"KANINO galing ang singsing na iyan?"Bahagyang napapitlag si Dana. Hindi niya namalayang nasa pinto niya si Consuelo.
"Galing kay Leon iyan, Isabel, hindi ba?" Puno ng akusasyon at hinanakit ang tinig ng dalaga. "At napansin kong hindi mo suot ang engagement ring ninyo ni Eman. Nasaan iyon?"
Was there an engagement ring?
"N-nasa jewelry box ko, Consuelo. Itinago ko."
"At ang singsing ni Leon ang suot mo. Naglalaro ka ng apoy, Isabel. Sana'y hindi ka mapaso. Sana'y walang maraming taong masasaktan. Sana'y hindi mo pinaasa si Leon."
Ilang sandali nang nakalabas ng silid si Consuelo ay nanatiling nakatitig sa may pinto si Dana. Pagkuwan ay tumayo at binuksan ang drawer. Naroon ang isang jewelry box. Inilabas niya iyon at binuksan. Mula sa mga naroong alahas ay isang singsing ang dinampot niya. Hindi niya alam kung bakit natitiyak niyang iyon ang engagement ring nila ni Eman. Tulad ng kay Leon ay brilyante ang bato nito, sa orihinal na round cut.
Isang buntong-hininga ang pinakawalan niya at muling ibinalik sa jewelry box ang singsing.
ARAW ng takdang pag-alis nina Leon at Dana. Hindi mapalagay ang dalaga at palakad-lakad sa kanyang silid. Nagulat pa siya nang isang marahang katok ang narinig kasabay ng pagbukas ng pinto ng silid.
"Hindi ka pa bihis?" si Consuelo. Pagkuwan ay nanlaki ang mga mata sa suot niyang jeans at T-shirt. "Bakit may mga gamit kang kakaiba, Isabel? Saang bazaar mayroon niyan dito?"
"I-ipinagbili sa akin ng... ng classmate kong anak ng Amerikano..."
"I-iyan ba ang uso sa Estados Unidos? Bakit hindi ko kinakitaang nagsuot niyan ang ibang mga dalagang anak ng mga Amerikano?"
"Oh, Consuelo," she said helplessly. "Huwag mong pansinin ang suot ko."
Nag-angat ng naguguluhang mukha si Consuelo. "Hindi ka ba papasok?"
"M-masakit ang ulo ko. Hindi marahil ako papasok ngayon. Ikaw na ang bahalang humingi ng paumanhin sa ating mga maestro."
Hindi nagsalita si Consuelo subalit matiim na nakatitig sa kanya. Umiwas siya ng tingin. Pagkuwan ay tahimik nitong isinara ang pintuan niya. Dala ang gamit ay tuloy-tuloy na ito sa ibaba.
Sa gate ay napahinto ang dalaga nang makita ang pagparada ng coche ni Eman. Napailing siya. Hindi maintindihan kung bakit nahuhulog ang loob ng pinsan kay Leon gayong wala silang alam sa buhay ng binata, maliban sa naging estudyante ito ni Don Jose sa Colegio de San Juan de Letran bago nagretiro sa pagtuturo ang matandang lalaki. At totoong magandang lalaki at simpatiko. Subalit hindi basehan ang panlabas na anyo ng isang tao upang matiyak na mapagkakatiwalaan.
Si Eman ay galing sa kilalang pamilya. Nakaaangat sa buhay. Higit na kilala ni Isabel kaysa sa estrangherong Espanyol.
"Papasok ka na ba, Consuelo? Bakit hindi kayo sabay ni Isabel?" nakatawang tanong ni Eman. "Nasa itaas pa ba siya?"
"Hindi siya papasok, Eman," sagot ng dalaga. "Masama ang pakiramdam ng nobya mo."
"Ganoon ba?"
"Bakit ka nga pala napakaagang naririto?"
"Gusto ko lang mag-abiso na dumating ang nakatatanda kong kapatid galing sa Laguna. Paparito kami mamayang gabi upang anyayahan siyang kumain sa labas. Sumama ka na rin, Consuelo."
Isang malungkot na ngiti ang pinakawalan ng dalaga. "Salamat na lang, Eman. Tutuloy na ako, pumanhik ka na."
Tuloy-tuloy sa hagdan si Eman. Si Consuelo ay nahinto sa may sidewalk. Kinakabahang di-mawari. Tumingin sa itaas ng bahay. Pagkuwan ay muli itong humakbang pabalik.
BINABASA MO ANG
Kristine 16 - Hasta La Proxima Vez (Till Next Time) (UNEDITED) (COMPLETED)
RomanceDana Isabella-Diana and Joshua's daughter- was curiously reading her dead grandmother's diary nang sa pag-angat niya ng ulo'y kakaiba na ang kanyang kapaligiran. She was in the same house... the same room and the same bed... tamang oras, araw, at bu...