HAPON na. At tila nagbabadya pa ang ulan. Subalit hindi mapigil si Dana sa binabalak. Kung ipagpabukas niya'y wala siyang maisip na paliwanag kay Charles kung saan siya pupuntang mag-isa. Matagal siyang nag-isip sa loob ng silid ng hotel bago nakapagpasya.
Pupuntahan niya ang lugar na nasa painting. Gusto niyang makita iyon. At kung nasa tabing-dagat lang iyon ay hindi imposibleng makita niya kung babaybayin niya ang dalampasigan. Isa pa'y tiyak na naroroon pa rin ang malaking bato bilang landmark niya.
"Hindi po maaari, Ma'am," nakatingalang tanggi ng groom nang sabihin niyang gusto niyang sa baybayin patakbuhin ang kabayo. "Hindi po ipinahihintulot ni Sir Nathaniel iyon. Malawak naman po ang tatakbuhan ng kabayo rito. Baka nga po hindi n'yo pa maikot bago pumatak ang ulan."
Naniniwala si Dana na halos lahat ng bagay sa lupa'y may katapat na salapi. She smiled at the groom sweetly. Kapagkuwa'y dumukot sa bulsa ng blue jeans. Hindi biro ang halagang ipinakita niya.
Yumuko siya sa binatilyong lalaki at pasimpleng isinilid sa bulsa ng polo ang ilang five hundred bills. "Walang makakaalam na dadalhin ko sa baybayin ang kabayo. At narito na ako bago pa tuluyang dumilim. At kung sakali mang makita ako ng mga boss mo. Ni hindi ko mababanggit ang pangalan mo. Wala kang kinalaman."
Sandali lang nag-isip ang groom. Hindi biro ang halagang isinilid ng magandang dalaga sa bulsa nito.
"Ituturo ko po sa inyo ang gubat kung saan maaari kayong lihim na lumusot patungo sa baybayin," wika nito. Hindi maisip kung ano ang mayroon sa baybayin at doon gusto ng dalagang panauhin mangabayo. "Sana po'y huwag kayong magpaabot ng hapon. Nagbabadya ng ulan ang kalangitan."
Ngumiti si Dana at dahan-dahang pinapasok sa kagubatan ang kabayo. Hindi siya mahusay pero marunong siyang sumakay sa kabayo. May dalawang kaibigan siya sa Amerika na may farm at doon siya natutong sumakay ng kabayo. Tuwing summer ay pinahihintulutan siya ng mga magulang na magbakasyon doon nang isang linggo.
Ilang sandali pa'y natatanaw na niya sa siwang ng mga punong-niyog ang dagat.
"I'll find that place," determinadong sabi niya. Kung bakit ay hindi niya matiyak sa sarili.
Kung binata pa si Leon nang ipagawa ang bahay na iyon ay tiyak na ginawa nito iyon na ang nasa isip ay siya.
You're a fool, Dana. Si Isabel ang nasa isip niya, hindi ikaw.
Hindi niya binigyang-pansin ang munting tinig na iyon sa isipan. Nagpatuloy sa marahang pagpapatakbo sa kabayo. Ayon sa curator ay wala na ang bahay na iyon. Bakit kailangang magtungo siya roon?
Hindi niya alam. Siguro'y gusto niyang madama ang presensiya ni Leon. Siguro dahil totoong naapektuhan ang damdamin niya.
And she must be so foolish to entertain such feelings for a man who had been long dead before she was even born.
Malayo na ang tinatakbo ng kabayo at nagsisimula na ang mahinang patak ng ulan subalit hindi niya matanaw sa baybayin ang tanawing kamukha ng nasa painting.
Naturally, she thought. A lifetime had passed since Leon constructed and painted that house. Subalit naroon ang malaking bato bilang palatandaan. At marahil ay malayo pa dahil wala naman siyang naraanang malaking bato. Hinawi niya sa mukha ang mga patak ng lumalakas na ulan.
"Help me, Leon. Help me find that place."
Lumalakas ang ulan at hangin. At ang anyo ng gubat ay pare-pareho. Pulos mga puno ng niyog sa baybayin at iba't ibang punong-kahoy sa likod ng mga iyon. At malalago ang mga talahib at damo.
Pero hindi gustong sumuko ni Dana. Ni hindi rin niya napupunang halos dumidilim na. Patuloy siya sa marahang pagpapatakbo sa kabayo. Nang sa pagitan ng malakas na ulan ay matanaw niya ang batong iyon na nakaharang sa baybayin.
"That's it!"
Bahagya niyang tinapik ang kabayo pabilis. Kapagkuwa'y bumaba nang matapat sa mismong bato. Lampas-tao iyon at marahil kung pagsasalikupin ay tatlong taong magkakalahad na mga braso ang kakasya. Inikot niya ang paningin sa loob ng niyugan. Sa dinaanan niya'y bukod-tangi lamang ang lugar na iyon ang mahawan at patag.
Hila-hila ang renda ng kabayo na pumasok siya sa niyugan. At tama siya. Hindi gubat ang dakong iyon. At kung hindi lang malakas ang ulan ay natitiyak niyang dinadaanan ng tao ang bahaging iyon ng niyugan. Nagpalinga-linga siya. Wala siyang makita kahit labi ng pinagtayuang bahay.
"Oh, please, I must find it. It's getting dark. Paano ako uuwi 'pag dumilim nang husto?" kausap niya sa sarili dahil halos hindi na niya makita ang dinadaanan sa lakas ng ulan.
Nagpatuloy siya sa pagpasok sa niyugan. At lalo pang dumilim ang paligid dahil wala na siya sa open area. Kung may ilang minuto niyang hila-hila ang kabayo nang walang direksiyon hanggang sa minsang pagkidlat at lumiwanag ay mahagip ng paningin niya ang tila bubong ng isang istraktura sa di-kalayuan.
"That must be it! Oh, thank God!"
Halos takbuhin niya ang pagtungo roon. Muntik-muntikan nang matalisod sa mga nag-uusliang ugat ng punong-niyog at maliliit na hukay. Malalakas at malalaki ang patak ng ulan. Basang-basa na siya.
"A fence!" usal niya nang mahawakan ang mga naroong bakal.
Pagkatapos itali ang kabayo sa bakal ay binaybay niya ang bakod at hinanap ang gate sa pamamagitan ng kaunting natitirang liwanag at sa paminsan-minsang pagkidlat. Hanggang sa makita niya iyon. Lumangitngit ang bakal nang buksan niya.
"W-what is this place?" kinakabahang tanong niya sa sarili.
Bukod sa malalaking patak ng ulan ay madilim na at wala siyang maaninag. Nang muling kumidlat ay may natanawan siyang covered area. Iyon ang natanaw niya kanina mula sa malayo. Maaari siguro siyang sumilong doon hanggang sa tumila ang ulan.
Blindly, she ran to the place. Hanggang sa maramdaman niyang hindi na pumapatak ang ulan sa katawan niya. Napasubsob siya sa baldosa sa may tila pader. Nanginginig sa ginaw siyang nagsiksik doon. Magkahalo ang luha at ang tumutulong ulan mula sa buhok niya. At natatakot na siya. Ni hindi niya alam kung ano ang kinalugmukan niya.
"I'll take care of you, Isabel. Always... sa anumang paraan."
Napahagulhol siya sa alaalang iyon. "You can't do that anymore, Leon... hindi mo na magagawa iyon. At hindi ako si Isabel. She's dead like you!" She was sobbing hysterically. "I'm Dana. And I am so foolish to have fallen in love with you... a man from the past... a man who was born even before my own father was born!"
Nanatili siyang nakasubsob doon at ang mga luha'y nakikipagpaligsahan sa mga patak ng ulan.
BINABASA MO ANG
Kristine 16 - Hasta La Proxima Vez (Till Next Time) (UNEDITED) (COMPLETED)
RomanceDana Isabella-Diana and Joshua's daughter- was curiously reading her dead grandmother's diary nang sa pag-angat niya ng ulo'y kakaiba na ang kanyang kapaligiran. She was in the same house... the same room and the same bed... tamang oras, araw, at bu...