8

14.9K 519 21
                                    

ALAS-SIYETE na ng gabi nang ihatid siya ng abogado sa bahay. Bukas ang mga ilaw nang dumating sila.

"Nariyan si Aling Andeng," wika ng abogado na tumango-tango. "Mabuti at nang may makasama ka."

"Hindi na ninyo kailangang samahan ako sa itaas, Attorney. Goodnight and thank you," aniya at saka lumabas ng sasakyan. Hinintay niyang makaalis ang kotse nito bago pumasok sa bakuran at pumanhik sa hagdan.

Akma siyang kakatok nang bumukas ang pinto. Isang may kaliitan at matabang babae ang bumungad. Mainit na ngiti ang isinalubong nito sa kanya.

"Magandang gabi sa iyo," bungad ni Aling Andeng. "Nakita ko ang mga bagahe mo sa silid ni Donya Isabel kaya alam kong narito ka na..."

"Magandang gabi rin po. Kayo si Aling Andeng?"

"At ikaw naman ang apo ng matanda sa pinsan niya. Ano na nga ang 'alan mo, ineng?" Muli nitong isinara ang pinto pagkapasok niya.

"Dana, Aling Andeng. Kumain na po ba kayo?" tanong niya habang tinatawid ang kabahayan patungo sa silid.

"Bumili na lang ako ng lutong ulam diyan sa labas. Gusto mo bang magpabili ng kahit na ano sa labas?"

"Hindi na po. Gusto kong mag-ayos ng mga gamit ko sa aparador. Aling silid po ang inookupa ninyo?" Alam niyang apat ang silid sa itaas ng malaking bahay na iyon. At isang maliit na silid sa may ibaba na sa pagkakatanda niya noong bata pa siya ay laging pinanatiling malinis kahit walang gumagamit.

"Hindi ako rito natutulog, ineng." Nagsalubong ang mga kilay niya. Nahinto sa paghakbang.

"Ang usapan namin ni Attorney Palomares ay dalawang araw sa isang linggo ay narito ako upang linisin ang bahay," paliwanag ng matanda. "Lunes at Sabado. At sa gabi'y umuuwi ako sa anak ko sa Quiapo. Ngayo'y Martes. Pero naparito ako sandali upang tiyaking maayos ang daratnan mo. Sa Sabado na uli ako babalik."

Isang tango ang isinagot niya. "Kung ganoon po'y maaari na kayong umuwi at baka gabihin kayong masyado sa daan."

"Sadya lang kitang hinintay, ineng. At kung wala ka nang kailangan sa akin ay tutuloy na ako."

"Wala na ho."

"Isasara ko na itong pinto sa azotea." Ipinaglapat nito ang dalawang panels na pinto sa azotea. 

"Ikandado mo ang pinto sa salas paglabas ko. At inalis ko na rin nga pala ang mga gamit ni Donya Isabel sa aparador. Inilagay kong lahat sa baul at nasa kabilang silid."

"Salamat po at ako na ang bahala sa mga bintana." Sandali siyang nahinto sa paghakbang. Ngayon niya gustong pag-isipan kung tama ang desisyon niyang doon matulog.

Kristine 16 - Hasta La Proxima Vez (Till Next Time) (UNEDITED) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon