41.

318 29 15
                                    

CHAPTER FORTY-ONE

Bakit ba humantong dito ang lahat?

Naisip ko, kung sakali bang hindi ako nilapitan at inalok ni Lord Areling ng pagkakataon na matakasan ang aking eksekusyon, maaring hindi na ako humantong sa nakapadelikado at napaka-komplikadong sapot ng mga pangyayari dito sa kapital. O marahil, kung sakaling hindi ko nakilala ang prinsipe at prinsesa at itinuon ang buong atensyon ko sa Order of the Blood at sa Blood Trials, maaring hindi ganito kakomplikado ang lahat.

Nitong nakalipas lamang na linggo, ang isang tulad ko na dati ay nagsilbi lamang kay lord Kane bilang isang mersinaryo, ay nadakip sa isang politikal na labanan at tunggalian sa korona. 

Ang atas ni Lord Areling, ang kompetisyon ng Blood Trials, ang imbestigasyon ng prinsipe, ang mga sikreto ni prinsesa Yvana, ang banta ng rebelyon, paano ko nagawang pagsabayin ang mga ito? Hayan, sa sobrang pakikisawsaw ko sa mga bagay, naubusan ang aking katawan ng kakayahang pagalingin ang aking sarili. 

Nagsimulang maging magaan ang aking pakiramdam, na tila ba nawawala na ang bigat ng lahat na dulot ng kamunduan. Wala na ang sakit na idinudulot ng aking sugat, wala na ang---

"Adelaine."

Isang sigaw ang aking narinig. Hirap man, pilit kong imulat ang aking mabibigat na mga talukap. Sa maliit na siwang ng aking bahagyang nakabukas na mga mata, ang malabong mukha ng isang lalaki ang sumalubong sa akin. 

"Gumising ka, Adelaine!"

Muli, narinig ko ang tawag niya. Ang kanyang tono, mayroong halong pagkabahala. 

Natawa ako. Pagkabahala? Para sa akin? 

Marahil, ito na ang tinatawag nilang Abdulan, ang paraiso ng Diyosa. Nagawa ko ba? Nagawa ko bang takasan ang mga tanikalang nakagapos sa aking kalayaan?

Isang sampal ang biglang gumising sa akin. Naramdam ko ang pag-akyat ng dugo sa aking mukha. Biglaang bumukas ang aking mga mata. 

Ang kaninang malabong mukha, bahagyang luminaw. Ibinukas, isinara, at muling ibinukas ko ang aking mga mata. 

Si Taron, ang kanyang naga-alalang mukha. 

Ang kaninag reyalidad na halos makalimutan ko na ay muling nagsibalikan sa aking ulirat.

Sumimangot ako. 

"Ang tagal mo," ang bulong kong sabi. Nadinig ko ang pagkahapo sa'king sariling boses. 

"Pasalamat ka at bumalik ako," sagot ni Taron. Sinapo ng kanyang pasmadong kamay ang aking noo. "Mataas ang temperatura mo." Kung gayon, may sakit ako. Dala marahil ng aking sugat. Iyon siguro ang dahilan ng aking pagde-deliryo. 

"Heto," naramdaman kong hinawakan niya ang aking baba. "Uminom ka ng maraming alak. Masakit ang susunod na gagawin ko," dinig kong utos niya. Tumalima ako at hindi sumagot. Wala akong lakas upang makipagtalo o maging sarkastiko. Tulad ng sabi niya, uminom ako ng alak. Marami, halos maubos ko na ang laman ng bote.

 Ang sensasyon ng alak sa aking katawan ay tila ba ginising ako. Ang kaninag naglakbay ko ng ulirat, sa ngayon, ay muling nagbalik sa kasaluyan. 

Mayroong hawak si Taron an isang makinang na pilak na bagay. Nang sinipat ko ito, napansin kong isa itong sinulid. Napailing ako. Alam ko ang gagawin niya. "Huminga ka nang malalim," utos niya. 

Daughter Of Dusk And DawnTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon