46

15K 458 39
                                    


"ISANG buwan na mula nang dumating ka subalit wala kang ginawa kundi ang magkulong sa silid mo!" singhal ni Don Genaro sa anak sa salitang Kastila nang buksan nito ang silid ng una at makita si Leon na nakapanungaw sa bintana. "Ni hindi ko alam kung ano ang dahilan ng bigla mong pag-uwi. Hindi ko na aalamin, ang mahalaga'y naririto ka na."

Hindi sumagot ang binata. Ang mga braso'y nakatukod sa pasimano ng malaking bintana. Nanatiling nakatanaw sa malawak at walang hanggang kagubatang nakapalibot sa bahay nila. Sa ibayo niyon ay ang dagat.

"Sinabi sa akin ni Clemencia na hindi mo siya sinipot sa usapan ninyong magkikita sa kapilya." Bagaman naroon ang akusasyon sa tinig ay bumaba nang bahagya ang tono ng matandang lalaki.

"Hindi ako ang nakipagtipan sa kanya. Ikaw ang nagsabing darating ako. Ni hindi mo tinanong kung gusto ko siyang kausapin," sagot ng binata sa walang-emosyong tinig. Ni hindi nilingon ang ama.

"Leon hijo, bakit hindi mo pakitunguhan nang mabuti si Clemencia. Kung ganda ang pag-uusapan ay hindi pahuhuli si Clemencia sa mga dalagang Española na nakikita mo sa Maynila."

"I am not attracted to her, Papa." mariin ang pagkakasabi ng binata sa mga kataga at hinarap ang ama. "Huwag mo akong piliting pakitunguhan siyang nang higit pa sa isang kaibigan lamang."

Tumiim ang mukha ng matandang lalaki. "Naipagkasundo na kita sa kanya, Leon. Sa susunod na buwan ang usapan namin ng kanyang mga magulang na ipakakasal kayo. Kaya ngayon pa lang ay ihanda mo na ang iyong sariling maging asawa siya!"

"Lo siento, Papa. Pero hindi kita maaaring sundin. Hindi ang babaeng iyon ang pangarap kong paghandugan ng aking pangalan." Mariin at tiyak ang pagkakasagot na iyon ni Leon sa ama, sapat upang gumuhit ang matinding galit sa mukha ni Genaro.

"Huwag mo akong bigyan ng kahihiyan, Leon!" Halos sumigaw na ito. Kanina pa nito ipinaliliwanag sa anak ang gustong mangyari subalit matigas ang binata. "Kailangang makasal kayo ni Clemencia. At kung hindi ka susunod sa aking kagustuhan ay—"

"Hindi kita naiintindihan, Papa," agap ng binata sa sinasabi ng matandang lalaki. Nagtatagis na mga bagang. "Kinasusuklaman mo ang mga Infieles. Subalit pilit mo akong ipinapakasal sa isang Infieles. Ang Mama'y isa ring katutubo. Bakit, Papa?"

Hindi agad nakasagot si Genaro. Ang galit sa mukha'y sandaling nahalinhan ng sandaling pagkalito.

"Pinagsamantalahan mo ba si Clemencia?" akusa at paniniyak ang tono ng binata. Nasa mukha ang matinding pagkadismaya sa matandang lalaki na biglang umilap ang mga mata.

"Ano ba ang pinagsasasabi mo?!" singhal nito sa anak. Pilit na pinagtatakpan ang guilt na gumuhit sa mukha.

"Tulad din ba ng ginawa mo sa Mama?" patuloy ni Leon na unti-unting tumigas ang mukha. 

"Napilitang magpakasal sa iyo ang Mama dahil pinagsamantalahan mo siya, hindi ba?" usig ng binata sa nagtatagis na mga bagang.

"P-paanong—" Nanlaki ang mga mata ng matandang lalaki. Unti-unting sumungaw ang mga butil ng pawis sa noo.

"Iniisip mo bang wala akong alam sa tunay na mga pangyayari?" Umismid ang binata. 

"Bagaman hindi ipinakikita sa iyo ng Mama sa takot na saktan mo siya'y kinasusuklaman ka niya hanggang sa kanyang kamatayan. Sinabi niya sa akin ang buong katotohanan kung paano mo siya inagaw mula sa kanyang kasintahan... ang sarili mong kapatid, si Carlos Antonio."

Napasinghap ang matandang lalaki kasabay ng pag-atras ng isang hakbang. Noon lamang nito nakita ang poot sa mga mata ni Leon.

"Tama ka, Leon," ani Genaro na bahagyang nakabawi sa pagkabigla. "Kinasusuklaman ako ng ina mo kaya kung ano-anong kalokohan ang inilagay niya riyan sa ulo mo upang pasamain ako sa mga mata mo."

Kristine 16 - Hasta La Proxima Vez (Till Next Time) (UNEDITED) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon