ako dito sa kinatatayuan ko.
"Hindi ko po a-alam."
Kumunot ang noo niya, "Bakit naman? Naku! Ang sabi ni Wade pagkabalik mo, papakasalan ka na raw niya."
Muntik na akong nasamid sa kinatatayuan ko dahil sa sinabi ng kanyang mama.
"Oo. Kelan?"
Hindi pa nga iyon nag po-propose! Nanliligaw pa lang! Kinagat ko ang labi ko. Hindi ko alam kung sasabihin ko ba sa kanya yung mga iniisip ko o manahimik na lang.
"H-Hindi ko pa po alam..."
Napasulyap ako kay Iverson na nakatunganga sakin.
"Naku! Ang hina talaga ng isang iyon." Ngumisi siya at sinulyapan ang pintuan. "Pasok tayo sa loob?" Sabi ng mama ni Wade.
BINABASA MO ANG
Mapapansin Kaya (Alegria Boys #2) (Published under Pop Fiction, and MPress)
RomanceIlang beses ba nating tinanong ang sarili natin kung mapapansin ba tayo ng mga taong mahal natin? Ilang beses ka ba magtatanong sa buong buhay mo? At ano sa tingin mo ang magiging sagot? "Mapapansin kaya ako? Ang pag-ibig ko? Ang katauhan ko? Mapapa...