"I THINK that must be the house, Charles!" Excited na itinuro ni Dana ang isang dalawang palapag na bahay na ang itsura'y halos replika ng bahay sa Binondo at ng iba pang mga sinaunang bahay sa bayang iyon sa Laguna. Maliban sa renovated na iyon at maganda ang pagkakamintina.
Ipinara ng binata ang sasakyan sa may tabing-bakod na yari sa isang steel matting. Tila iyon isang makapal na yero na may mga butas. Ang steel matting ay ginagamit noong panahon ng mga Amerikano na inilalagay sa putikang lupa kung saan doon nagla-landing ang mga eroplano ng mga sundalong Amerikano. Makakapal ang halamang nakatanim sa bakod at pawang namumulaklak.
Mabilis na bumaba ng sasakyan si Dana. Lumapit sa nakabukas na tarangkahan at sumilip. May natanaw siyang matandang babaeng nagdidilig ng halaman.
"Magandang hapon po..." tawag niya, sabay hakbang papasok. Inulit niya ang pagbibigay-galang sa matandang babaeng nakatalikod. Ang puti nang buhok ay nakapusod at may nakasuksok na payneta.
Lumingon ito. May kung ilang sandali siyang sinino. Bahagyang ibinaba sa ilong ang salamin sa mata. Halos magdikit ang mapuputi nang mga kilay nito.
Si Dana ay nahinto sa paghakbang. Muli'y bumangon ang matinding kaba.
"Isa—Isabel? Ikaw nga ba?" Nabitiwan nito ang hose ng tubig sa lupa. At kapagkuwa'y humakbang palapit kay Dana.
Ang dalaga'y sunod-sunod ang agos ng mga luha na hindi mapigil. Ni hindi niya makuhang tuminag sa kinatatayuan.
This can't be true!Ang matandang babae'y huminto sa paglakad nang halos isang hakbang na lamang ang pagitan nilang dalawa.
"Isabel, ikaw nga?" wika nito sa nanginginig na tinig dala ng katandaan.
"D-Dana ang... ang pangalan ko. H-hindi Isabel..." She sobbed.Isang ngiti ang sumilay sa tuyot na mga labi ng matandang babae. The rheumy eyes sparkled.
"Dana... Isabel... Mahalaga pa ba iyon?" Tumaas ang dalawang kamay nito at inabot siya at niyakap.
Napahagulhol ng iyak si Dana. "Consuelo..." Pinakawalan siya ng matanda makalipas ang ilang sandali. Ang mga mata'y sinusuyod ng tingin ang kabuuan ng dalaga. "Just as I remember you. Walang nabago. Parang kahapon lang..." wika nito.
It was only yesterday, Consuelo... gusto niyang sabihin subalit tila may nakabara sa lalamunan niya.
Hinawakan siya sa braso ng matandang babae at inakay papasok sa loob ng kabahayan."Halika, Isabel, pumasok ka."
Sandali muna niyang nilingon si Charles bago walang-kibong sumunod sa matandang babae. Halos maubos na ang pagkamangha at panggigilalas sa dibdib niya.
"Maupo ka, Isabel," wika nito at itinuro ang solihiyang upuang narra. Naupo ang dalaga, ang mga mata'y hindi humihiwalay sa matandang babae kung paanong ganoon din ito sa kanya.
"Ano ang gusto mong inumin? Kape... tsaa?"
Pinahid niya ng likod ng palad ang mga luha at hinawakan ang payat na braso ng matandang babae nang akma itong tatalikod upang magtungo sa kusina.
"H-huwag ka nang mag-abala, Consuelo. Hindi ako magtatagal. Sino ang... kasama mo rito?" Inikot niya ang mga mata sa malaking kabahayan. Ang mga kasangkapan na bagaman luma'y maayos ang pagkakamintina. Magkahalo ang mga bago at sinaunang kasangkapan. Mula sa sala'y natatanaw niya ang modernong kusina. Ang paligid ay may bahid ng karangyaan.
Eman was well-off in 1928.Muling ngumiti ang matandang babae. Sa tantiya ng dalaga'y hindi lalampas sa otsenta y siyete ang edad ng babae. Subalit mukhang malakas pa ito sa kabila ng katandaan.
BINABASA MO ANG
Kristine 16 - Hasta La Proxima Vez (Till Next Time) (UNEDITED) (COMPLETED)
RomanceDana Isabella-Diana and Joshua's daughter- was curiously reading her dead grandmother's diary nang sa pag-angat niya ng ulo'y kakaiba na ang kanyang kapaligiran. She was in the same house... the same room and the same bed... tamang oras, araw, at bu...