AT BAGO pa siya maka-recover sa matinding pagkamangha ay may isa na namang babae ang lumitaw sa pinto ng silid niya. A plump woman in her mid-forties. Nakabaro't saya at nakapamaywang sa kanya.
"Tama nga pala ang sinabi ni Consuelo. Hindi ka pa bihis, Isabel." Nasa tinig nito ang banayad na galit. Kasabay ng pag-iling ay itinulak nitong pasara ang pinto ng silid. Humakbang patungo sa kanya at bago pa niya maisip ang gagawin nito ay yumuko ang babae at hinawakan ang magkabilang laylayan ng oversized T-shirt at itinaas sa ulo niya. "Ako ang makakagalitan ng papa mo sa ginagawa mong ito."
Inihagis nito sa gitna ng katre ang nahubad na pantulog niya. Mabilis na itinakip ni Dana ang mga braso sa dibdib, nasa mukha ang matinding panggigilalas.
"Pati camiseta ng iyong ama ay isinuot mo." Napapailing pa ring lumakad ito patungo sa malaking aparador.
"S-sino kayo?"
Ang akmang pagbubukas ng aparador na matandang babae ay napigil at nilingon siya sa nagsasalubong na mga kilay.
"Ano ba ang pinagsasasabi mong bata ka?" Pagkuwan ay muling hinarap ang aparador at binuksan iyon. Kumuha roon ng damit at inilapag sa ibabaw ng kama. "Tutulungan na kitang magbihis at kanina pa aligaga ang nobyo mo."Nobyo?
"A-ako na po ang magbibihis." halos walang tinig na lumabas sa bibig ni Dana habang nakatutok ang tingin sa damit na nakalatag.
Tinitigan siyang mainam ng matandang babae. "May dinaramdam ka ba, Isabel? Bakit ganyan ang anyo mo? Tila ka ba namamanghang kung paano at namumutla—"Isabel!
"Hindi Isabel ang—" ang pangalan ko. Pinigil niya ang sasabihin. In one way or another, iyon ang pangalan niya. Naguguluhang tinitigan niya ang babae. Ano ang nangyayari? Saan galing ang mga taong ito? Bakit tila may nagkakasayahan siyang naririnig sa labas ng silid?
Mula sa matiim na pagkakatitig ay unti-unti ang paglitaw ng isang nakakaunawang ngiti sa mga labi ng matandang babae.
"Kinakabahan ka, Isabel. Oo nga naman. Iaanunsiyo ng iyong papa ang napipinto ninyong pag-iisang-dibdib ni Eman." Hinaplos nito ang buhok niya. "Nauunawaan ko ang nararamdaman mo, hija," banayad nitong sabi. Pagkuwan ay dinampot ang kamison at isinuot sa kanya.
Oh, god... oh, god!
Gusto niyang magprotesta pero walang tinig na lumabas sa bibig niya. At may palagay siyang ipinako siya sa pagkakatayo habang inaayusan at binibihisan siya ng matanda. Nang bigla ay mag-angat ito ng tingin.
"Ano itong suot mong panloob, Isabel? Bakit napakaliit yata sa iyo at wala nang tinakpan? At madulas. Saang bazaar mo ito nabili?"
She opened her mouth to say something, the old woman was referring to her silk bikini briefs. Pero walang lumabas na tinig sa bibig niya. Hindi rin niya alam kung ano ang sasabihin.
"Kayong mga kabataan, oo," bubulong-bulong ang matanda at ipinagpatuloy ang pagbibihis sa kanya. "Marahil ay ganito rin ang suot ng mga anak ng Amerikano sa unibersidad. Siguro ay isa sa kanila ang nagbigay sa iyo nito."
Hindi niya matiyak kung may tinig na lumabas sa bibig niya nang umoo siya. Nang matapos ito sa paggagayak sa kanya ay hinagod siya ng tingin. She saw adoration in the old woman's eyes.
"Kay bilis na lumipas ng panahon, Isabel. Hindi ko namalayan. Ang munting batang aking inalagaan noon ay isang magandang dalaga na ngayon. Kung sana'y buhay pa ang iyong mama..." Bahagyang nabasag ang tinig nito. At kung hindi nagkakamali si Dana ay tila kislap ng luha ang nasa mga mata ng matandang babae.
"Napakapalad ni Eman sa iyo," patuloy ng matanda. Tinitigan nito ang repleksiyon ni Dana sa salamin. "At ikaw rin nama'y mapalad sa kanya. Magandang lalaki, edukado, at may sinasabi sa buhay. Higit sa lahat, kilala na ninyong mabuti ang isa't isa..." Pagkuwan ay inakay siya nito sa harap ng malaking salamin sa tokador.
BINABASA MO ANG
Kristine 16 - Hasta La Proxima Vez (Till Next Time) (UNEDITED) (COMPLETED)
Roman d'amourDana Isabella-Diana and Joshua's daughter- was curiously reading her dead grandmother's diary nang sa pag-angat niya ng ulo'y kakaiba na ang kanyang kapaligiran. She was in the same house... the same room and the same bed... tamang oras, araw, at bu...