"PAANO mong makikilala ang sasalubong sa iyo?" tanong ni Dana sa pinsan habang lumalakad sila sa tarmac patungong arrival area ng NAIA.
"I think the man will be waving a placard with my name on it," sagot ni Cielo na sa pavement nakatingin. Dreading every minute na makatagpo ang lalaking ipinagkasundo rito. "Iyon ang sinabi ni Mama. But I hope he'd never come."
"Lucky you if he didn't. Anyway, wala pa akong nakikitang—hey, iyon na ba ang sasalubong sa iyo?" Itinuro ni Dana ang isang lalaking may hawak na maliit na placard na may nakasulat na pangalan ng pinsan. Nasa loob ng tarmac.
"P-pangalan ko yata ang ipinapakita niya... pero bakit nasa loob siya ng tarmac?"
"Come and let's meet your soon-to-be fiancé," Hinila niya ang kamay ng pinsan patungo sa lalaking may hawak ng placard. "Your future fiancé must really be something para sa mismong loob ng tarmac ka salubungin."
Isang tango lang ang isinagot ni Cielo. Nasa anyo nito ang resignation. Nagpaakay sa pinsan patungo sa lalaki, sa likuran nito ay ang nakaparadang Land Cruiser.
"Magandang umaga po," ang bati ng lalaki na nang malapitan ay natiyak ni Dana na driver. "Ako ho ang driver ni Mr. Fortalejo. Sino ho sa inyo si Miss Cielo?"
"A–ako si Cielo," mahinang pakilala ng dalaga sa accented na Tagalog. "Siya ang pinsang kong si Dana."
"Ikaw lang ba ang sumalubong?" tanong ni Dana, nasa tinig ang disappointment na hindi makikilala ang lalaking ipinagkasundo sa pinsan. "Hindi mo kasama si Mr. Leonard Fortalejo?"
"Kasama po, Ma'am," sagot ng driver. "Subalit nasa loob po siya ng building. May kausap ho kasi siya kanina at ako na lang ang pinaghintay niya..."
Nagkibit ng mga balikat si Dana at nilinga ang pinsan. "So, this is where we say our good-byes? Hindi ko pala makikita ang fiancé mo, eh. Sumakay ka na sa Land Cruiser..."
"W-what about my baggage?" kinakabahang tanong ni Cielo. Hindi gustong mahiwalay sa pinsan.
"Ako na po ang bahala roon, Ma'am," sagot ng driver. "Sumakay na po kayo at iiikot ko ang sasakyan sa harapang parking. Hintayin na po ninyo ako sa loob ng Land Cruiser habang kinukuha ko ang bagahe ninyo. Doon din lalabas si Sir Lenny." Binuksan nito ang pinto sa likod.
"'B-bye, Dana," ani Cielo sa nanginginig na tinig. "How can I see you again?"
"Alam mo ang lumang bahay ni Lola Isabel sa Binondo, 'di ba? Puntahan mo ako roon, magpahatid ka sa fiancé mo, okay?"
Tumango si Cielo na gusto nang maiyak. Mula sa oras na iyon ay bahala na itong makiharap sa lalaking mapapangasawa.
Isang kaway ang ginawa ni Dana nang makitang pumasok na sa sasakyan ang pinsan at pagkatapos ay nagtuloy na sa arrival area habang ang Land Cruiser naman ay umiikot. Napabuntong-hininga ang dalaga. Nagpapasalamat nang malaki na ang mga magulang ay hindi tulad nina Elvira at Rustico. Totoong mabait si Rustico. Subalit sumobra ang bait at wala nang magawa upang ipagtanggol ang anak sa manipulasyon ng asawa.
PALAYO na siya sa baggage area at palabas ng arrival building. Tuloy-tuloy na siya sa labas ng building at umaasang matanaw agad si Attorney Palomares. Habang itinutulak niya ang cart ay palinga-linga ang dalaga. Isang mabilis na pagliko ang ginawa niya at hindi sinasadyang nabunggo niya ng cart ang isang palabas na lalaki mula sa isang pribadong opisina ng PAL.
Kung hindi nakabalanse ay malamang na napabagsak niya ang lalaki na sa tantiya niya'y nagmamadali sa paglabas. At tiyak niyang nasaktan ito sa tama ng cart.
"I–I am s-so—" Hindi niya natapos ang sasabihin nang marahas na humarap ang lalaki sa kanya kasabay ng pagsinghal.
"Tumingin ka sa daan nang hindi ka makabunggo at makasakit!" Totoong nasaktan ito nang tumama sa may dulong binti nito ang unahan ng cart.
"Ikaw ang basta na lang sumulpot!" she snapped back. Ang binalak na paghingi ng paumanhin ay nabitin sa lalamunan sa ginawang bulyaw ng lalaki.
"Ako na ang nasaktan ay ako pa ang sinisi mo?" he snarled.
She opened her mouth to say something in retaliation. Subalit kung ano man ang sasabihin niya ay hindi na nagawang makalabas sa bibig. She was facing the most attractive man she'd met in her whole life. Ni hindi nakabawas sa atraksiyon nito ang galit na nakabalatay sa mukha.
"O, tumanga ka na riyan!" patuloy ng lalaki sa pagsinghal. Pagkuwan ay umiling at tinalikuran si Dana. "The world is full of morons..." bulong nito habang lumalakad.
"What!" bulalas niya nang maka-recover sa pagkamangha. Subalit paliko na ito sa may gilid ng building patungo sa parking lot. "Bastos!" pahabol niyang sigaw na ewan kung narinig nito.
Padaskol na itinulak ni Dana ang cart. Nagpupuyos ang loob sa inis sa lalaki. She had just met what she considered the most attractive man in the world... and the rudest, too!
Naniningkit ang mga mata niya sa inis. Kung bakit ba naman kasi napatanga siya nakakita lang ng guwapo? Ang dami namang guwapong nagkakandarapa sa kanya sa Amerika!
But he wasn't just an ordinary handsome man, protesta naman ng kabilang isip niya. There was something about him that she couldn't explain.
Pero inangilan siya ng lalaking iyon! At isiping sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay niya ay may nang-snub sa kanya. Bigla, sa pagkakaisip sa bagay na iyon ay unti-unting nagmaliw ang galit ng dalaga. Napangiti.
You can't win 'em all, Dana Isabella...
Inihinto niya ang cart sa dulo ng pavement at nagpalinga-linga. Hanggang sa makita niya ang isang middle-aged na lalaking may hawak na maliit na carton at itinataas sa mga nagdaraang tao. Ang naroon ay ang pangalan niya.
"Here, Attorney Palomares!" kaway niya sa lalaking tila init na init sa suot na long-sleeved barong.
BINABASA MO ANG
Kristine 16 - Hasta La Proxima Vez (Till Next Time) (UNEDITED) (COMPLETED)
RomanceDana Isabella-Diana and Joshua's daughter- was curiously reading her dead grandmother's diary nang sa pag-angat niya ng ulo'y kakaiba na ang kanyang kapaligiran. She was in the same house... the same room and the same bed... tamang oras, araw, at bu...