"KUMAIN ka muna," anyaya ni Esmeralda sa binatang nasa ibabaw ng ginagawang bahay. Nagbububong ito ng pawid.
Ngumiti si Leon at nangunyapit sa mga tahilan at patalong bumaba. Inabot ang kamisetang nakasabit sa kahoy at pinunasan ang pawis sa mukha. Ipinagamit sa kanya ni Esmeralda ang mga damit ng ama.
"Hmm... mabango. Ano ba ang niluto ni Impong Sela?"
"Ako ang nagluto nito," kiming sabi ng dalaga. "Ginataang gabi..."
"Di lalong mas masarap iyan," nakangiting sabi nito, watching Esmeralda blushed. Agad na nagyuko ng ulo ang dalaga. Hindi maintindihan kung bakit ngiti lang at kapirasong papuri ay nagpapakislot na sa puso niya.
Inabot ni Leon mula sa dalaga ang basket at inilabas ang mga laman niyon. "Saluhan mo ako," anyaya nito.
"Kumain na ako, Leon, bago ako nagtungo rito. Panonoorin na lang kita..." aniya. Umupo ang dalaga sa isang nakahalang na kahoy. Pinagmamasdan ang pagsubo ng binata. Matagal na niyang napunang hindi ito sanay magkamay. Tuwina'y may nalalaglag na pagkain sa tuwing susubo ito. At ganoon na lamang ang pag-asam niyang sana'y may mga kubyertos sila.
Ang sandok nga nila'y yari sa bao ng niyog na ginawa ni Impong Sela. At tin can ang ginagamit nilang baso na alam niyang gamit ng mga Amerikano noong panahon ng digmaan.
"Parati ka sa lugar na ito na malapit sa malaking batong iyon," wika ng dalaga makalipas ang ilang sandali. Tinanaw ang malaking batong nasa dalampasigan bago muling ibinalik sa binata ang mga mata. "At dito mo rin itinatayo ang bahay mo? Napakalayo nito mula sa kubo namin? Bakit hindi ka roon nagtayo ng bahay?"
Nahinto sa akmang pagsubo ang binata at tinitigan ang dalaga. Matagal nang nanauli ang memorya niya at naisauli na ni Esmeralda sa kanya ang mga alahas. Naikuwento na niya rito ang tungkol sa kanya at kung paano siya napadpad sa isla maliban kay Isabelita.
Pinuno ni Leon ng hangin ang dibdib. Inabot ang tin can at uminom ng tubig. Pagkatapos ay tinanaw rin ang malaking bato sa may dalampasigan at ang buong baybayin. Minabuting ipagtapat ang totoo sa dalaga.
"May... may isang babae akong pinangakuang dadalhin sa islang ito, Esmeralda. Pinangarap na dito magsimulang magpamilya..." he said with pain and bitterness in his voice.
Nagyuko ng ulo si Esmeralda. Hindi niya kayang tingnan ang kalungkutan at kapaitang nasa mga mata ng binata. Hindi rin niya gustong makita ni Leon ang nasa mga mata niya. Halos dalawang buwan nang mahigit ang binata sa isla at natitiyak niya sa sariling nahuhulog ang loob niya rito. At ang pagbanggit nito tungkol sa ibang babae'y nagdudulot ng di-maipaliwanag na sakit sa dibdib niya.
"Si... Isabelita. Ang aking unang pag-ibig..."
"N-nasaan na siya?" hindi niya mapigilan ang magtanong subalit nanatiling nakayuko sa damuhan.
His lips twisted in a bitter smile. "Marahil sa sandaling ito'y may asawa na siya..."
Nilingon ng binata si Esmeralda na nag-angat ng ulo at tumitig sa kanya. Sinabi niya ang buong pangyayari tungkol sa kanila ni Isabelita.
"Nararamdaman ko pa ang sakit, Esmeralda... kailan lang iyon. Bago ako nabaril ng kinikilala kong ama'y binalak kong magtungo sa Maynila upang makipagkita sa kanya sa huling pagkakataon. Upang tiyaking maligaya siya sa piling ni Eman. Hindi mahirap para sa kanyang mahalin din ito. Magkababata sila."
Isang marahang tango ang ginawa ng dalaga. Tumayo. "B-babalik na ako sa kubo..." Hindi niya gustong marinig ang iba pang mga bagay tungkol sa babaeng iniibig ni Leon. Tila pinipiga niyon ang puso niya.Nakakailang hakbang na ang dalaga nang tawagin siya ng binata. Lumingon siya.
"Huwag mo akong tulungang kalimutan si Isabel, Esmeralda. Ayokong piliting kalimutan siya dahil nariyan ka. It wouldn't be fair—" hindi nito naituloy ang sinasabi dahil sa nakitang biglang paniningkit ng mga mata ni Esmeralda.
Bahagyang napasinghap ang dalaga. At sa naniningkit na mga mata'y, "Hindi ko alam na may itinatago kang kahambugan sa iyong sarili, Leon. Hindi ko inilalapit ang sarili ko sa iyo! At hindi ko sinabi sa iyong kalimutan mo siya sa pamamagitan ko!" she hissed. "Tayo lang dalawa ang tao sa islang ito maliban kay Impong Sela, natural lang na magkausap tayong parati! At huwag kang mag-aalala, ito na ang huling pakikipag-usap ko sa iyo!" Pagkasabi niyo'y nagmamadaling tumalikod ang dalaga.
Isang marahang tawa ang pinakawalan ni Leon habang sinusundan ng tingin ang dalaga. Kristine Esmeralda was beautiful beyond words.
And maybe... just maybe, he would fall in love again. Pero titiyakin niyang sa sandaling mangyari iyon ay tuluyan nang naglaho sa dibdib niya ang mga alaala ni Isabel...
*********************Hello mga beshie :) Kumusta ang lahat, inform ko lang kayo mga beshie baka umasa kayo ng update tom eh, kaso wala akong update bukas, wala kasi ako sa office kaya wala ring update so sad. :( ma-mi-miss ko tuloy kayo. :( Ingat kayo palagi mga beshie, at sana may dumating na milk tea char hahahaha . Take care and God bless us all. Huwag na kayo tumulad sa akin na always stress char. Happy - happy lang muna tayo mga beshie. Love you all char hahahaha - Admin A ********************
Enjoy reading mga beshie at huwag kalimutang mag comment at mag vote. :)
BINABASA MO ANG
Kristine 16 - Hasta La Proxima Vez (Till Next Time) (UNEDITED) (COMPLETED)
RomanceDana Isabella-Diana and Joshua's daughter- was curiously reading her dead grandmother's diary nang sa pag-angat niya ng ulo'y kakaiba na ang kanyang kapaligiran. She was in the same house... the same room and the same bed... tamang oras, araw, at bu...