NAILAGAY na niyang lahat ang mga damit sa loob ng lumang aparador. Ang malaking maleta ay inilagay niya sa ilalim ng kama. Mabuti ang pagkamintina ni Aling Andeng sa bahay. Ni hindi nangangamoy-luma ang lagayan ng damit. At ang kubrekama ay amoy-bagong laba. Matigas na natitiyak niyang ginamitan ng laundry starch.
Napangiti siya. Alam niya iyon dahil noong narito pa sila sa Pilipinas ay gumagamit ang labandera nila ng gawgaw para sa mga bedsheets at pillow cases.
Nag-inat siya ng katawan at sinulyapan ang wristwatch niyang ipinatong sa may tabi ng kandelabra sa mesita. Alas-nuwebe na ng gabi. Tumayo siya upang isara ang dalawang malalaking bintanang marahil ay binuksan ni Aling Andeng.
Sa pamamagitan ng ilaw mula sa itaas ng building sa kabilang solar ay natanaw niya ang likod-bahay. May dalawang punong-mangga na sa tingin niya ay kay tatanda na. Hindi na niya halos maaninag sa dilim ang firewall ng building sa kabilang solar.
Malamig ang hanging pumapasok habang isinasara niya ang mga bintana. At naisip pa man din niyang bumili ng isang electric fan na pansamantalang magagamit habang nagpaplano siya kung ano ang gagawing renovation sa bahay. Malamig sa gabi, ewan lang niya sa araw. Or maybe tomorrow she would want to stay in a hotel.
Lumabas siya sa silid upang isara na rin ang malalaking bintana sa kabahayan. Nang manungaw siya'y nakitang may mga tao pa sa kalye. Napuna niya kaninang may iilang bahay ring tulad ng bahay ni Donya Isabel sa magkabilang panig ng daan. Ang karamihan ay renovated na at maganda at moderno na ang mga bahay.
Ang magkabilang tagiliran ng bahay ng matanda ay buildings na ang nakatayo. Subalit may ilang nanatiling tulad ng bahay ni Donya Isabel. Marahil ay hindi abot ng budget ang magpa-renovate o sadyang gustong manatiling ganoon ang structure ng bahay.
Ang iba ay ginawang commercial ang ibaba, tulad na lang ng bahay sa tapat sa kabilang panig ng kalye. May maliit na groserya ang ibaba niyon. At may ilan pang istambay ang nasa harapan.
Tiniyak niyang nakasarang lahat ang mga bintana at pinto. Akma niyang papatayin ang flourescent light nang maisip na gagamit pa siya ng banyo na nasa may patungo sa kusina.
Nagbalik siya sa silid at kumuha ng tuwalya at pumasok sa banyo. Natambad sa kanya ang luma at primitibong banyo. Lahat ng gripo ay nakalabas sa sementadong mga dingding. Maraming mga tiles ang wala na. Ang konsolasyon niya ay malinis ang toilet at ang bowl. May tabo sa isang timbang plastic.
Napailing ang dalaga. She missed her bathtub. And the warm bath.Presko na ang pakiramdam niya nang magbalik sa silid. Nagbihis ng oversized T-shirt na siya niyang gawing gamiting pantulog. Pagkatapos ay binuksan niya ang isang drawer sa chest kung saan inilagay niya ang mga gamit sa mukha.
"Wrong drawer," kausap niya sa sarili nang ang kanang drawer ang mabuksan niya. Walang laman iyon kundi isang tila aklat na sinlaki ng pocketbook at dalawang lumang photo albums. Isasara na sana niyang muli nang manaig ang kuryosidad kung ano ang librong maliit. Binuksan pa niyang higit ang drawer at inilabas iyon.
"A diary!"
Tinitigan ni Dana ang diary. Halos nababakbak na ang itim na hardbound cover nito. Lumalim ang curiosity niya. Naupo siya sa gilid ng kama, yoga style, at maingat na binuklat ang cover. Nakasulat sa naninilaw na pahina ang pangalan ni Donya Isabel Ramirez.
"Nag-ingat ng diary si Lola Isabel!" excited niyang usal habang muling binuklat ang isa pa uling pahina. "May 13, 1928..." She did a fast mental computation. Kung ninety years old si Lola Isabel nang mamatay then she must be about twenty years old sa date na nakasulat sa diary.About her age.
"Dear diary..." Nagsimula siya sa pagbabasa sa halos nanlalabong sulat-kamay dala ng mga taon. "Nakatakda na akong ikasal kay Eman Ramirez. Isang kababata at magkaibigan ang aming pamilya. Ngayong gabi ang opisyal na anunsiyo para sa aming dalawa kasabay ng despedida ng aking papa patungong Estados Unidos. Lahat ay abala sa paghahanda. Ang aking Yaya Rosa ay hindi malaman kung paano aayusin ang damit na aking isusuot.
Mabait si Eman at magandang lalaki rin naman. At dahil si Eman ang aking unang novio, tiniyak ko sa aking sariling siya'y akin ding mahal. Wala na sana akong mahihiling pa dahil alam kong mahal na mahal ako ni Eman. Subalit nagbago ang lahat sa pagdating ni Leon sa aking buhay.
Dalawampu't limang taong gulang at nagpapakadalubhasa sa kursong pagnenegosyo sa Colegio de San Juan de Letran. Isa siyang boarder sa silong ng aming bahay. Ang Papa mismo na isa sa mga naging propesor niya ang tumanggap sa kanya..."
Nahinto si Dana sa pagbabasa nang bigla siyang makadama na tila umiikot ang paningin niya. Napatuwid siya sa pagkakaupo nang makarinig ng tila nagmamadaling katok sa pinto ng silid niya.
Nagsasalubong ang mga kilay na nilinga ng dalaga ang pinto ng silid. "May nakalimutan ba si Aling Andeng?" ang isip niya.
"Isabel, ano ba!" ang tinig mula sa labas ng silid. "Kay tagal mo namang magbihis!" Nanlaki ang mga mata ng dalaga. Hindi boses ni Aling Andeng iyon. Kinakabahang ibinaba niya ang diary sa kama at nag-aalangang lumapit sa pinto. Subalit hindi pa man siya nakararating doon ay bumukas na iyon.
Muntik pa siyang mapasigaw sa takot nang makitang nakatayo sa labas ng pinto ang isang babaeng halos kasing-edad niya. Nakapusod ang mahabang buhok. She was wearing a retro dress. Kung wariin niya ay kasali ito sa isang stage play. Isang version ng Maria Clara outfit.
"O, bakit ganyan ang pagkakatingin mo sa akin, Isabel?" gulat ding tanong ng babae. "At bakit hindi ka pa ayos? Ano ka ba nam—" Nahinto ito sa pagsasalita at naitakip sa bibig ang kamay nang matuon sa suot niya ang mga mata. "Ano iyang suot mo? Kamiseta ba ng Tiyo Jose iyan?" Sinuyod nito ng tingin ang kanyang kabuuan, in a most horrifying manner.
"A-ano'ng—"
Subalit bago pa may makalabas sa bibig niya ay muling nagsalita ang babae kasabay ng pagtaas ng abaniko sa ere. "Por dios, Isabel! Hindi ko akalaing ihahantad mo ang katawan mo sa ganyang kasuotan. Bilisan mong magpalit ng damit at kanina ka pa hinahanap ni Tiyo Jose.
Dumating na ang mga magulang ni Eman. At ang novio mo'y itinatanong ka na rin sa akin!"
Pagkatapos ng sindak at litanya nito ay mabilis na itong tumalikod. Hanggang sa mawala sa paningin niya ang babae ay nanatiling hindi kumikilos si Dana. Nanatiling namamangha. Saan galing ang babaeng iyon? At saan galing ang tila pag-uusap at halakhakan ng mga tao na naririnig niya?
Nang bigla ay mapatuon ang tingin niya sa mga bintana sa labas. Dahil nakabukas ang pinto ng silid niya ay natanaw niya ang bintanang kani-kanina lang ay isinara niya.
Bukas lahat ang mga iyon. At may kurtinang nakasabit sa itaas ng mga bintana.
"Oh, god!"
BINABASA MO ANG
Kristine 16 - Hasta La Proxima Vez (Till Next Time) (UNEDITED) (COMPLETED)
RomanceDana Isabella-Diana and Joshua's daughter- was curiously reading her dead grandmother's diary nang sa pag-angat niya ng ulo'y kakaiba na ang kanyang kapaligiran. She was in the same house... the same room and the same bed... tamang oras, araw, at bu...